Manila-Quezon Avenue Bus Rapid Transit Project

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ang Manila-Quezon Avenue Bus Rapid Transit (BRT) Project ay isang proyektong inaprubahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na naglalayong mapagaan ang trapiko sa Kalakhang Maynila sa pamamagitan ng isang nakahiwalay na daan para sa mga bus mula sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon hanggang Manila City Hall sa Maynila. May haba itong 12.3 kilomtero.

Isa ang Manila-Quezon Avenue BRT sa limang malalaking proyektong inaprubahan ni Aquino bago tuluyang bakantehin ang kaniyang puwesto bilang pangulo ng Pilipinas. Pormal na inanunsiyo ang pag-apruba sa proyekto noong Disyembre 2015. Ang proyekto ay nasa ilalim ng public-private partnership (PPP) ng administrasyon ni Aquino. Popondohan ang proyekto ng World Bank at Agence Francaise de Développement, ang official development assistance (ODA) ng bansang France.

Gayunman, makalipas ang higit limang taon matapos aprubahan ang proyekto, hindi pa rin ito nasisimulan. Sa isang panayam, sinabi ng kasalukuyang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Arthur Tugade, sisimulan daw ang proyekto sa pagtatapos pa ng 2022 o hindi kaya ay sa umpisa ng 2023.

Detalye

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pangunguna ni dating Pangulong Benigno S. Aquino ang proyektong Manila-Quezon Avenue Bus Rapid Transit project. Ayon kay Aquino, sa pamamagitan ng proyekto, magkakaroon ng sariling linya sa kalsada ang mga pampublikong bus sa gitna ng Quezon Avenue hanggang Manila City Hall.

May lawak ang proyekto na 12.3 kilometro. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱4.8 bilyon. Kalaunan, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, inilunsad rin ang katulad na proyekto para naman sa Cebu na tinawag namang Cebu Bus Rapid Transit (BRT).

Unang kinansela ng DOTr ang proyekto noong 2016 matapos lumabas sa kanilang pag-aaral na hindi na umano maaaring maipatupad ang proyekto dahil masikip na ang daang daraanan ng proyekto.

Gayunman, nagkaroon ng isa pang pag-aaral ang bagong administrasyon bago tuluyang maaprubahang muli ang proyekto, kabilang ang Cebu BRT noong 2018. Sa isang anunsiyong ginawa ni DOTr Assistant Secretary Mark de Leon, itutuloy nila ang proyektong Manila-Quezon Avenue BRT at Cebu BRT sa ilalim ng Build Build Build (BBB) project ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay de Leon, nagkaroon sila ng inspeksiyon kasama ang mga kinatawan ng NEDA at World Bank na siyang magpopondo sa proyekto at inalam kung posible pang tumakbo ang proyekto sa Quezon Avenue at sa Cebu. Kasabay rin nito ang pag-anunsiyo ni de Leon na noong taong iyon ay pinag-aaralan na nila ang engineering at design ng parehong sistemang BRT. Matapos daw nito ay tutungo na sila sa procurement stage. Inaasahang kapag naumpisahan na ang proyekto, sa loob ng tatlong taon ay magagamit na ito ng publiko.

Nakatakdang konstruksiyon

Sa isang panayam noong Agosto 2021, inilahad ni DOTr Secretary Arthur Tugade na nakatakda nang simulant ang Manila-Quezon Avenue BRT sa huling bahagi ng 2022 o sa unang mga buwan ng 2023. Sa kasalukuyan, umaandar daw ang pagkuha ng social management consultant at technical support consultant ng proyekto. Mayroon din umang ilang gagawing feasibility study para sa disenyo ng proyekto. Kung mauumpisahan sa huling bahagi ng 2022, magagamit din ito sa taong 2023.

Nasa 290,000 na komyuter kada araw ang makagagamit ng proyekto sa oras na ito ay matapos na. Kinakailangan na ring umpisahan ang proyekto dahil matatapos na ang termino ng loan ng Pilipinas sa World Bank para sa proyekto sa Nobyembre 2022. Inaprubahan ang pondo noong 2017.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.