Maikling Kuwento

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang maikling kuwento ay isang akdang pampanitikan na sumibol noong ika-19 dantao sa Amerika. Kabilang sa mga nagsimula nito ay ang mga banyagang manunulat na sina Edgar Allan Poe (“Ama ng Maikling Kuwento” sa Amerika), Guy de Maupassant, at Anton Chekhov. [1]

Pagsibol sa Pilipinas

Sa Pilipinas, ang maikling kuwento ay sumibol sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Mauugat ito sa paglalathala sa mga pahayagan ng mga kuwentong mabilisang isinusulat o mas kilala sa tawag na “dagli.” Isa sa mga makabuluhang dagli na naisulat sa mga panahong iyon ay ang “Maming” ni Vicente Soto. Ito ay nakasulat sa wikang Cebuano at nailathala noong 1901 sa Ang Suga, isang pahayagang Cebuano. Mas marami namang nailathalang dagli sa wikang Tagalog dahil mas malimit ang paglalathala ng pahayagan sa Maynila at isa sa mga makabuluhang dagli na naisulat sa Tagalog ay ang “Bunga ng Kasalanan” ni Cirio H. Panganiban na nailimbag sa Taliba noong 1920. [1][2]

Lalong umunlad ang pagsulat ng maikling kuwento nang lumabas ang magasing Liwayway noong 1922. Nagsulat dito ang mga tanyag na kuwentistang Tagalog tulad nina Teodoro E. Gener, Cirio H. Panganiban, Jovita Martinez, Deogracias A. Rosario, Lope K. Santos, Carlos V. Ronquillo, at Francisco Laksamana. Sa hanay na ito ng mga dakilang manunulat, higit na lumutang ang panulat ni Deogracias A. Rosario, kinilala bilang “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog.” Ilan sa mga natatangi niyang maikling kuwento ay ang “Kung Ipaghiganti ang Puso” (1924), “Greta Garbo” (1930), “Aloha” (1932), at “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (1932), at “Greta Garbo” (1930). [1] [3]

Sa wikang Ingles naman, itinuturing na unang maikling kuwentong Pilipino na naisulat sa wikang ito ay ang “Dead Stars” (1925) ni Paz Marquez Benitez.

Kahulugan

Maraming pagpapakahulugan ang ibinigay ng iba’t ibang manunulat sa maikling kuwento.

Ayon sa kuwentistang si Domingo G. Landicho, ang maikling kuwento “bilang bahagi ng pagpapahayag na pampanitikan ay may dulot na pangkabuoang epekto na tumitinag sa kamalayan ng bumabasa at nagdudulot sa kaniya ng isang pambihirang epketo o nagbabanghay sa kaniya ng isang larawang di madaling mapawi sa isip.”

Ayon kay Paulina Flores-Bautista, na mababasa sa aklat niyang Ang Maikling Kuwento Bilang Isang Sining, ang maikling kuwento ay “may layuning magbigay-bunga sa isang epektibong pagsasalaysay na ginagamitan ng napakitipid na pamamaraan na naaayon sa binibigyan ng diin o emphasis.” [4] Ipinaliwanag din niya na ang maikling kuwento ay naiiba sa karakter sketch, talambuhay, report o rekord, sanaysay, salaysay, at nobela.

Mga Elemento

Narito ang karaniwang tinataglay ng isang maikling kuwento:

Banghay

Ang banghay ay ang pangkalahatang takbo ng isang salaysay. Kailangang mapagsusunod-sunod ang mga pangyayari upang magkaroon ng lohikal na daloy ng kuwento. Karaniwang may limang bahagi ang banghay na mahalagang maipakita sa kuwento: ang panimulang galaw (simula ng kuwento kung saan kailangang mapukaw ang damdamin ng mambabasa); umiigting na galaw (kailangang mapanatili sa bahaging ito ang kuryosidad ng mambabasa); suliranin (itinuturing na pinakamadramang tagpo ng kuwento; kasukdulan (pinakamasidhing pangyayari kung saan ang pangunahing tauhan ay kailangang malutas ang suliranin); at realisasyon (lubusang maisasakatuparan ng pangunahing tauhan ag solusyon sa suliranin). [5]

Pananaw

Ang pananaw ay tumutukoy sa kinaroroonan ng manunulat sa kaniy ang inilalahad. Ito ay isang estilo ng manunulat na ginagamitan niya ng kaniyang paningin. Ang paninging ito ay tinatawag na punto de vista (point of view sa English). Karaniwang may tatlong panauhan ang punto de bista. Ang una, ikalawa, at ikatlong panauhan. Ang unang panauhan ay karaniwang gumagamit ng “ako” bilang pangunahing tauhan. Ibig sabihin, ang tagapagsalaysay at ang pangunahing tauhan ay iisa. Sa pagsasalaysay ng isang personal na karanasan, mainam gamitin ang unang panauhan. Ang ikalawang panauhan naman ay malimit gumagamit ng mga katagang “ikaw,” “ka,” o “mo.” Hindi ito gaanong ginagamit na punto de vista sa pagsusulat ng mga akdang di-fiksyon pero malimit itong gamitin sa mga fiksyon, tulad ng liriko ng awit at diyalogo sa video game, na tila kinakausap ka. Ang ikatlong panauhan ang karaniwang punto de vista na ginagamit ng mga manunulat. Ang tagapagsalaysay ay wala sa kuwento ngunit alam niya ang galaw ng mga tauhan. May dalawang uri ang paninging ito: ang omnisyente at limitado. Sa omnisyente, alam lahat ng tagapagsalaysay ang magaganap sa mga tauhan ng kuwento. Sa limitado, isang tauhan lamang ang nagagawa niyang “pagalawin” sa kuwento. [6] [7]

Tauhan

Ang mga tauhan sa maikling kuwento ay hinuhubog ng may-akda batay sa layunin niyang maisakatuparan ang nais niyang ipahayag sa kaniyang kuwento. Gayunpaman, maisasakatuparan lamang ang layuning ito kung mahusay niyang mahuhubog ang katauhan ng mga tauhan sa kaniyang akda. May tatlong uri ng tauhan ang maikling kuwento:

  • Pangunahing Tauhan – Tinatawag ding protagonista na siyang iikutan ng kuwento. Kailangang maitatag ang kaniyang katauhan bilang namumukodtangi, nangingibabaw, at nagtataglay ng sariling pagkakakilanlan.
  • Pangalawang Tauhan – Tinatawag ding antagonista na siyang kalaban ng pangunahing tauhan at magiging sanhi ng tunggalian sa kuwento. Siya ay isang imaheng kasalungat ng protagonista.
  • Katulong na Tauhan – Tumutukoy ito sa iba pang tauhan ng kuwento na maaaring may mahalagang papel sa ilang eksena. Kalimitang ang kanilang papel ay nakatuon lamang sa isang pangyayaring may kaugnayan sa pangunahing tauhan.

Ang pagpili ng pangalan ay dapat may kaugnayan sa tema o tagpuan ng kuwento. Kung ang tema nito ay tungkol sa pamumuhay ng mga kababaihang Tagalog, isaalang-alang ang mga pangalang Nena, Ineng, o Pinang. Kung gagawing makabago ang tagpuan nito, maaring gumamit ng mga pangalang may kalakasan o may impluwensiya ng banyagang kultura tulad ng Amanda, Clarizza, o Laviña. Malimit din na ang pangalan ay representasyon mismo ng katauhan ng tauhan.[6]

Ang diyalogo ay isinisingit upang kahit paano ay “makahinga” ang buong kuwento sa mahahabang salaysay na nasa anyo ng mga talata. Nabibigyang-pansin din ng mga mambabasa ang paksa at ang mga tauhan sa kuwento sa pamamagitan ng mga diyalogo. Sinisikap din ng mga kuwentista na maging natural ang diyalogo ng kanilang mga tauhan. Sabi nga, sa diyalogo mararamdaman natin ang buhay ng kanilang mga tauhan. May buhay ang tauhan kung mapaninindigan niya ang kaniyang diyalogo. Bitbit ng diyalogo ang sikolohiya ng tauhan. May sinasabi at di-sinasabing diyalogo ang mga tauhan sa isang kuwento.[8]

Tagpuan

Ang tagpuan ay tumutukoy kung saan (lugar) at kailan (panahon) naganap ang mga pangyayari sa kuwento. Karaniwan itong isinasaad na agad sa simula ng kuwento. Sa pagbuo ng tagpuan, kailangang maisaalang-alang ang kaugnayan ng tagpuan sa banghay at mga tauhan ng kuwento. Kung totoong lugar o popular na lugar ang ginamit na banghay, maaaring hindi na ito lagyan ng maraming detalye. Mahalaga rin na maipakita na may kaugnayan ang sinisimbolo ng tagpuan sa kabuoan ng kuwento. [4]

Isa sa mga sangkap ng tagpuan ay ang katutubong kulay. Ayon kay Benjamin P. Pascual, ang katutubong kulay sa panitikan ay “ang kaangkinang tanawin at kaugalian sa isang lunan, pook, o pamayanan.” Sumasalamin din ang katutubong kulay sa mga katutubong wika, kinagisnang pamumuhay, at kasaysayan ng pook. Gayunman, mahalagang bigyang-diin na hindi lahat ng mga kuwento patungkol sa pamumuhay sa lalawigan ay ituring na may katutubong kulay.[6]

Estilo

Ayon sa paliwanag ni Reynaldo A. Duque, ang estilo ay “uri ng lengguwahe na ginagamit ng isang manunulat, sa kaniyang bokabularyo. sa kalikasan ng kaniyang ,ha tayutay, sa anyo ng kaniyang mga pangungusap, sa sariling pamamaraan kung paano niya isasalaysay o ilalarawan ang kaniyang mga idea at mga tao.” [9] Ang estilong ito ay ang magiging pagkakakilanlan o tatak ng manunulat sa kaniyang mga akda.

Gaano Kaikli?

Walang tiyak na ikli o haba ang maikling kuwento. Kung pagbabatayan sa mga patimpalak sa pagsulat nito, tulad ng Gawad Palanca at Gawad Rogelio Ordoñez, karaniwan itong naka-type sa bond paper na hindi bababa sa 10 pahina at hindi lalampas sa 25 pahina. [10]  [11]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Duque, Reynaldo A. “Simula ng Maikling Kuwento.” Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kuwento, mp.1–3. Maynila: Dandelion Stategic Marketing, 2004.
  2. Virgilio S. Almario. “Dagli.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  3. Galileo S. Zafra. “Deogracias Rosario.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  4. 4.0 4.1 Paulina Flores-Bautista. Ang Maikling Kuwento Bilang Isang Sining. Quezon City: New Day Publisher, 2000.
  5. Mary Rose B. Magcamit. “Elemento ng Maikling Kuwento.” Integratibong Suplemento Filipino, Baitang 7, Tomo 6, Blg. 2. Quezon City, Vibal Group, Inc, 2016.
  6. 6.0 6.1 6.2 Duque, Reynaldo A. Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kuwento. Manila: Dandelion Stategic Marketing, 2004.
  7. Bunting, Joe. “Point of View in 2021: Third Person Omniscient vs. Third Person Limited vs. First Person.” The Write Practice. https://thewritepractice.com/point-of-view-guide/
  8. Genaro R. Gojo Cruz. “Kahalagahan ng Masining na Diyalogo.” Integratibong Suplemento Filipino, Baitang 10, Tomo 9, Blg. 2. Quezon City: Vibal Group, Inc., 2019.
  9. Duque, Reynaldo A. “Estilo.” Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kuwento, p. 164. Maynila: Dandelion Stategic Marketing, 2004.
  10. “Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 2000: Rules of the Contest.” Likhan,http://likhaan_online.tripod.com/08242001archivesite/board6-1.html. Accessed 25 Marso 2021.
  11. “Gawad Rogelio L. Ordoñez: Patimpalak sa Pagsulat ng Tula, Maikling Kuwento, at Sanaysay.” Panitikan.ph, 22 Hulyo 2016.  http://panitikan.ph/2016/07/22/gawad-rogelio-l-ordonez-patimpalak-sa-pagsulat-ng-tula-maikling-kuwento-at-sanaysay/. Accessed 25 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.