Malarya

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Malarya (Ingles at Kastila: malaria) ay isang uri ng nakahahawang sakit na dulot ng parasitong protozoan (genus Plasmodium) na karaniwang naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok.[1][2] Bihira maging sanhi ng sakit na ito ang pagsasalin ng dugo o kaya paggamit ng maduming karayom.[3]

Matatagpuan ito sa 58 ng 80 probinsya sa Pilipinas, at naaapektuhan nito ang halos 12 milyong tao o 13 porsyento ng populasyon, ayon sa tala ng World Health Organization (WHO).[4] Kadalasang matatagpuan ang mga kaso nito sa mga lugar na malapit sa kagubatan, latian at kabundukan.

Sanhi

May limang klase ng parasito na nagdudulot ng malarya sa mga tao. Ayon sa mga eksperto, dalawa rito ang nagdudulot ng malubhang sakit - ang P. falciparum at P. vivax.[4]

Kadalasang nagdudulot ng malaria ang kagat ng babaeng lamok na Anopheles. Karaniwang kumakagat ang mga lamok na ito sa mga oras sa pagitan ng paglubog at muling pagsikat ng araw.

Pinakananganganib sa malarya ang mga sanggol, mga batang mas mababa sa 5 taong gulang, mga buntis at pasyenteng may HIV/AIDS.

Epekto

Kapag dumarami ang parasito sa katawan, nagkakaroon ito ng epekto sa dugo. Nalalason ang dugo at posibleng makasama sa mga organ, pati na sa utak.[5]

Mga sintomas

Karaniwang makikita ang mga sintomas ng malarya mula 10-15 araw matapos makagat ng lamok. Sa karamihan ng kaso, posibleng makita ang mga sintomas mula 7-30 araw.[4]

Posibleng magkaroon ng sinat at sakit ng ulo o manlamig ang pasyente. Kung hindi ito agad maikonsulta sa doktor, posibleng lumala ang sakit at magdulot ng kamatayan. Posible ring sintomas ng malarya ang pagsusuka at pananakit ng katawan.[5]

Sa mga bata, posibleng magdulot ang malubhang malarya ng anemia, pagkahirap ng paghinga, at masamang epekto sa utak.[4]

Posibleng makasira sa mga organ ang malalang sakit ng malarya.

Mga kaso

Ayon sa datos ng Department of Health noong Setyembre 2018, isa ang namatay dahil sa malarya sa bansa noong taong iyon, sa 2,976 na kaso.[3]

Kadalasang sa Palawan matatagpuan ang pinakamaraming kaso ng sakit na ito sa bansa. Karaniwang dito makikita ang aabot sa 90 porsyento ng kaso ng malarya sa bansa dahil sa makapal na kagubatan sa lugar.[6][7]

Ayon sa datos ng WHO, noong 2018, tinatayang nagdulot ang P. falciparum ng 99.7 porsyento ng mga kaso ng malarya sa WHO African Region, 50 porsyento ng mga kaso sa WHO Southeast Asia Region, 71 porsyento ng mga kaso sa Eastern Mediterranean, at 65 porsyento sa Western Pacific.

Pag-iwas

Isa sa pangunahing paraan upang maiwasan ang malarya ang pagpigil sa pagdami ng lamok. Gamit dito ang iba't ibang paraan tulad ng paglilinis ng paligid at pagsira sa mga pugad ng mga insekto, at paggamit ng mga balakid sa lamok tulad ng mga net para mapigilan ang pagpasok ng lamok sa kabahayan.[4]

Maari ring gumamit ng chemoprophylaxis o kaya gamot na sulfadoxine-pyrimethamine upang maiwasan ang malarya, at mapigilan ang pagdami ng parasito sa katawan bago ito makaapekto sa kalusugan.

Ang Kagawaran ng Kalusugan ang inatasang magsagawa ng Malaria Control Program ng bansa.[3]

Bakuna

Posibleng maiwasan ang pagkakaroon ng malarya sa pamamagitan ng bakunang RTS,S/AS01 (RTS, S). Sa kasalukuyan, ito kaisa-isang bakuna na nagpapakita ng kakayahang maiwasan ang sakit na malarya.[4]

Paggamot

Upang maiwasan ang paglala ng sakit na malarya, kailangan itong maagapan at magamot ng doktor. Inirerekomendang gamot kontra malarya ang artemisinin-based combination therapy (ACT).[4]

World Malaria Day

Ang World Malaria Day ay ipinagdiriwang taon-taon tuwing Abril.[8]

Sanggunian

  1. Gaboy, Luciano L. Malaria, sakit na malaria, kaligkig - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. Malarya. Diksiyonaryo.ph. Hinango noong 6 Abril 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 Malaria Control Program. Department of Health. Hinango noong 7 Abril 2021. 
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 4.6 Malaria. World Health Organization. Hinango noong 7 Abril 2021.
  5. 5.0 5.1 Malaria. Centers for Disease Control and Prevention. Hinango ng 7 Abril 2021.
  6. Country Profile: Philippines. World Health Organization. Hinango noong 7 Abril 2021.
  7. Maru, Davinci. Philippines on track to eradicate malaria by 2030 — WHO. ABS-CBN News. Hinango noong 7 Abril 2021.
  8. World Malaria Day. World Health Organization. Hinango noong 7 Abril 2021. 


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.