Manoling Francisco

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Manuel Simplicio Valdes Francisco, mas kilala bilang Manoling Francisco o Fr. Manoling, ay Pilipinong paring Heswita na isinilang noong 26 Pebrero 1965 sa Lungsod Quezon. Siya ang nagsulat ng isa sa pinakapopular na awiting pansimbahan na pinamagatang “Hindi Kita Malilimutan. Siya ay nagmula sa angkan ng mga musikero. Sa murang edad, nakahiligan na niya ang musika.

Pagtahak sa Landas ng Buhay

Habang nag-aaral sa sekundarya si Fr. Manoling sa Ateneo de Manila University (ADMU), nabuo sa kaniyang puso’t isipan na pasukin ang pagpapari. Naipamalas din niya roon ang angkin niyang husay sa pagsusulat ng mga awitin. Sa gulang na 14, naisulat niya ang “Hindi Kita Malilimutan,” na hango sa berso ng Bibliya, ang Isaiah 49:15.

Si Fr. Manoling ay naordina bilang pari noong 1997. Ipinadala rin siya sa Kiangan, Ifugao upang isagawa ang kaniyang unang misyon bilang pari. Sumunod siyang ipinadala sa United States upang mag-aral ng Doctorate sa Western School of Theology. Natapos niya ito noong 2005 at agad na nagbalik sa Pilipinas.

Tinig ng mga Awitin

Dahil sa hilig sa musika, isa siya sa mga nagtatag ng Bukas Palad Music Ministry sa ADMU noong 1986. Mithiin nila na makapagsulat at makaawit ng mga awiting pansimbahan. Dito rin nagsimula ang mga awiting “Tanging Yaman,” “Sa’yo Lamang,” “Tinapay ng Buhay,” at “To Love and Serve.”

Si Fr. Manoling ay patuloy na nagsusulat at nagtuturo ng mga awiting gagabay sa kabataan na ihayag ang kanilang espiritwal na damdamin.

Pinarangalan ng Catholic Mass Media Award ang Hindi Kita Malilimutan bilang Best Religious Album noong 2008. Kabilang din si Fr. Manoling sa talaan ng Ten Outstanding Filipino Young Men (TOYM) sa Pilipinas para sa Arts/Contemporary Music noong 1999.

Ang mga nalikhang awitin ni Fr. Manoling ay naririnig din sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan may mga Pilipinong inaawit ang kaniyang mga himno.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.