Macli-ing Dulag

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Macli-ing Dulag ay pinuno ng grupong Butbut sa lalawigan ng Kalinga sa Pilipinas. Kilala siya sa pagtutol niya sa Chico River Dam project ng administrasyon ni Ferdinand E. Marcos na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng pagkamatay ni Dulag dahil ito ang naging dahilan ng pagkakaisa ng mga grupo sa Cordillera na tumututol sa proyektong dam. Isa rin si Dulag sa mga pinakakilalang biktima ng batas militar at kabilang ang kaniyang pangalan sa Wall of Remembrance sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City.

Kabataan at Pamilya

Walang mga dokumento tungkol sa petsa ng kapanganakan ni Dulag, ngunit ipinanganak siya sa Bugnay sa Tinglayan sa Kalinga. Ayon sa mga nakakakilala sa kaniya, nasa 20 taong gulang siya sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang naging porter siya sa mga gerilya na lumaban sa mga Hapones. Hindi siya pormal na nakapag-aral ngunit marunong siyang isulat ang kaniyang pangalan.

Katulad ng mga ibang miyembro ng kaniyang grupo, namuhay si Dulag sa pamamagitan ng pagsasaka. Naging caminero o manggagawa rin siya para sa Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan (Department of Public Works and Highways). Noong dekada 60, isa na siyang pangat o pinuno ng mga Butbut, na naninirahan sa Bugnay, Buscalan, Lokong, Ngibat at Butbut sa bayan ng Tinglayan. Nahalal rin siya bilang kapitan ng kanilang baryo sa Bugnay.

Pagtutol sa Chico River Dam Project

Noong 1974, ikinagulat ng mga residente ng Sadanga sa Mountain Province at Tinglayan sa Kalinga ang pagdating mga mga grupo mula sa National Power Corporation para magsagawa ng sarbey para sa proyektong Chico River Dam. Hindi sila kinunsulta nang isagawa ang isang pag-aaral para sa proyekto noong 1973.

Tinutulan ng mga komunidad at residente ang proyekto, lalo na't aabot sa mahigat 300,000 na residente ang maapektuhan ng proyekto. Bilang pinuno ng grupong Butbut, isa si Dulag sa mga naunang tumutol sa proyekto. Nagbuo siya ng isang bodong o peace council sa Barrio Tanglag noong 1974 para makakuha ng suporta sa kanilang pagtutol sa proyekto.

Noong Mayo 1975, nagkaroon ng isa pang bodong sa tulong ng  Episcopal Commission on Tribal Filipinos ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines. Lumuwas sa Quezon City ang nasa 150 na lider mula Bontoc at Kalinga para ipahayag ang kanilang pagtutol sa proyekto. Dahil dito, pansamantalang umalis ang survey team ng Napocor sa lugar.

Noong Disyembre 1975, nagpalabas ng Presidential Decree no. 848 si Marcos para buuin ang "Kalinga Special Development Region" (KSDR) na binubuo ng mga bayan ng Lubuagan, Tinglayan, Tanudan at Pasil, para mapigilan ang pagtutol sa Chico IV dam. Dahil nasa ilalim ng batas militar ang buong bansa, naging madali para sa pamahalaan na magpadala ng mga sundalo at pulis sa mga lugar na apektado ng dam. Naging madali rin para sa mga militar ang pag-aresto sa mga tumututol sa proyekto. Sa kabila ng mga pag-aresto at tangkang panunuhol, hindi nagpatinag si Dulag at ang kaniyang mga kasamahang tumututol sa proyekto.

Pagkamatay

Pinatay ng mga militar si Macli-ing Dulag noong ika-24 ng Abril 1980. Ayon sa mga saksi, nasa 10 armadong indibidwal na nakasuot ng uniporme ng miltar ang dumating sa Bugnay at hinanap sina Dulag at Pedro Dungoc Sr., na isa ring sa mga tumututol sa proyekto. Pinalabas umano ng militar si Dulag ngunit tumanggi ito. Binaril siya ng mga militar at nagtamo ng 10 tama ng bala.

Nang marinig ni Dungoc ang nangyari, nagtago ito sa tabi ng kaniyang mga unan na inayos niya na tila isang taong natutulog. Pinaulanan ng bala ng militar ang "natutulog" na tao. Nakatakas si Dungoc na nagtamo lamang ng daplis sa kaniyang kamay.

Matapos ang pagkamatay ni Dulag, napag-alamang nasa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant Leodegario Adalem ng 44th Infantry Battalion ang mga sundalong pumunta sa bahay ni Dulag. Matapos umabot sa ibang bansa ang balita ng pagkamatay ni Dulag, sinabi ng Ministry of National Defense sa Amnesty Internation noong 1981 na inirekomenda na nitong kasuhan si Adalem at apat na iba pa. Noong Agosto 1980, ikinulong sina Adalem, Sgt. Angeles Tanad, Francisco Garcia at Robino Galleno dahil sa kanilang kaugnayan sa pagpatay kay Dulag. Bagama't nakasuhan ng murder, frustrated murder at robbery, kinalaunan ay nakabalik sa serbisyo si Adalem at nagretiro mula sa Philippine Army na may ranggong major. Namatay siya sa pananambang noong Abril 2000.

Matapos ang malawakang pagbabantay ng media sa kaso ni Dulag, nagdesisyon ang World Bank at ang administrasyong Marcos na huwag nang ituloy ang proyekto.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.