Luha ng Buwaya

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Nobela ng pambansang alagad ng sining Amado V. Hernandez, ang Luha ng Buwaya (1962) ay tumatalakay sa ginagawang panggigipit ng maykayang pamilya sa mga maralita at kung paano nagkaisa ang nasabing mga dukha upang lutasin ang kanilang problema.

Inilahad sa nobela ang sistemang piyudal na kinakatawan nina Donya Leona at Don Severo Grande, nna nag-aari ng malalawak na lupain sa Sampilong. Ginamit ng mag-asawa ang kanilang salapi, impluwensiya, at kapangyarihan upang paikutin at bulukin ang mga institusyong gaya ng hukuman, simbahan, at pamahalaan nang mapanatili ang kanilang interes. Kalaban ng mag-asawa ang pangkat ng mga dukhang mula sa pook-maralita, na pinamumunuan ni Bandong. Si Bandong ay isang guro na naging gabay ng mga tao sa makatwirang pagkilos laban sa mga pamamalakad ng mag-asawang Grande. Nagbuo ng kooperatiba ang mga dukha sa pagnanais na makaraos sa kahirapan. Tumindi ang tunggalian sa kuwento nang ipakulong si Bandong gayong wala naman siyang kasalanan, at sa halip ay naghasik ng lagim ang mga tauhan ng mag-asawang Grande. Sa dakong huli ng nobela'y matutuklasan na ang lupaing kinatitirikan ng mga bahay ng mga dukha ay hindi pag-aari ng mag-asawang Grande. Mauunawaan din sa wakas ng mga tao na sama-sama lamang na pagkilos nila mababago ang bulok na sistemang piyudal sa lipunan.

Ang "luha ng buwaya" ay bulaklak ng dila na nangangahulugang "mapagbalatkayo" o "pagkukunwari."

Sanggunian

  • Hernandez, Amado V. Luha ng Buwaya, na nalathala noong 1962 at muling inilimbag sa makabagong panahon ng Ateneo de Manila University Press.

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Luha ng Buwaya Luha ng Buwaya Luha ng Buwaya Luha ng Buwaya Luha ng Buwaya