Mactan-Cebu International Airport Terminal 2

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Mactan-Cebu International Airport.

Ang proyektong Mactan-Cebu International Airport (MCIA) Terminal 2 ay ang pagtatayo ng panibagong terminal sa ikalawang pinakaabalang paliparan sa Pilipinas, ang Mactan-Cebu International Airport. Sinasabing moderno at kayang makipagsabayan sa buong mundo ang disenyo at kapasidad ng bagong terminal ng MCIA. Kabilang din sa proyektong ito ang pagsasaayos ng mga umiiral na terminal, paradahan, 149 na check-in counter at baggage handling system sa paliparan.

Ang proyekto ay sinimulan noong 2012 sa pamumuno ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Sinimulan ang pagtatayo ng bagong terminal noong 29 Hunyo 2015 at opisyal na binuksan sa publiko noong 1 Hulyo 2018 at naging kompleto ang konstruksiyon noong 31 Agosto 2019.

Nagkakahalagang ₱17.52 bilyon ang buong proyekto. Ito ay bahagi ng public-private partnership project ng pamahalaang Aquino. Pinataas ng pagbubukas ng Terminal 2 ng MCIA ang kapasidad ng paliparan mula 4.5 milyon na ngayon ay hanggang 12.5 milyong biyahero na.

Pagsisimula

Nagsimula ang pamahalaan sa paghahanap ng contractor ng proyekto noong Disyembre 2012. Nagsimula ang bidding noong Pebrero 2013 na tumagal hanggang Marso. Ibinigay ang proyekto sa Megawide-GMR Consortium noong Abril 2014.

Noong 29 Hunyo 2015, pinangunahan ni Aquino ang pagpapasinaya sa paggawa ng MCIA Terminal 2 at renobasyon ng iba pang umiiral na terminal at bahagi ng paliparan. Ang MCIA Terminal 2 ay itinayo sa tabi ng Terminal 1 na dati ring base ng Philippine Air Force sa Lapu, Lapu City, Cebu. Ito ay may sukat na 50,000 metro kuwadrado.

Nagkaroon ng ₱32 bilyon na investment ang Megawide-GMR Consortium. ₱17.52 dito ay napunta sa konstruksiyon ng proyekto habang ang ₱14.4 bilyon na ibinayad sa pamahalaan.

Sinimulan ng Megawide-GMR Consortium ang iba pang gawain sa proyekto noong 1 Nobyembre 2014, walong buwan bago pormal na umpisahan ang konstruksiyon. Bago pa ang rehabilitasyon ng buong Terminal 1, inumpisahan na rin ng contractor ng paliparan ang ilang pagbabago tulad ng pagdaragdag ng mga X-ray machine at white taxi boarding lanes.

Detayle ng proyekto

Maliban sa pagsasaayos ng paglabas at pagpasok ng mga pasahero, ang Terminal 2 ng MCIA ay mayroon ding 48 na computerized check-in counter ang buong terminal. Mayroon din itong pitong boarding bridges kasama ang 12 escalator, 15 elevator, at paradahan na kaya ang higit 500 na sasakyan. Plano ring maglagay ng mall at hotel sa terminal.

Ang MCIA ay din ay ang kauna-unahang resort airport. Ito ay idinesenyo ng kompanya mula sa Hong Kong na Integrated Design Associates (IDA), at mga designer mula sa Pilipinas na sina Budji Layug, Royal Pinda, at Kenneth Cobonpue. Ang disenyo ay sinasabing hango sa kultura ng mga Cebuano.

Makikita rin sa bagong terminal ang isang public flight information display system at isang departure lobby. May malawak din itong domestic arrival at departure ground na mayroong mga baggage conveyors, Rapiscan baggage X-ray machines, at cargo loading equipment.

Ang proyekto ay nakapagbigay din ng 2,000 trabaho para sa mga residente ng Cebu at mga kalapit na lalawigan sa panahon ng kontruksiyon. Tinatayang nasa 500 empleyado naman ang nadagdag sa pagbubukas ng Terminal 2.

Pagsasaayos ng Terminal 1

May pondong ₱1.8 bilyon ang pagsasaayos ng Terminal 1 ng MCIA. Ginawa ang renobasyon ng Terminal 1 hindi lamang upang pagandahin ang serbisyo nito, kung hindi para bumagay na rin sa bagong Terminal 2.

Inumpisahan ang pagsasaayos ng Terminal noong Hulyo 2018, matapos buksan ang bagong gawang Terminal 2. Nagkaroon nang mas malawak na pre-departure area ang terminal. Itinayo rin ang Airport Village na isang bukas na espasyo para sa mga magkikita-kita sa paliparan.

Nagdagdag din ng arrival lounge ang Terminal 1 na pinangungunahan ng Plaza Premium Lounge na sila ring nangunguna sa Terminal 2. May sukat ang bagong arrival lounge na 3,000 talampakan kuwadrado at kayang magpatuloy ng hanggang 80 katao.

Naglagay din sa buong paliparan kabilang ang Terminal 1 ng automatic tray retrieval system (ARTS) para sa seguridad ng terminal.

Nakompleto ang proyektong pagsasaayo sa Terminal 1 noong Agosto 2019. Ang marker o tanda ng bagong terminal ay pinasinayaan noong 19 Enero 2020. Dinaluhan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumisimbolo sa pagtatapos ng renobasyon ng Terminal 1. Ginawa ang pagbubukas ng marker sa Aiport Village ng Terminal 1.

Pagbubukas ng Terminal 2

Noong 8 Hunyo 2018, pinanunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng MCIA Terminal 2, bagaman noong 1 Hulyo 2018 pa talaga naging opisyal ang operasyon ng terminal na para lamang sa mga biyaheng pang-ibang bansa o international flights.

Dahil pang-international flight lamang ang Terminal 2, binuksan ng MCIA ang public viewing para sa mga gustong makita ang ganda ng bagong Terminal. Kinailangang dumaan sa pagrerehistro ng mga nais dumalo sa public viewing.

Tumaas din ang international terminal fee mula ₱750 patungong ₱850.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.