Lungsod Baguio
Siyudad ti Baguio sa wikang Ilokano ang Lungsod Baguio. Ito ay itinatag ng mga Amerikano noong 1900, at inilagak sa Kafagway na dating tirahan ng mga Tribung Ibaloy. Ginawang resort ng mga sundalong Amerikano ang Baguio noong panahong sakop ng Estados Unidos ang Amerika, matapos atasan ni Luke E. Wright si Daniel H. Burnham na gumawa ng plano ng lungsod. Ang pangalan ng lungsod na ito ay hinango sa salitang bag-iw na ang ibig sabihin ay lumot, dahil kalimitang maraming tumutubo ditong pino, dapo, at malulumot na halaman.
Nasa hilaga ng Lungsod Baguio ang La Trinidad, ang Itogon sa silangan, at ang Tuba sa timog at kanlurang bahagi.
Nakilala ang Baguio sa mala-ahas nitong lansangang tila pumupulupot sa katawan ng kabundukan; sa kagila-gilalas na tanawin mula sa matatarik na burol o bundok; sa mahalumigmig na hangin; sa makukulay na bulaklak; at sa mga pagkaing sariwa't nalalahukan ng mga sariwang gulay at pampalasa. Nagtatagpo sa Baguio ang sari-saring kultura, tao, moda, at pananaw na pawang lalong nagpasigla sa turismo.
Heograpiya
Tinatayang may 250 kilometro ang layo ng Baguio mulang Maynila. May 49 kilometro kuwadrado ang saklaw nito. Ang pinakamataas nitong pook ay nasa 1,400 metro ang taas mula sa rabaw ng dagat.
Estrukturang pampolitika
May dalawampung administratibong distrito ang Baguio at mula rito ay maibubukod ang maliliit na barangay.
Klima
Mababa nang 8 grado ang temperatura ng Baguio kompara sa mga pook na nasa kapatagan. Maulan dito pagsapit ng Hunyo hanggang Setyembre. Ngunit pagsapit ng Oktubre hanggang Mayo ay nagiging mahalumigmig ang simoy, at siyang dinarayo ng mga turista upang takasan ang init at polusyon ng Metro Manila.
Turismo at mga lugar na sikat sa Baguio
- Mines View Park ay isa sa kilalang pasyalan sa Baguio, sa mataas na lugar na ito maaring matanaw ang Benguet's gold and copper mine at ang nakapalibot na kabundukan sa Lungsod Baguio.
- Burnham Park ay matatagpuan sa sentro ng Lungsod Baguio, isa itong paboritong pasyalan ng mga turista at mga taga-Baguio. May mayroong hugis bilog na lawa sa gitna ng pasyalang ito, na maaring umupa ng banka kung nais maglibot. May lugar din kung nais magbisikleta, maglaro ng Football, magbasketbol, magtennis, ta mayroon din lugar kung nais magskating. May mga kainan at palaruan para sa mga bata ang pasyalang ito. Ipinangalan ang pasyalang ito kay Daniel Burnham, na isa sa nagdisenyo ng Baguio.
- Session Road ay ang pangunahing lansangan sa Lungsod Baguio, dito matatagpuan ang halos lahat ng mga negosyo sa Baguio.
- Wright Park ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Lungsod Baguio, na nakaharap sa pangunahing tarangkahan ng "Mansion". Pangunahing atraksiyon ng pasyalang ito ang mahabang sanaw sa gitna nito, na kung tawagin ay "Pool of Pines". May nakahilerang pino sa gilid ng sanaw at napalalamutian ng makukulay na bulaklak. May ilang Igorot na maaaring upahan kung nais magpakuha ng retrato kasama sila. Sa ibaba naman ng pasyalang ito ay makauupa rin ng kabayo kung nais maglibot.
- Kennon Road ang isa sa tatlong pangunahing lansangan patungong Lungsod Baguio, kung magmumula sa Kalakhang Maynila. Ang Marcos Highway at ang Naguilian Road naman ang alternatibong daan patungong Baguio. Mas pinipiling daan ito ng mga nagnanais makarating sa Baguio dahil sa mga likas na tanawin. Habang binabagtas ang Kennon Road, makikita ang Lions Head, ang Bued River Gorge, ang Veil Falls, ang Twin Peaks, at ang ilang tindahan ng pasalaubong.
- Lourdes Groto ay isa sa mga lugar na paboritong puntahan ng mga deboto sa Lungsod Baguio upang magdasal. Matatagpuan ito sa mataas na burol sa kanlurang bahagi ng Baguio. Tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo, maraming Katolikong deboto ang pumupunta rito upang akyatin ang may 252 baitang na hagdan patungo sa kinalalagyan ng Mahal na Birhen, upang magtirik ng kandila sa altar.
- Camp John Hay ay kampong unang itinayo upang maging pook-aliwan ng mga sundalo ng Department of Defense ng Estados Unidos. Noong 1 Hunyo 1991, ang 690 ektaryang kampong ito ay pormal na ibinigay sa Pamahalaan ng Filipinas na pinangangasiwaan ng Philippine Tourism Authority, at ngayon ay isinalin na sa pamamahala ng Bases Conversion Development. Sa kasalukuyan, maaaring maglaro ng golf sa loob nito, o kaya'y umupa ng kuwarto at iba pang pasilidad na maaring paglibangan.
- The Mansion ay matatagpuan sa silangan bahagi ng Baguio. Ito ay nasa kahabaan ng Leonard Wood Road at nasa tapat ng Wright Park. Itinayo ang The Mansion noong 1908 para sa mga Amerikanong gobernador-heneral, at nasira noong 1945 habang nagaganap ang pagpapalaya sa Filipinas. Noong 1947, ipinaayos ito ng Pamahalaang Filipinas, at magmula noon ay ito na ang naging opisyal na tirahan ng Pangulo ng Filipinas kung sila ay mapupunta sa Lungsod Baguio. Ang magarang mansiyon na ito ay ginagad sa Buckingham Palace na matatagpuan sa Britanya.
- The Baguio Convention Center ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Baguio, na may ilang hakbang lamang sa Baguio Tourism Complex at nasa tapat nito ang Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio. Noong 1978, dito ginanap ang World Chess Championship, na tinampukan nina Anatoly Karpov at Victor Korchnoi ng bansang Russia.
- Baguio Catholic Cathedral ay ang pinakamalaking simbahan ng mga katoliko sa Lungsod Baguio, na matatagpuan sa ibabaw ng isang burol sa loob mismo ng lungsod. Ang kulay rosas nitong tuktok ang kalimitang pang-akit sa mga mahilig kumuha ng retrato.
- Baguio Public Market ay matatagpuan sa ibabang bahagi ng Session Road, na katabi ng Maharlika Center. Sa pamilihang ito ay maraming mabibiling gulay, katutubong produkto, at minatamis na pagkain. Peanut Brittle, Strawberry Jam, Ube Halaya, sariwang strawberry, sariwang gulay, walis tambo, damit pangginaw, alahas na gawa sa pilak ay ilan lamang sa mga produkto na mabibili sa pamilihang ito.
- Philippine Military Academy o PMA ay matatagpuan sa Loakan, na may 10 kilometro ang layo sa bayan ng Lungsod Baguio. Itinatag ang akademyang ito upang maging paaralan ng mga nagnanais maging opisyal ng Sandatahang Lakas ng Filipinas.
- Lion's Head na matatagpuan sa kahabaan ng Kennon Road, ay ipinagawa ng mga kasapi ng Lion's Club Baguio, na sumisimbolo sa kanilang pananatili sa Lungsod Baguio. Sa kinalalagyan nito ay makapagpapakuha ng retrato at may mabibilhan din ng mga pasalubong.
- Baguio Botanical Garden, na kilala rin bilang Igorot Village, ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Lungsod Baguio, na makikita sa pagitan ng Teacher's Camp at ng Pacdal Circle. Sa loob nito ay maraming makikitang uri ng halaman at nagsasayaw na Igorot na nakasuot na nakabahag.
- Teacher's Camp, na matatagpuan sa kahabaan ng Leonard Wood Road, ay isang malaking lugar na inilaan sa mga guro na nais magsanay. Sa loob nito may mga dormitoryo, silid-aralan, bahay bakasyunan at iba pang pasilidad na makakatulong sa mga guro na nagnanais magsanay sa lugar na ito.
- Rizal Park ay inilaan ng mga taga-Baguio para sa pambansang bayani na si Jose Rizal. Matatagpuan ang parke sa pagitan ng Burnham Park at ng Kapitolyo ng Lungsod Baguio.
- Good Shepherd Convent ay matatagpuan sa barangay Mines View, na ang pangunahing lagusan ay nasa Gibraltar Road na malapit lamang sa mga bilihan ng pasalubong ng Mines View Park. Ang Good Shepherd Convent ay kilala sa mga produkto nilang peanut brittle, ube jam, istroberi jam, at iba pang pasalubong, na ginawa mismo ng mga madre sa loob ng kumbento. Ang salaping nalilikom ng mga madre ay ginagamit sa iba't ibang proyektong makatutulong sa mga nangangailangan.
Mga barangay
Ang Lungsod Baguio ay may 130 barangay
|
|
|
|
Sanggunian
- Baguio City (hinango noong 27 Nobyembre 2007).
- The City of Baguio (hinango noong 27 Nobyembre 2007).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |