Luke Espiritu
Si Renecio “Luke” Espiritu ay Pilipinong abogado ay tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BLM). Siya ay isa sa mga kandidato sa pagkasenador sa Halalan 2022 sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Siya ay bahagi ng senatorial line up ni Leody de Guzman, na kandidato naman sa pagkapangulo.
Noong Oktubre 2021, kinondena ang BMP laban sa posibleng pang-aabuso ng mga employer sa “no jab, no pay policy” na sinangayunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa ilang establisimyento. Si Espiritu, bilang tagapangulo ng BMP, ay nagsalita laban sa nasabing polisiya. Aniya, ito ay pagkakait ng trabaho sa mga manggagawa sa gitna ng krisis sa enonomiya.
Personal na Buhay
Si Luke Espiritu ay isinilang sa Bacolod at nagmula sa maykayang angkan. Nakapag-aral siya ng elementarya sa La Salle, sa Bacolod at sa Green Hills. Nag-aral naman siya ng sekundarya at kolehiyo sa Ateneo de Manila. Gayunman, sinabi niya sa isang panayam na maituturing na middle class lamang ang kaniyang pamilya. Dati ring abogado ang kaniyang ama na nagpapaaral din sa anim niyang kapatid. Mahilig siyang makisalamuha sa mga itinuturing na nasa laylayan ng lipunan.
Natapos ni Espiritu ang abogasya noong 2002.
Pakikibaka
Noong 2004, sumapi si Espiritu sa law firm ni dating Solicitor General Frank Chavez ngunit umalis din doon noong 2008 upang makilahok sa mga makalipunang kilusan. Naging pangulo siya ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, isang grupo na binubuo ng 200 lokal na unyon at tinatayang may mahigit sa 100,000 kasaping manggagawa. Naging pangulo rin siya ng Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER) at patuloy na nakikibaka kontra kontraktuwalisasyon at makatarungang minimum wage.
Sagutan sa Debate
Nagtrending si Espiritu nang magkainitan sila ng kapuwa kandidato na si Larry Gadon sa Round 1 ng SMNI Senatorial Debate na umere noong 2 Marso 2022. Habang nagsasalita si Espiritu ukol sa karapatan ng mga bata at hindi niya pagpabor sa pagpapababa ng age of criminal responsibility sa Pilipinas ay nabanggit din niya ang tungkol sa extrajudicial killing at ang pagiging “masama ni Marcos,” na tumutukoy kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Biglang umentra si Gadon habang nagsasalita si Espiritu. Ilang beses pang umentra si Gadon kahit oras na ng pagsasalita ni Espiritu kaya nasabihan na ni Espiritu si Gadon na “wag kang bastos.” Naging mainit pa ang debate nang ipagtanggol din ni Harry Roque, kandidato rin sa pagkasenador, ang kampo ng mga Marcos.
Mga Sanggunian
- “LIST: Who is running for senator in the 2022 Philippine elections?”Rappler, 1 Oktubre 2021. Accessed 8 Marso 2022.
- Mendoza, John Eric.“Socialist presidential aspirant Leody de Guzman bares senatorial line up.” INQUIRER.net, 16 Oktubre 2021. Accessed on 2 November 2021.
- Baron, Gabriela. “BMP blasts 'no jab, no pay' policy.” Manila Bulletin, 27 Oktubre 2021. https://mb.com.ph/2021/10/27/bmp-blasts-no-jab-no-pay-policy/. Accessed 8 Marso 2022.
- SMNI News. “Sagutan ni Atty. Roque, Atty. Espiritu at Atty. Gadon sa SMNI Senatorial Debate.” YouTube, https://www.youtube.com/watch?v=5yn4C2I7isc. Accessed 8 Marso 2022.
- ANCX Staff. “Who is man of the hour Atty. Luke “Wag kang bastos!” Espiritu?” ABS-CBN News, 5 Marso 2022. https://news.abs-cbn.com/ancx/culture/spotlight/03/05/22/who-is-atty-luke-wag-kang-bastos-espiritu. Accessed 8 Marso 2022.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |