Margarita Roxas de Ayala

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Margarita Roxas de Ayala (1826–1869) ay isang pilantropo at isa sa pinakamahuhusay at pinakamatatagumpay na negosyante sa Pilipinas. Siya ang pinagmulan ng tanyag na angkan ng mga Roxas, Ayala, at Zobel.

Pagkabata

Ipinanganak si Margarita Roxas de Ayala noong 22 Hulyo 1826. Panganay na anak siya nina Domingo Roxas at Maria Saturnina Ubaldo. Ang kaniyang ama ang nagtaguyod ng Casa Roxas (na nakilala bilang Ayala y Compañia) at isang magaling na negosyante sa bansa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, habang ang kaniyang ina naman ay isang Espanyol.

Bata pa lang si Margarita, nasaksihan na niya ang kalupitan ng mga mananakop na Espanyol. Tatlong beses ikinulong ang kaniyang ama dahil sa akusasyong nakikiisa siya sa pag-aalsa ng mga Pilipino. Isa kasing magiting na industriyalista ang kaniyang ama. Tinutulan nito ang monopolyo sa asukal at alkohol. Tagapagtaguyod din siya ng isang malayang reporma. Ang malala, sinuportahan pa nito ang Cofradia de San Jose, isang organisasyon ng rebolusyonaryong si Apolinario de la Cruz o mas kilala bilang Hermano Pule. Sa ikatlong pagkakataon na ikinulong ang kaniyang ama noong 1842 sa edad na mahigit animnapu, nagtungo si Margarita nang mag-isa sa Espanya para hilingin kay Reyna Isabela II ang kalayaan ng kaniyang ama. Anim na buwan din ang lumipas bago ipinagkaloob ng reyna ang kaniyang pakiusap. Nakita raw kasi nito ang determinasyon ng dalaga.

Dahil dito, bumiyahe siya pabalik ng Pilipinas lulan ng sasakyang-dagat. Inabot din siya ng ilang buwan dahil hindi pa noon bukas ang Suez Canal. Nahuli na siya ng dating dahil ang kaniyang ama ay namatay na sa loob ng kulungan. Nabalewala ang kalayaang ipinagkaloob ni Reyna Isabela II.

Pagpasok sa Negosyo

Nang mamatay ang kaniyang ama, napunta kay Margarito ang kamay ang pamamahala sa kanilang kompanya noong 1843. Ang naging puhunan niya ay ang kaniyang karanasan sa pagnenegosyo at husay sa pakikipagkapuwa-tao. Pinalitan ni Margarita at ng kaniyang mga kapatid ang pangalan ng kompanya mula Casa Roxas naging Roxas Hijos. Nang umalis ang kaniyang kapatid na si Don Jose Bonifacio Roxas para magtayo ng sariling negosyo, pinalitan na naman ito ng pangalan at naging Roxas Hermanos. Nang mamatay ang kaniyang bunsong kapatid na si Mariano Roxas, muli itong pinalitan ng pangalan at naging Ayala Compañia.

Pinatakbo ni Margarita ang negosyo at pinasok ang pagnenegosyo sa ari-arian, pagmimina, at produksiyon ng alkohol. Bumili siya ng magagandang lupain sa Candaba, Pampanga, Calatagan, Batangas, at Capiz noong 1850. Ipinadala niya sa Capiz ang pamangking si Antonio Roxas para pangasiwaan ang negosyong palma. Gayunpaman, lagi lang siyang nakaantabay lalo na sa pag-aani ng alkohol mula sa palma na naging simula ng pagkakatatag ng Ginebra Ayala.

Taong 1851 nang bilhin ng kaniyang kapatid na si Don Jose Bonifacio ang isang 1,650 ektaryang lupain sa Rizal para patayuan ng Hacienda San Pedro de Macati. Nang taon ding iyon, naitatag niya at ng pamangkin na si Don Antonio ang Banco Español-Filipino de Isabel II o mas kilala ngayon bilang Bank of the Philippine Islands, na siyang kauna-unahang pribadong bangko sa Pilipinas at sa Timog-silangang Asya. Si Don Antonio ang iniluklok bilang kauna-unahang direktor nito.

Pagsisimula ng Angkan ng mga Roxas at Ayala

Taong 1844 nang magpakasal si Margarita kay Don Antonio de Ayala, isang Espanyol mula sa rehiyon ng Basque sa Alava de Ayala sa Espanya. Nang magtungo sila sa Europa, pinag-usapan nila ang tungkol sa pagpapalawak ng kanilang negosyo. Pinasok niya ang pagmimina sa Pandan Creek, Naga, Cebu, at Atimonan, Quezon. Binuksan din niya ang kauna-unahang pagawaan ng alak sa Pilipinas na naging dahilan para bumili pa siya ng maraming lupaing umabot sa 5,000 ektarya sa San Esteban, Pampanga.

Bilang Pilantropo

Dahil sa tinamasang yaman at tagumpay, ipinamigay ni Margarita ang kaniyang sariling tirahan, ang La Concordia na nasa Santa Ana, Manila, noong 1868. Ipinamahagi niya ito sa Colegio de la Concordia, na kilala ngayon bilang La Concordia College. Pinamunuan niya ito at kinuha ang mga madreng Espanyol para maging empleado. Layunin ng eskuwelahan na mabigyan ng libreng edukasyon ang mahihirap na kababaihan.

Itinalaga rin siyang pangulo ng Conferencias de San Vicente de Paul noong 1861. Sa pamamagitan nito, mas naging malapit siya sa mahihirap at maysakit sa pamamagitan ng pagbisita sa mga ito at pagbibigay ng tulong pinansiyal at espiritwal sa mga nangangailangan. Nakatulong din siya sa mga Pilipinong nasalanta ng mga kalamidad.

Nang masira naman ang ospital ng San Juan de Dios nang hagupitin ito ng isang lindol noong 1863, nag-organisa si Margarita ng isang “bazar de caridad” para makakalap ng pondo at maipagawa ang nasira. Nagpagawa siya ng ilang silid para sa mahihirap na maysakit.

Ang pagiging matulungin ni Margarita ay naging dahilan para siya ay makilala ng bayaning si Jose Rizal. Sinabi ni Rizal sa kaniyang personal na talaarawan noong 31 Marso 1884 na kilala niya si Donya Margarita dahil sa angkin nitong kabutihan.

Mga Parangal na Natanggap

Ang kagalingan ni Margarita sa industriya ay kinilala ng gobyerno ng Espanya na naging daan para siya ay bigyan ng parangal na “Dama de Honor de la Reina” at “Banda de Reina Maria Luisa.”

Pagkamatay

Noong 11 Nobyembre 1869, pumanaw si Margarita sa edad na 43. Naiwan kay Don Antonio ang pangangasiwa sa mga negosyo pero pumanaw rin ito noong 1876. Napunta sa kanilang mga anak ang pagpapatakbo ng negosyo.

Nagkaroon sila ng tatlong anak na babae. Isa sa kanila ay si Carmen Roxas de Ayala na ikinasal sa kaniyang pinsang si Don Pedro Pablo Roxas. Nagkaroon sila ng isang anak. Ipinangalan nila ang kanilang anak kay Doña Margarita. Nang lumaon, napangasawa ni Margarita Roxas de Ayala y Roxas si Eduardo Soriano. Sila ang mga magulang ni Andres Soriano na siyang humawak noon ng San Miguel Corporation.

Ang isa pang anak nila Doña Margarita at Don Pedro ay si Doña Trinidad de Ayala na ikinasal naman kay Jacobo Zobel y Zangroniz. Sila ang nagpasimula ng sikat at tinitingala ngayong pamilya ng Zobel de Ayala.

Ang panganay naman sa magkakapatid na si Camila de Ayala ay ikinasal kay Andres Ortiz de Zarate pero hindi sila nagkaroon ng anak dahil siya ay namatay.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.