Margielyn Didal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Margielyn Didal (cropped).jpg

Si Margielyn Arda Didal (isinilang noong Abril 19, 1999) ay isang Pilipinong propesyonal na skateboarder. Nakilala si Margielyn matapos maging unang Pilipino skateboarder na maimbitahang lumahok sa X Games Minneapolis 2018. Nag-uwi rin siya ng gintong medalya mula sa 2018 Asian Games.

Itinanghal din si Margielyn bilang isa sa “25 Most Influential Teens of 2018” ng TIME Magazine. Iginawad rin sa kaniya ang Asia Skater of the Year award noong 2020.

Personal na Buhay

Si Margielyn Didal ay isinilang noong Abril 19, 1999 sa Cebu City. Anak siya ni Lito Didal na isang karpintero at ni Julie Didal na isang kwek-kwek vendor. Siya ay pang-apat sa limang magkakapatid. Iniwan ni Margielyn ang pag-aaral at huminto noong siya ay Grade 7 upang pagtuunan ng pansin ang skateboarding at masuportahan ang kaniyang pamilya.

Noong nag-uumpisa si Margielyn sa skateboarding, madalas siya at mga kasama niyang skateboarder na hinahabol ng pulis dahil sa mga lansangan sila ng Cebu nag-eensayo ng skateboarding. Ito ay dahil walang skate park sa kanilang lugar kaya naman sa kalsada lamang sila nag-eensayo. Ngunit nang unti-unti na raw makilala si Margielyn, hinahabol na raw siya ng mga pulis upang makipag-retrato.

Naging malaking tulong sa pamilya ni Margielyn ang skateboarding. Ang bonus na nakuha niya mula sa pamahalaan matapos manalo sa 2018 Asian Games ay itinulong niya sa kaniyang pamilya upang makabuo ng isang negosyo.

Si Margielyn din ay lahad na bahagi ng LGBT Community. Tanggap ng kaniyang pamilya ang kaniyang katauhan. Mayroong nobya si Margielyn, si Jozel, na anim na taon na niyang karelasyon.

Pangarap ni Margielyn na mas makilala pa ang skateboarding sa Pilipinas at magkaroon ng mas maraming pagsuporta mula sa pamahalaan.

Karera bilang Skateboarder

Nag-umpisa ang hilig ni Margielyn sa skateboarding nang minsang mapanood ang mga skateboarder sa Concave Park, isang private skate park sa Cebu. Madalas siya sa labas ng nasabing park dahil doon nagtitinda ang kaniyang ina ng street food. Umiikot-ikot siya sa parke at nakikipagkaibigan sa mga skater doon kabilang sina Jeff Gonzales at Daniel Bautista. Hinihiram lamang niya noon ang skateboard ng mga kaibigan hanggang sa nakagawa siya ng sarili niyang skateboard.

Dahil dito, napansin ni Bautista ang potensiyal ni Margielyn. Siya na rin ang nagsilbing unang coach. Nagulat si Bautista sa bilis ni Margielyn matuto ng iba’t ibang tricks. Nagawa nga raw agad ni Margielyn sa loob lamang ng ilang oras ang 360 flip trick matapos ituro ni Bautista na talaga namang nagpahanga sa kaniya.

Nag-umpisang lumaban si Margielyn noong 2012 sa iba’t ibang torneo sa Cebu City. Hindi man agad natanggap ng mga magulang ni Margielyn ang pagkahilig niya sa skateboarding, kalaunan ay pinayagan na rin siya ng mga ito dahil nakikitang masaya ang kanilang anak.

Noong 2014, nakaranas ng injury si Margielyn at nakaroon ng bali sa kaniyang kanang kamay at paa. Upang tuluyang gumaling ang injury, ilang buwang sumailalim sa therapy si Margielyn.

Si Margielyn ang kauna-unahang Pilipino skateboarder na nakasali sa Street League Skateboarding noong 2018. Siya ay pang-apat noong preliminary round at naging pang-walo nang magtapos ang liga.

Muling sumalang si Margielyn noong 2019 sa Street League Skateboarding at nakapasok sa semifinals ngunit bigong makarating sa finals matapos makuha ang ika-14 na puwesto.

Gumawa rin ng kasaysayan ni Margielyn matapos maimbitahang lumahok sa X Games sa Minneapolis, Minnesota, USA noong 2018. Siya ang kauna-unahang Pilipinong naimbitahan sa prestihiyosong extreme sport event sa mundo.

Nagsanay si Margielyn ng dalawang buwan sa USA bago sumalang sa 2018 Asian Games at irepresenta ang Pilipinas sa women’s street skateboarding event. Nakuha ni Margielyn ang ikaapat na ginto ng Pilipinas sa Asian Games. Sa pitong subok, nakapagtala si Margielyn ng 30.4 points at nakuha ang gintong medalya. Dahil sa pagkakapanalong ito, si Margielyn din ang nagdala ng Watawat ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2018 Asian Games. Nakatanggap naman si Margielyn ng ₱6 milyon bonus na ginamit nila sa pagtatayo ng negosyo.

Inanunsiyo rin ni Cebu City Mayor Tommy Osmeña na nagkaroon ng ₱5 milyon donasyon upang makapagpatayo ng isang skate park sa kanilang lungsod.

Nanalo rin si Margielyn ng gintong medalya sa 2019 Philippine National Skateboarding Championship na ginanap sa Sta. Rosa, Laguna. Dalawang gintong medalya rin ang naiuwi ni Margielyn sa 2019 Southeast Asian Games sa event na game of skate at street skateboarding.

Bronze medal naman ang naiuwi ni Margielyn nang lumaban siya sa kauna-unahang 2020 Tampa Pro Women’s Open Finals sa Florida, USA.

2020 Tokyo Summer Olympics

Si Margielyn ang naging opisyal na deligado ng Pilipinas sa 2020 Tokyo Summer Olympics sa inagurasyon ng skateboarding bilang opisyal na event ng Olympics. Nakapasok si Margielyn sa finals ngunit bigong makapag-uwi ng medalya at nagtapos sa ika-7 puwesto.

Hindi man nagwagi sa Olympics, nag-viral naman sa social media ang positibong pananaw ni Margielyn matapos ang event. Malugod na tinanggap ni Margielyn ang kaniyang pagkabigo sa Olympics at ibinigay ang mensahe sa mga katulad niyang bigo sa sporting event na huwag ikahiya ang kanilang pagkatalo.

Mga Karangalan

  • 2018 Street League Skateboarding – 8th place
  • 2018 X Games – participant
  • 2018 Asian Games – gold medalist
  • 2019 Street League Skateboarding – 14th place
  • 2019 Philippine National Skateboarding Championships – gold medalist
  • 2019 Southeast Asian Games (Game of Skate) – gold medalist
  • 2019 Southeast Asian Games (street skateboarding) – gold medalist
  • 2020 Tampa Pro Women’s Open Finals – bronze
  • 2020 Tokyo Summer Olympics – 4th place

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.