Lungsod Koronadal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Marbel o Lungsod Koronadal ang kabesera ng lalawigan ng Timog Cotabato. Kinilala ito bilang "Pinakamasigasig na Lungsod" at siyang kabeserang pang-rehiyon ng lalawigan ng SOCCSARGEN.

Pinaniniwalaang nag-ugat ang salitang "Koronadal" sa wikang Bilaan at Magindanaw. Sa Bilaan, ang Koronadal ay maaaring mula sa ugat na salitang "koron" o "kolon" na isang uri ng damong kilala sa tawag ng "kugon" (Imperata cylindrica). Samantalang ang "nadal" ay tumutukoy sa kapatagan. Kapag pinagdugtong ang dalawang salita, ang Koronodal ay maaaring mangahulugang "kugunan sa kapatagan." Ang pangalang "Marbel" na dating taguri sa poblasyon bago naging "Koronadal" ay pinaniniwalaang hango sa salitang Bilaan na "Marb+El" na nangangahulugang "nalabusab na tubigan." Maaaring tumutukoy iyon sa ilog, na kilala ngayong Ilog Marbel, dahil ang ilog noon ay napakahalagang bahagi ng buhay ng mga sinaunang tao.

Pagkakatatag

Nabuo ang Koronadal sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 82, na may petsang 18 Agosto 1947, at nilagdaan ng Pang. Manuel Roxas. Itinakda ng nasabing kautusan ang pagpapaunlad ng nasabing pook; ang paglikha ng mga munisipalidad na kinabibilangan ng Koronadal; at ang pagtatakda ng mga tungkulin ng opisyales ng pamahalaang lokal. Lalong lumago at naging ganap na lungsod ang Koronadal nang tanghaling lalawigan ang Timog Cotabato sa bisa ng Batas Republika Bilang 4849 noong 18 Hulyo 1966.

Nagsimula ang munisipyo ng Koronadal sa taunang badyet na nagkakahalaga lamang ng 30 libong piso noong 1 Enero 1948. Ang Resolusyon ng Konseho Munisipal bilang 32, serye ng 1948, ay itinakda ang 10 Enero na taunang piyesta na gugunita sa pagkakatatag ng distrito ng Marbel na laan sa Pambansang Lupaing Pantirahan. Naging lungsod ng Timog Cotabato ang Koronadal sa bisa ng Batas Republika 8803 na may petsang 8 Oktubre 2000.

Mabilis na lumalago ang Koronadal at ngayon ay binubuo ng 27 barangay, kabilang ang apat na sona sa poblasyon. Dahil kabesera ng Timog Cotabato, ang Koronadal ang sentro sa larangan ng pampolitika, pangkultura, at pangkabuhayang gawain. Lumago ang mga negosyo sa naturang lungsod, at kinilala bilang Panlalawigang Sentro ng Agrikultura at Industriya. Maganda ang posisyon ng Koronadal, hitik sa likas-yaman at lakas-paggawa, at pinag-aagawan ngayon sa kalakalan at industriya.

Heograpiya

Ang Koronadal ay matatagpuan sa hilagang-silangan bahagi ng lalawigan ng Timog Cotabato, at nasa hanggahan ng mga bayan ng Tangtangan at Lutayan. Nasa hilagang-kanluran ng Koronadal ang Timog Cotabato, ang Sultan Kudarat sa hilagang-silangan, ang bayan ng Banga sa timog-kanluran, at ang mga bayan ng Tupi at Tampakan, Timog Cotabato sa timog-silangang bahagi.

Mga Uri ng Lupain

May na uri ng lupain ang matatagpuan sa Lungsod Koronadal, ayon sa datos na nakalap ng Kagawaran ng Agrikultura ng Timog Cotabato. Una, ang lupain para sa pagtatayo ng gusali. Ikalawa, ang mayamang lupaing angkop sa pagtatanim ng palay. Ikatlo, ang lupaing angkop sa sari-saring pananim. At Ikaapat, ang mga lupaing padahilig o bulubundukin, na pawang pinaguho ng panahon.

Angkop ang lupain ng Lungsod Koronadal sa pagtatayo ng mga gusali na gaya ng sa edukasyon, kalusugan, negosyo, pampamahalaang pasilidad. Tinatayang 11 porsiyento ng Koronadal ang may ganitong uri ng lupain, at naaangkop para maging sentro ng paninirahan ng lungsod o ng bawat barangay.

Samantala, ang naaangkop ang ibang lupain ng Koronadal para sa pagtatanim ng palay. Malambot na mabuhanging luad ang uri ng lupaing sumasaklaw sa 53.53 porsiyento ng Koronadal, at bahagyang gumuho dahil sa mga patubig.

Ang mga lupaing padahilig sa Koronadal ay inilalaan naman sa pagtatanim ng sari-saring gulay, halamang-ugat, at halaman. Bahagyang naaagnas na ito, at walang sapat na patubig. Ang uri ng lupa rito ay mulang mabuhanging luad hanggang malagkit na luad, at sumasaklaw sa 17.44 porsiyento ng kabuuang Koronadal.

Hindi naman naaangkop sa mga punongkahoy ang mga bulubunduking bahagi ng Koronadal, dahil naagnas na ito ng hangin o tubig. Tinatayang 18.03 porsiyento ng kabuuang lupain ng Koronadal ang nasa ganitong antas.

Mga barangay

Ang Lungsod Koronadal ay may 27 barangay

  • Assumption (Bulol)
  • Avanceña (Bo. 3)
  • Cacub
  • Caloocan
  • Carpenter Hill
  • Concepcion (Bo. 6)
  • Esperanza
  • General Paulino Santos (Bo. 1
  • Mabini
  • Magsaysay
  • (Bo. 4)
  • Paraiso
  • Zone I (Pob.)
  • Zone II (Pob.)
  • Zone III (Pob.)
  • Zone IV (Pob.)
  • Rotonda
  • San Isidro
  • San Jose (Bo. 5)
  • San Roque
  • Santa Cruz
  • Santo Niño (Bo. 2)
  • Sarabia (Bo. 8)
  • Zulueta (Bo. 7)

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Koronadal Koronadal Koronadal Koronadal Koronadal Koronadal Koronadal Koronadal