Luis Perez Dasmariñas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Luis Perez Dasmariñas ay ikasiyam na naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Pedro de Rojas, na pansamantalang nahalal bilang gobernador-heneral. Naglingkod siya mula 3 Disyembre 1593 hanggang 14 Hulyo 1596. Siya anak ni Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas, na napatay ng mga Sangley sa isang ekspedisyon.

Nang mabalitaan sa Maynila na sinakop ng Siam ang Cambodia, kinumbinsi ng mga Espanyol at Portuguese na nakarating na sa Cambodia, na sakupin ni Dasmariñas ang lupain. Agad namang nagpadala ang gobernador-heneral ng mga Espanyol, Hapones, at Pilipino sa Cambodia. Nagsimula ang kanilang ekspedisyon noong 1596. Gayunman, hindi ito nagtagumpay dahil napalayas na ng mga Cambodian ang mga Siamese at nagkaroon sila ng bagong hari.

Habang naghihintay ng balita mula sa ekspedisyon sa Cambodia, at ang isa pang balita tungkol sa pagsakop sa Mindanao, ay nakatanggap ng mensahe si Dasmariñas na paparating na ang kapalit niyang gobernador-heneral mula sa Espanya. Nang bumaba siya sa puwesto, nanatili pa rin siya sa Pilipinas at napatay nang mag-aklas ang mga Sangley noong 1603.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 289 Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.