Makamisa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Makamisa ay isang nobelang tinangkang isulat at tapusin ni Jose Rizal sa wikang Tagalog. Dalawang manuskrito ang natagpuan, una ay nasa wikang Tagalog at ang ikalawa naman ay nasa wikang Espanyol. Ang nasa wikang Espanyol na bersiyon ay napagkamalang manuskrito ng unang nobela ni Rizal na Noli Me Tangere kaya’t tinaguriang Borrador de Noli Me Tangere ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas. Taong 1987 nang ito’y muling matuklasan ng batikang historyador na si Ambeth Ocampo, na noon ay konsultant ng Pambansang Aklatan, at napag-alamang ang dalawang manuskrito ay may iisang kuwento at walang kinalaman sa nobelang Noli Me Tangere.

Lagom

Ang kuwento ay nagsimula sa isang eksena ng misa na ibinigay ni Pare Agaton sa mga mamamayan ng Tulig. Kabilang sa mga tauhan ng nobela ay sina Don Segundo, Teniente Tato, Marcela, Kapitan Tibo, Kapitan Lucas at Aleng Anday. Ang titulong Makamisa ay maaaring kumakatawan sa buong nobela o sa unang kabanata lamang nito.

Pangatlong Nobela?

Maraming pag-aaral ang isinagawa upang mabatid kung ano nga ba ang maituturing na ikatlong nobela ni Jose Rizal. Ang katunggali ng Makamisa dito ay ang manuskritong pinamagatang Maligaya y Maria Sinagtala, mas kilala bilang Tagalog Nobility. Ngunit batay sa mga ebidensiyang nakalap ng ni Ocampo, ang Makamisa ang siyang kinilalang pangatlong nobela ni Rizal. Ang tinatawag na “ebidensya” ay ang tatlong liham ni Rizal sa kaibigang si Ferdinand Blumentritt, at ang nilalaman ng mga ito ay ang sumusunod:

  • Liham na may petsang 22 Setyembre 1891 – Ipinabatid ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang hangaring sumulat ng ikatlong nobela sa isang makabagong paraan. Ayon sa kaniya, ang magiging paksa nito ay ang kaugalian at tradisyon ng mga Filipino at bahagya lamang sa kuwento ang iinog sa usaping politikal. Dalawa lamang sa mga tauhan nito ang Espanyol, ang kura paroko at tenyente ng guardiya sibil. Taliwas sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ang ikatlong nobela niya ay maisusulat sa higit na nakaaaliw at nakatatawang paraan.
  • Liham na may petsang 31 Enero 1892 – Muling binanggit ni Rizal kay Blumentritt ang pagsulat ng kaniyang ikatlong nobela na naglalaman ng mga kaugalian ng mga Tagalog. Ito ay isinulat niya sa wikang Tagalog upang mabasa ng mga kababayan niyang salat ang kaalaman sa wikang Espanyol, at upang mas mapalapit ito sa mga Tagalog na siyang paksa ng kaniyang nobela. Sinabi rin niya sa kaibigan na hindi madali para sa kaniya ang sumulat sa Tagalog sapagkat salat siya sa wastong kaalaman at karanasan sa paggamit ng wikang ito.
  • Liham na may petsang 20 Abril 1892 – Sa liham na ito sinabi ni Rizal kay Blumentritt na suko na siya sa pagsusulat ng ikatlong bahagi ng nobela sa wikang Tagalog, at ito ay kaniyang ipagpapatuloy na lamang sa wikang higit siyang bihasa, sa Espanyol. Ayon kay Rizal, mahirap isulat ang nobela sa Tagalog dahil may ilang bahagi pa rin dito ang kinakailangang nasa wikang Espanyol upang maging mas makatotohanan, gaya na lamang ng sermon ng kura paroko na talaga namang isinasatinig sa wikang Espanyol.

Ang Manuskrito

Ang orihinal na manuskrito ay dating nasa pangangalaga ng mga apo ni Mariano Ponce at nakuha lamang bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyan, matatagpuan ang orihinal na manuskrito ng Makamisa sa Pambansang Aklatan Pilipinas. Binubuo ito ng sampung pahina, at sumusukat ng 34 x 22 sentimetro. Nasusulat ito sa tintang itim gamit ang pangkomersiyong papel at kakikitaan ng ilang bura at pagwawasto.

Sanggunian

Ocampo, Ambeth R. Makamisa: The Search for Rizal’s Third Novel. Pasig City: Anvil Pub., 1992.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.