Macario Sakay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Macario de Leon Sakay ay isang Katipunero na nakipaglaban sa mga Espanyol noong panahon ng himagsikan. Ipinagpatuloy niya ang pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. [1]

Si Sakay ay ipinanganak noong 3 Enero 1870 sa Tondo, Maynila. Isang anak-mahirap si Sakay. Siya ay nagtrabaho sa pagawaan ng kalesa, naging barbero at sastre, at gumaganap na aktor sa mga dulang komedya. [2]

Bilang Katipunero

Noong 1894, sumanib si Sakay sa Katipunan at naging mabuting kaibigan ni Andres Bonifacio. Siya ay naging pangulo ng Dapitan, isa sa pinakamalakas na konseho noong panahon ng himagsikan. Nang matapos ang Lababan sa Pinaglabanan noong 1896, kabilang siya sa mga Katipunero na umakyat at nanirahan sa kabundukan ng Marikina at Montalban.[2]

Laban sa Amerikano

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, lihim na binuong muli ni Sakay ang Katipunan. Dinakip siya ng mga Amerikano dahil sa kasong sedisyon ngunit nakalaya rin dahil sa amnestiya noong Hulyo 1902. Bumuo siya ng pangkating gerilya sa sa Timog Katagalugan, partikular sa mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas. Nang lumakas ang kanilang pangkat, itinatag niya ang Republika ng Katagalugan, na ang pangunahing misyon ay labanan ang pananakop ng mga Amerikano. May sarili itong konstitusyon at watawat na katulad ng Katipunan. Sa pamahalaang ito, si Sakay ang naging pangulo at si Francisco Carreon ang pangalawang pangulo. Marami ang sumuporta kay Sakay. Maraming labanan ang kaniyang napagtagumpayan. Matagumpay rin nilang napagtagumpayan na masakop o makontrol ang ilang teritoryo ng mga kalaban. [2] [3]

Si Sakay ay naging malaking banta sa pamahalaang Amerikano. Ginamit na estratehiya ng mga Amerikano ang hamletting, [4] nangangahulugang “sapilitang paglilipat ng isang komunidad sa isang pook malapit sa destakamentong militar.” [3] Tumuon sila sa mga bayan na malaki ang suportang ibinibigay kay Sakay, partikular ang Taal, Tanauan, Santo Tomas, at Nasugbu sa Batangas. Naging sanhi ito ng pagkalat ng mga sakit na kolera at cholera and disenteriya. Dahil sa kakulangan sa pagkain at malinis na tubig, marami ang namatay. Ang mga nayon ay winasak at maraming pananim ang sinunog. [3]

Sa kasamaang-palad, ang lahat nang ito ay sinisi kay Sakay. Siniraan siya ng pamahalaang Amerikano at ipinakalat na si Sakay ay isang bandido, oportunista, gahaman sa kapangyarihan, at makasarili. Idinikit sa kaniyang pangalan ang masasamang gawain ng mga mananakop. Ito ang simula ng pagtatagumpay ng mga mananakop upang madakip si Sakay. [3]

Noong 1905, ipinadala ng gobernador-heneral ang isang Pilipino na si Dominador Gomez upang makipagnegosasyon kay Sakay. Tiniyak umano ni Gomez kay Sakay na nangako ang mga Amerikano na bubuoin ang isang Pambansang Asamblea para sa kapakanan ng mga Pilipino. Ipinakita rin ni Gomez ang isang liham mula sa Amerikanong gobenador-heneral na nagsasaad na kung susuko si Sakay, ipawawalang-sala siya at ang kaniyang mga tauhan. Napaniwala rito si Sakay kaya bumaba ito ng bundok noong 14 Hulyo 1906. [3]

Noong 17 Hulyo 1906, inanyayahan si Sakay at ang kaniyang mga tauhan sa isang pagtitipon na inilunsad ng humahaliling gobernador ng Cavite. Bago maghatinggabi, pinalibutan na ang grupo ni Sakay, tinanggalan ng armas, at dinakip ng mga Amerikanong opisyal. Sa kaniyang paglilitis, bigla na lamang nawala ang liham na ipinadala umano ng gobernador-heneral at hindi rin mahagilap si Gomez. Tuluyang pinagbintangan si Sakay at ang kaniyang mga tauhan bilang bandido. Mabilisan ang ginawang paglilitis kay Sakay. At noong 13 Setyembre 1907, siya ay binitay kasama ang tapat niyang heneral na si Lucio de Vega. [2] [3]

May mga historyador na kumikilala kay Sakay bilang pangulo ng Pilipinas, bagama’t hindi ito opisyal. Noong 2008, ipinatayo ang kaniyang rebulto sa Tondo, Maynila. Sa taon ding ito, naghain ng resolusyon ang Senado na kumikilala sa kabayanihan ni Sakay at ng iba pang Pilipino na hindi nagpatinag noong panahon ng Digmaang Pilipino–Amerikano. [1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 “Resolution No. 623,” Senate of the Philippines. http://legacy.senate.gov.ph/lisdata/83927584!.pdf Hinango noong 19 Pebrero 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Macario L. Sakay.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 Jose B. Jimenez III. “Macario Sakay and misinformation.” The Manila Times, 4 Hulyo 2019. https://www.manilatimes.net/2019/07/04/opinion/columnists/macario-sakay-and-misinformation/578939/. Accessed 25 Marso 2021.
  4. “Hamletting.” Diksiyonaryo.ph. http://diksiyonaryo.ph/search/hamletting. Accessed 25 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.