Manuel Roxas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Manuel Roxas.

Si Manuel Acuña Roxas (1 Enero 1892 - 15 Abril 1948) ay ang ikalimang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Siya ang ikatlo at huling pangulo ng Pamahalaang Komonwelt at nagsilbi mula ika-18 Mayo 1946 hanggang ika-4 Hulyo 1946, at ang unang pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas mula ika-4 Hulyo 1946 hanggang sa kaniyang kamatayan noong ika-15 Abril 1948.

Talambuhay

Maagang buhay

Ipinanganak si Roxas noong ika-1 Enero 1891 sa Capiz kina Gerardo Roxas, Sr. at Rosario Acuña. Ang kanyang ama ay pinatay ng mga Kastilang guardia civil bago pa ipanganak si Manuel. Nagtapos siya sa Mataas na Paaralan ng Maynila (ngayong Mataas na Paaralan ng Araullo) noong 1909. Nag-aral siya ng batas sa isang pribadong paaralang itinatag ni George A. Malcolm na unang dekano ng Kolehiyo ng Batas ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa ikalawang taon ay pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan siya nagtapos na balediktoryan at nakakuha ng pinakamataas na markang 92 porsyento sa bar examination noong 1913. Bago pumasok sa politika, nagturo ng abogasya si Roxas sa Philippine Law School and Normal University. Noong 1913, inalok siya na maging kalihim ni Chief Justice Cayetano L. Arellano sa Korte Suprema.

Gobernador ng Capiz

Sinimulan ni Roxas ang kanyang karerang pampulitika noong 1917 bilang kasapi ng konsehong pangmunisipyo ng Capiz (ngayong Lungsod ng Roxas). Siya ay nahalal na Gobernador ng Capiz mula 1919 hanggang 1921.

Kinatawan

Matapos ang kaniyang termino bilang gobernador, nahalal si Roxas sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas noong 1922 at nanungkulan bilang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa 12 taon. Siya ay naging kasapi ng Philippine Council of State. Noong 1923, kasama si Manuel L. Quezon, na noon ay tagapangulo ng Senado, nagbitiw si Roxas mula sa Council of State nang simulang tutulan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood ang mga panukalang batas na ipinasa ng lehislatura ng Pilipinas.

Misyong OsRox

Noong 1931, nagtungo si Roxas sa Estados Unidos kasama si Sergio Osmeña para sa kampanyang tinawag na misyong OsRox. Layunin nilang kumbinsihin ang mga mambabatas na Amerikano na gumawa ng batas para sa kalayaan ng Pilipinas. Nakamit ng misyong OsRox ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Hare–Hawes–Cutting Act na nangangakong magbibigay ng kalayaan sa Pilipinas makalipas ang sampung taon ngunit ito ay itinakwil ng Senado ng Pilipinas sa panghihimok ni Manuel L. Quezon. Si Quezon ay nanguna sa isang misyon noong 1934 upang makuha ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Tydings–McDuffie na pinagtibay ng Senado ng Pilipinas.

Senado

Siya ay nahalal sa Senado ng Pilipinas noong 1941 ngunit ang Kongreso ng Pilipino ay hindi natipon hanggang pagkatapos lamang na mapalaya ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapones noong 1945.

Iba pang mga hinawakang posisyon sa pamahalaan

Siya ay kasapi ng Kombensiyong Konstitusyonal mula 1934 hanggang 1935 na lumikha ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935 sa ilalim ng Tydings-McDuffie Act. Siya ay naglingkod na kalihim ng Pananalapi mula 1938 hanggang 1940, Tagapangasiwa ng National Economic Council, Tagapangsiwa ng National Development Company, Brigadier General ng USAFFE, at iba pa.

Panahong Hapones

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Nanungkulan si Roxas sa pamahalaan ng Ikalawang Republika ng Pilipinas ni Jose P. Laurel sa ilalim ng mga Hapon bilang Direktor ng Ahensiya ng Paglilikom ng mga suplay ng bigas para sa hukbong Hapones. Siya ay naging kasapi ng komiteng gumawa ng drapto ng Saligang Batas ng Ikalawang Republika sa ilalim ng pamamahalang Hapon.

Gayunpaman, si Roxas ay pinaghihinalaan ng mga Hapones na nakikipagtulungan sa mga gerilyang laban sa Hapon at nagsagawa ng lihim na paniniktik kay Roxas sa kabila ng kautusan ni Heneral Homma, na malapit kay Roxas, na itigil ang paniniktik nila kay Roxas.

Noong 1945, si Roxas kasama ng ibang mga kasapi ng gabinete ng Ikalawang Republika, ay dinakip ni Heneral Douglas MacArthur. Si Roxas ay pinalaya, pinatawad at ibinalik ni MacArthur sa ranggong Brigadier Heneral sa General Headquarters ng Hukbong Amerikano sa Seksiyong Intelihensiya samantalang ang ibang nadakip na sina Jose Yulo, Antonio delas Alas, Quintin Paredes at Teofilo Sison ay ibinilanggo upang litisin dahil sa pakikipagsabwatan sa mga Hapones. Inangkin ni MacArthur na si Roxas ay inosente at tumulong sa kilusang gerilyang laban sa Hapon. Noong 1948, pinatawad ni Pangulong Roxas ang mga dinakip na sinasabing kasabwat ng mga Hapones.

Noong halalan ng 1946, hiniling ni Roxas ang suporta ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) ngunit dahil sa paniniwalang si Roxas ay nakipagtulungan sa mga Hapones at malapit na nauugnay sa mga mayayamang nagmamay-ari ng lupain, kanilang sinuportahan si Sergio Osmeña. Pagkatapos manalo ni Roxas sa halalan, noong 1948, kanyang inihayag ang parehong Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka at Hukbalahap na mga "ilegal na organisasyon" at inutos ang pagdakip ng mga kasapi nito dahil sa "pagpapabagsak ng pamahalaan sa pamamagitan ng dahas" at "pagtatatag ng kanilang sariling pamahalaan sa tulong ng dahas at takot".

Pangulo ng Pilipinas

Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapones, ibinalik sa Pilipinas ang Komonwelt ng Pilipinas noong ika-27 Pebrero 1945 kung saan Pangulo si Sergio Osmeña.

Nanalo si Roxas sa halalan noong Abril 23,1946 na may 54 porsiyento ng kabuuang boto laban kina Sergio Osmeña ng Partido Nacionalista at Hilario Moncada ng Partido Modernista. Si Roxas ay tumakbo sa ilalim ng Partido Liberal na kanyang itinatag pagkatapos humiwalay sa Partido Nacionalista. Si Roxas ay nagsilbing pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas mula Mayo 28, 1946 hanggang Hulyo 4, 1946 nang makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa Estados Unidos.

Noong ika-21 Hunyo 1946, si Roxas ay humarap sa Kongreso ng Estados Unidos upang himukin ang pagpasa ng dalawang batas na ipinasa ng Kongreso ng Estados noong ika-30 Abril 1946 ang Batas Tydings–McDuffie at ang Bell Trade Act na parehong ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos.

Nanumpa si Roxas bilang unangPangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas noong ika-4 Hulyo 1946, sa parehong araw na inilunsad ang Ikatlong Republika ng Pilipinas at kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos. Ang okasyon ay dinaluhan ng nasa 3,000 dignitaryo kabilang ang Commissioner to the Philippines at kauna-unahang Embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas Paul McNutt, Heneral Douglas MacArthur galing sa Tokyo, United States Postmaster General Robert E. Hannegan, isang delegasyon mula sa Kongreso ng Estados Unidos na pinangunahan ni Senador Millard Tydings (may akda ng Batas Tydings–McDuffie) at Kinatawan C. Jasper Bell (may akda ng Bell Trade Act) at dating Civil Governor-General Francis Burton Harrison. Ito ay dinaluhan ng mga 300,000 katao na nakasaksi sa pagbaba ng pambansang watawat ng Estados Unidos at pagtataas ng pambansang watawat ng Pilipinas.

Si Roxas ang nanungkulang Pangulo ng Pilipinas hanggang sa kanyang kamatayan noong ika-15 Abril 1948.

Kamatayan

Libingan ni Roxas sa Sementeryong Norte sa Maynila.

Namatay si Roxas noong ika-15 Abril 1948 matapos atakihin sa puso habang nasa sa tahanan ni Major General E.L. Eubank sa Clark Field, Angeles City, Pampanga pagkatapos manalumpati sa harap ng Sandatahang Panghimpapawid ng Estados Unidos. Dahil hindi pa tapos ang termino ni Roxas, siya ay hinalinhan ng Pangalawang Pangulong na si Elpidio Quirino.

Mga Sanggunian