Lupaing Ninuno

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang mga katutubong pangkat ay itinuturing na yamang-tao na dapat kilalanin, igalang, at pagyamanin. Sila ang salamin ng ating katutubong kultura mula sa pananamit, sining, at pananalita. Upang mapanatili at higit na mapayaman ang kanilang kultura, kailangang ingatan ang kanilang lupaing ninuno o ancestral domain na kanilang kinalakihan at pinagkukunan ng kabuhayan.

Katutubong Lupain

Tinatawag na lupaing ninuno ang lahat ng lugar na pagmamay-ari ng mga katutubong pangkat, kabilang na ang nasasakupang lupain, anyong tubig, baybayin, at iba pang likas na yaman doon. Isa itong pamayanan na tinitirahan ng mga katutubo na ipinamana ng kanilang mga ninuno.

Tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang mga lupaing ninuno ng bawat katutubong pangkat sa isang bansa. Ayon sa Artikulo 10 ng Deklarasyon ng United Nations sa Karapatan ng mga Katutubo, ang mga katutubo ay hindi maaaring sapilitang paalisin sa kanilang lupain o mga nasasakupan maliban kung may mapayapang usapan.

Pinangangalagaan din ang mga lupaing ninuno ng ating Saligang Batas. Sakop ng ating batas na protektahan ang mga lupain ng ating mga ninuno upang mapanatili ang ekonomiya at ang kultura ng mga ito.

Programa at Aksiyon

Isa sa mga programa na nangangalaga sa mga katutubo ay ang Indigenous and Community Conserved Areas (ICCA) Registry. Ang ICCA Registry ay naitatag noong 2008 na may layuning maipalaganap ang kahalagahan ng mga katutubong pangkat at ng mga gawaing mangangalaga sa kani-kanilang komunidad. Layunin nitong pagyamanin at alagaan ang kapaligiran at kultura ng mga katutubo sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga batas at proyekto. Ito ay isang pandaigdigang rehistro ng mga teritoryo at lupain na kinikilala at pinangangalagaan ng iba’t ibang katutubong pangkat o ng mga lokal na komunidad.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.