Manuel L. Quezon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Manuel L. Quezon.

Si Manuel Luis Quezon y Molina (19 Agosto 1878–1 Agosto 1944) ay ang ikalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at unang pangulo ng Pamahalaang Komonwelt na nagsilbi mula 1935 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1944. Siya ang kinilala bilang ikalawang Pangulo ng Pilipinas, kasunod ni Emilio Aguinaldo (na ang administrasyon ay hindi kinilala ng ibang bansa sa mga panahong iyon at hindi kinilala bilang unang pangulo sa mga kapisanang internasyonal). Kilala si Quezon sa kaniyang pagsusulong sa kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Amerikano. Kilala rin si Quezon bilang “Ama ng Wikang Pambansa” matapos niyang ideklara ang pagkakaroon ng isang pambansang wika ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1937. Si Quezon ang unang Senate President na naging pangulo ng Pilipinas, ang unang pangulo na nahalal sa isang pambansang halalan, at ang unang pangulong muling nahalal sa puwesto. Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod Quezon sa Kalakhang Maynila at ang Lalawigan ng Quezon.

Talambuhay

Maagang buhay

Ipinanganak si Manuel L. Quezon sa Baler, sa lalawigan ng Tayabas (tinatawag na ngayong Aurora) noong 19 Agosto 1878. Ang tunay niyang pangalan ay Manuel Luis M. Quezon. Anak siya nina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, kapuwa mga guro. Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Colegio de San Juan de Letran noong 1893.

Siya ay nag-aral sa mga panimulang baitang sa mga libreng pampublikong paaralan na itinatatag ng mga Espanyol sa Pilipinas sa kaniyang bayan. Siya ay nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran sa mataas na paaralan. Noong 1898, ang kaniyang ama at kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinaslang habang pauwi sa Baler mula Nueva Ecija. Noong 1899, si Quezon ay huminto sa kaniyang pag-aaral ng batas sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila upang sumali sa pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo. Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, siya ay isang ayuda-de-campo kay Aguinaldo. Siya ay umakyat sa ranggong major at lumaban sa Bataan. Pagkatapos niyang sumuko noong 1900, si Quezon ay bumalik sa unibersidad upang tapusin ang kaniyang pag-aaral at nakapasa sa mga eksaminasyon sa batas noong 1903 na naging ikaapat sa mga kumuha nito.

Bilang isang binata, nakilahok siya sa mga pag-aalsa laban sa mga Espanyol. Nakipaglaban din siyang kasama ng mga Pilipinong Nasyonalista sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, bilang katulong ni Aguinaldo. Naipakulong siya dahil sa gawaing ito. Makaraang palayain, nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos.

Naging manananggol si Quezon sa Baler. Noong 1906, nahalal siya bilang gobernador ng Tayabas, ngunit nagbitiw upang makapangampanya para sa Asambleya ng Pilipinas, kung saan nakamit niya ang pagiging pinuno ng Asambleya. Mula 1909 hanggang 1916, nagsilbi si Quezon sa Estados Unidos bilang naninirahang komisyonero para sa Pilipinas. Sa panahong ito naipasa ang Batas Jones (Jones Act), nagtatanggal sa Komisyon sa Pilipinas ng Estados Unidos at nagbibigay ng mas mataas na antas ng pamamahala sa mga Pilipino. Dahil dito, itinuring na bayani si Quezon nang muli siyang magbalik sa Pilipinas.

Pinakasalan ni Quezon ang kaniyang unang pinsan na si Aurora Aragon noong 17 Disyembre 1918. Sila ay nagkaroon ng apat na anak.

Sa sumunod na dalawang taon, naglingkod siya bilang pangulo ng Senado ng Pilipinas.

Noong 1935, nanalo si Quezon sa unang halalan ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ilalim ng bagong Komonwelt ng Pilipinas, laban kina Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Muli siyang nahalal noong 1941.

Pagkaraan ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumakas siya papuntang Australia, at pagkaraan nagtuloy sa Estados Unidos. Sa dalawang bansang ito niya pinamunuan ang pamahalaan ng Pilipinas habang malayo sa bansa.

Nagkasakit ng tuberkulosis si Quezon at namatay sa Saranac Lake, Franklin Country, New York noong 1 Agosto 1944 sa edad na 66.

Unang inilibing ang kaniyang labí sa Arlington National Cemetery. Pagkaraan, ang kaniyang labí ay inilibing muli sa Maynila, sa Manila North Cemetery at inilipat sa Lungsod Quezon sa loob ng monumento sa Quezon Memorial Circle.

Kongreso

Kinatawan

Si Quezon ay nahalal sa unang Asembleyang Pilipino noong 1907 na kalaunang naging Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas. Siya ay naglingkod na majority floor leader at chairman ng komite sa mga apropriasyon. Mula 1909 hanggang 1916, siya ay nagsilbing isa sa dalawang mga komisyoner sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados. Siya ay naglobby para sa pagpasa ng mga kinatawan ng Estados Unidos ng Philippine Autonomy Act o Jones Law.

Senado

Si Quezon ay bumalik sa Maynila noong 1916 at tumakbo at nahalal sa Senado ng Pilipinas. Siya ay kalaunang naging Pangulo ng Senado sa loob 19 taon hanggang 1935. Pinamunuan niya ang unang Indendiyenteng Misyon sa Kongreso ng Estados Unidos noong 1919 na nagpasa ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934. Noong 1922, siya ay naging pinuno ng Partido Nacionalista.

Bilang Pangulo

Inaugurasyon ni Manuel L. Quezon bilang pangulo noong 15 Nobyembre 1935.

Noong 1935, Si Quezon ay tumakbo at nahalal na pangulo ng Pilipinas. Nakamit niya ang 68 porsyento laban kina Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay. Siya ang ikalawang pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Aguinaldo.

Unang Termino

Ekonomiya

Matatag ang kondisyon ng ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ng Estado Unidos. Ang kalakalang pandayuhan ay umabot sa 400 milyong piso. Naging maganda rin ang pagluluwas ng mga pananim, maliban sa tabako. Ang halaga ng mga iniluluwas ng Pilipinas ay umabot ng 320,896,000 piso na pinakamataas simula 1929. Ang mga kinita ng pamahalaan ay umabot ng 76,675,000 piso noong 1936 mula 65,000,000 piso noong 1935. Ang produksiyon ng ginto ay tumaas ng 37 porsiyento, ang bakal sa halos 100 porsiyento, at ang produksiyon ng semento ay lumaki ng 14 porsiyento. Dahil dito, binuo ang National Economic Council. Ito ang nagpapayo sa pamahalaan sa mga tanong na pang-ekonomiya at pananalapi kabilang ang pagtataguyod ng mga industriya, dibersipikasyon ng mga pananim, mga taripa, pagbubuwis, at pagbuo ng programang pang-ekonomiya.

Pambansang wika

Isang probisyon sa konstitusyon ang ipinatupad ni Quezon hinggil sa pambansang wika ng Pilipinas. Pagkatapos ng isang taong pag-aaral, inirekomenda ng Surian ng Wikang Pambansa, na itinatag noong 1936, na ang wikang Tagalog ang gawing batayan sa pagbuo ng pambansang wika. Ang mungkahing ito ay mahusay na tinanggap sa kabila ng pagiging katutubong Bisaya ng unang direktor nitong si Jaime C. de Veyra. Noong Disyembre 1938, si Quezon ay naglabas ng proklamasyon na nagpapatibay sa konsitusyong ginawa ng Surian at naghahayag na mangyayari ang pagtanggap ng pambansang wika sa loob ng dalawang taon mula rito.

Karapatang bumoto ng kababaihan

Sinimulan ni Quezon ang pagtataguyod sa karapatan sa pagboto ng kababaihan. Ang 1935 Konstitusyon ay nag-aatas na ang karapatan ay maipagkakaloob kapag ang hindi kaunti sa 300,000 ay aayon sa plebisito. Ang pamahalaan ni Quezon ay nag-utos ng isang plebisito noong 3 Abril 1937. Sumang-ayon sa pagbibigay ng karapata sa pagboto ng kababaihan ang 447,725 na lumahok sa plebisito, habang nasa 44,307 ang tumutol dito.

1940 plebisito

Kasabay ng mga lokal na halalan noong 1940, idinaos ang isa pang plebisito upang pagtibayin ang iminungkahing mga susog sa Konstitusyon hinggil sa pagpapanumbalik ng lehislaturang bikameral, ang termino ng pangulo na itatakda sa apat na taon na may isang muling paghalal at ang pagtatatag ng independiyenteng Komisyon sa Halalan. Ang mga susog ay pinagtibay at sina Speaker Jose Yulo at Assemblyman Dominador Tan ay tumungo sa Estados Unidos upang kunin ang pagpapatibay ni Pangulong Franklin D. Roosevelt na ibinigay nito noong 2 Disyembre 1940. Pagkatapos ng dalawang araw, ito ay prinoklama ni Quezon.

Ikalawang termino

Si Quezon ay ipinagbawal ng konstitusyon na muling tumakbo sa halalan ng pagkapangulo. Gayunpaman, ang mga susog noong 1940 ay pinagtibay na pumapayag sa kaniyang muling pagtakbo. Siya ay tumakbo at nahalal sa halalan ng pagkapangulo noong 1941 na may halos 82 porsiyento laban kay Juan Sumulong.

Pananakop ng mga Hapones at pagkakatapon ni Quezon sa Estados Unidos
Paglapag ng mga Hapones sa Corregidor noong 5 Mayo 1942.
Si Quezon kasama ni Pangulong Franklin D. Roosevelt sa Washington, D.C. sa Estados Unidos noong 13 Mayo 1943.

Pagkatapos ng pasimula ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas noong 8 Disyembre 1941, lumikas sina Heneral Douglas MacArthur at Quezon sa Bataan noong 24 Disyembre 1941. Pinayuhan ni MacArthur si Quezon na lumikas sa Corregidor kung saan isinagawa ang kaniyang inaugurasyon bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1941. Ang mga Hapones ay pumasok sa siyudad ng Maynila noong 2 Enero 1942 at itinatag ito bilang kabisera. Nasakop ng mga Hapones ang buong Pilipinas noong 6 Mayo 1942 pagkatapos ng Labanan ng Corregidor. Pagkatapos ay lumikas si Quezon sa Visayas at Mindanao at sa pag-anyaya ng pamahalaan ng Estados Unidos ay lumikas siya patungong Australia at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Sa Estados Unidos ay itinatag niya ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas na nasa pagkakatapon na may mga headquarter sa Washington, D.C.. Doon ay nagsilbi siyang kasapi ng Pacific War Council at lumagda sa deklarasyon ng United Nations laban sa mga Kapangyarihang Aksis. Doon din niya isinulat ang kaniyang sariling talambuhay.

Binuwag ni Heneral Masaharu Homma ang Komonwelt ng Pilipinas at itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas bilang nangangalagang pamahalaan noong Enero 1942 kung saan si Jorge B. Vargas ang unang chairman. Ang KALIBAPI o Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas ay binuo ng Proklamasyon bilang 109 ng Komisyong Tagapagpaganap noong 8 Disyembre 1942 na nagbabawal sa lahat ng mga umiiral na partidong pampolitika at paglikha ng mga bagong alyansang pamahalaan. Bago ang pagbuo ng komisyon, ang Pilipinas ay binigyan ng Hapon ng opsiyon na isailalim ang Pilipinas sa diktadurya ni Artemio Ricarte na ibinalik ng mga Hapones mula sa Yokohama. Ito ay hindi tinanggap ng Komisyon na nagpasiyang gawing republika ang Pilipinas.

Sa unang pagdalaw sa Pilipinas ni Punong Ministro Hideki Tōjō noong 6 Mayo 1943 ay nangako siyang ibabalik ang kalayaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Pan-Asyanismo nito o Asya para sa Asyano. Ito ay nagtulak sa KALIBAPI na lumikha ng komite bilang paghahanda para sa kalayaan ng Pilipinas noong 19 Hunyo 1943. Ang isang panukalang konstitusyon ay binuo ng komisyon na may 20 kasapi mula sa KALIBAPI. Ito ay pinamunuan ni Jose P. Laurel na nagtanghal ng isang balangkas ng konstitusyon noong 4 Setyembre 1943 at pagkatapos ng tatlong araw ay pinagtibay ng pangkalahatang asembleya ng KALIBAPI.

Noong ika-20 Setyembre 1943, inihalal ng mga pangkat na kinatawan ng KALIBAPI sa mga probinsiya at siyudad mula sa kanilang sarili ang 54 kasapi ng Pambansang Asemblea ng Pilipinas na may 54 gobernador at mga alkalde ng lungsod bilang mga kasaping ex-oficio. Pagkatapos ng tatlong araw, ang sesyon ng Pambansang Asemblea ay inihalal sina Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at Benigno S. Aquino bilang unang speaker nito. Itinaas nina Aguinaldo at Ricarte ang watawat ng Pilipinas.

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo na si Sergio Osmeña ang awtomatikong hahalili sa kaniya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa kalagayan noon ng pamahalaan. Hindi ito tinanggap ni Osmeña at hiniling ang opinyon ni US Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito’y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon. Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmeña sa Kongreso ng Estados Unidos na suspindihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang pagkatapos mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kaniyang mga gabinete. Ang panukala ay ipinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong 10 Nobyembre 1943.

Kamatayan

Nitso ni Pangulong Quezon at kanyang butihing maybahay na matatagpuan sa Dambana ni Quezon sa Quezon Memorial Circle, lungsod Quezon

Si Quezon ay nagkasakit ng tuberkolosis at ginugol ng kaniyang huling taon sa cottage sa Saranac Lake sa New York kung saan siya namatay noong 1 Agosto 1944. Siya ay inilibing sa Arlington National Cemetery sa Estados Unidos. Ang kaniyang labí ay kalaunang muling inilibing sa Manila North Cemetery noong 17 Hulyo 1946 bago inilipat sa Quezon Memorial Circle noong 19 Agosto 1979.

Mga Sanggunian