Lourdes J. Cruz

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Lourdes Jansuy Cruz, PhD ay isang Pilipinong siyentista na nagpasimula ng pag-aaral ng conotoxin (lason mula sa susong pandagat) bilang modelo ng pagbubuo ng isang gamot na tumututok lamang sa isang espisipikong ugat o kalamnan ng katawan ng tao. Siya ay kinikilala bilang Pambansang Alagad ng Agham at kasalukuyang Professor Emeritus sa Marine Science Institute sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Edukasyon

Si Cruz ay isinilang noong 19 Mayo 1942 sa Cavite. Nagtapos siya ng BS Chemistry mula sa UP Diliman noong 1962. Natanggap niya ang kaniyang MS Biochemistry at PhD Biochemistry mula sa University of Iowa noong 1966 at 1968.

Buhay Siyentista

Si Cruz ay kinikilalang eksperto sa kaalaman ukol sa mga susong pandagat (sea snails) sa buong Pilipinas. Taong 1995, kasama si Julian White, nakapagsulat siya ng isang artikulo tungkol sa conus snail. Nabanggit dito na mayroong 70 kasong naitala ng pagkakatusok o pagkakalason mula sa suso, at 26 na ang namatay. Bagamat hindi ito kalakihan, naiulat na rin ng isang biyologo na nagngangalang Yoshiba noong 1984 na 38% sa kabuuang dahilan ng kamatayan sa suso sa buong mundo ay dulot ng pagkakalason mula sa conus, at 66.7% nita ay dulot ng conus geographus.

Napag-alaman niya sa kanilang pag-aaral na higit pang mabagsik kaysa sa venum ng cobra ang conotoxin na siyang venum na galing sa conus snail. Ang lason ng ahas ay tumatagal pa ng dalawa hanggang tatlong oras bago makarating sa utak ng tao. Samantalang ang conotoxin ay ilang minuto lamang ay napaparalisa na ang biktima.

Masusing pinag-aralan ni Cruz ang mekanismo na ginagamit ng mga suso upang ang lason nito ay makapagbigay epekto lamang sa isang bahagi ng katawan at hindi sa kabuuan nito. Mahalaga ito para maiwasan ang mga komplikasyon sa paggamit ng gamot sa taong sumasailalim ng operasyon.

Maliban sa susong pandagat (sea snail) ay pinag-aaralan din niya ang spirulina platensis. Ang spirulina ay isang uri ng maliit na bacteria (cyanobacteria) at lumot (algae) na matatagpuan sa Mexico, ilang bansa sa Africa, at iba pang bahagi ng mundo. Ang spirulina ay mayaman sa nutrition sapagkat ito ay binubuo ng 60 hanggang 70% na protina, beta-carotene (isang antioxidant), gamma linoleic acid (nagpapalakas umano sa immune system ng tao), at bitaminang B-12.

Ayon sa kaniyang natuklasan, may 44% ng mga may sakit na kanser ay namamatay dahil sa kakulangan ng nutrisyon ng katawan. Napatunayan ni Cruz ang bisa ng spirulina sa karanasan ng kaniyang sariling kapatid na napag-alamang may cancer (stage 4). Sa unang sesyon ng chemotheraphy ay binigyan siya ni ruz ng spirulina. Hindi na nakakakain nang husto ang kaniyang kapatid noon pa man, ngunit ngayon ay bumalik ang gana nito sa pagkain. Sa pangalawang sesyon ng chemotherapy, nakita ng mga doctor na tumaas na ang bilang ng pulang dugo (red blood cells) ng pasyente. Hindi na kinailangan pa ng ikatlong chemotherapy. Sa ngayon ay malaki ang pag-asa nilang malampasan nito ang sakit na kanser. Maliban dito, nasubukan ding ibigay ang spirulina sa mga batang biktima ng Chernobyl nuclear accident, at naobserbahang lumakas ang kanilang mga katawan laban sa sakit.

Bagaman hindi pa marami ang spirulina dito sa Pilipinas, madali naman itong patubuin. Sa kasalukuyan ay sinusubukan ni Cruz at kaniyang mga kasamahan sa Marine Science Institute sa UP ang makapagparami nito sa lupa ng Cagayan de Oro sa Mindanao.

Mga Publikasyon

  • Lam HY, Enriquez MLD, Heralde, FMI, Loquias, MM, Montaño MNE, Agapito JD, Arriola AK, CruzLJ, Sia IC, Cheng KJG, Enriquez CMD, Marohomsalic HN, Yap JRD. 2018. Establishing a blueprint for nature-based products development and conservation for the Philippines. Acta Med Philipp, 52(4), 295–301.
  • Subong, B. J. J., Benico, G. A., Sulit, A. K. L., Mendoza, C. O., Cruz, L. J., Azanza, R. V., & Jimenez, E. C. (2017). Toxicity and protein expression of alexandrium species collected in the philippine waters. Philippine Journal of Science, 146(4), 425–436.
  • Jimenez E.C., Cruz L.J. (2017) Conotoxins as Tools in Research on Nicotinic Receptors. In: Gopalakrishnakone P., Cruz L., Luo S. (eds) Toxins and Drug Discovery. Toxinology. Springer, Dordrecht
  • Cruz LJ, White J. Clinical toxicology of Conus snail stings. In: Meier J, White J, (eds) Clinical Toxicology of Animal Venoms. CRC Press, Boca Raton FL, 1995.
  • Mendoza, A. D. L., Sombrito, E. Z., & Cruz, L. J. (2015). A tyrosine-containing analog of mu-conotoxin GIIIA as ligand in the receptor binding assay for paralytic shellfish poisons. Toxicon, 99, 95–101.
  • Bondoc, Karen Grace, Lee, Hyeyoung, Cruz, Lourdes, Lebrilla, Carlito & Juinio-Meñez, Marie. (2014). Corrigendum to “Chemical fingerprinting and phylogenetic mapping of saponin congeners from three tropical holothurian sea cucumbers” [Comp. Biochem. Physiol. B 166 (3–4) (2013) 182–193]. Comparative Biochemistry and Physiology Part B: Biochemistry and Molecular Biology. 175.
  • Cruz L.J., McIntosh J.M., Imperial J.S., Gray W.R. (2000) Conus Peptides and Their Iodinated Derivatives as Probes for Ion Channels and Receptors. In: Rochat H., Martin-Eauclaire MF. (eds) Animal Toxins. Methods and Tools in Biosciences and Medicine. Birkhäuser, Basel
  • Mendoza, Christopher, C. Rabanes, Ariel, Jimenez, Elsie, Azanza, Rhodora, Cortez-Akhunzadah, Jade & Cruz, Lourdes. (2013). Detection of ciguatera fish poisoning in the Philippines. Journal of Environmental Science and Management. 16. 50-55.
  • K.G. Bondoc, H. Lee, L.J. Cruz, C.B. Lebrilla, M.A. Juinio-MenezChemical fingerprinting and phylogenetic mapping of saponin congeners from three tropical holothurian sea cucumbers. Comp. Biochem. Physiol. B Biochem. Mol. Biol., 166 (2013), pp. 182-193
  • Bhatia S, Kil YJ, Ueberheide B, Chait BT, Tayo L, Cruz L, Lu B, Yates JR, Bern M. 2012. Constrained de novo sequencing of conotoxins. J Prot Res11:4191–200.

Mga Parangal

  • 1981 - Outstanding Young Scientist Award - National Academy of Sciene and Technology
  • 1982 - Achievement Award (Chemistry) - National Research Coucil of the Philippines
  • 1986 - The Outstanding Women in the Nations Service - TOWNS Foundation and Lions Club
  • 1987 - Academician - National Academy of Science and Technology
  • 1991 - Professional Achievement Award in Biochemistry - UP Alumini Association
  • 1991 - Achievement Award (Research and Research Management) - Federation of Philippine Chemistry Societies
  • 1993 - Sven Brohult Award - International Foundation Science
  • 1994 - Medal of Distinction (Research) - Philippine Society for Biochemistry and Molecular Biology
  • 1996 - Outstanding Alumnus - UP Chemistry Alumni Foundation
  • 2000 - Gregorio Y. Zara Award in Basic Science - Philippine Association for Advancement of Science
  • 2001 - Service Award - Philipine Society ofr Biochemistry and Molecular Biology
  • 2001 - Outstanding ASEAN Scientist and Technologist Award
  • 2002 - Gawad Chancellor Award for Research
  • 2006 - Pambansang Alagad ng Agham - Pangulo ng Pilipinas

Mga Sanggunian