Loren Legarda

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Loren Legarda.

Si Lorna Regina "Loren" Bautista Legarda (ipinanganak noong 28 Enero 1960) ay isang Pilipinong politiko at dating mamamahayag. Kasalukuyan siyang kinatawan ng lalawigan ng Antique. Dati rin siyang nagsilbi bilang senador mula 1998 hanggang 2004, noong 2007 hanggang 2013 at mula 2013 hanggang 2019. Nanguna siya sa mga nanalong senador noong 1998 at 2007.

Tumakbo rin si Legarda bilang bise presidente noong 2004 bilang running mate ni Fernando Poe Jr. at noong 2010 bilang running mate ni Manny Villar.

Talambuhay

Ipinanganak si Legarda noong ika-28 ng Enero 1960 sa Malabon kina Antonio Cabrera Legarda at Bessie Gella Bautista. Ang kaniyang lolo na si Jose P. Bautista ang dating editor-in-chief ng pahayagang The Manila Times.

Nag-aral si Legarda sa Assumption College, kung saan siya naging valedictorian sa elementarya. Nag-aral siya ng broadcast communications sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman at nagtapos na cum laude noong 1981. Nag-aral din siya ng post-graduate sa journalism sa University of California sa Los Angeles sa Estados Unidos.

Karera

Bilang Mamamahayag

Nagsimula ang karera ni Legarda bilang mamamahayag nang magtrabaho siya bilang reporter para sa RPN. Bilang reporter, sinundan niya ang biyahe ni Imelda Marcos sa Kenya at ang People Power Revolution sa EDSA noong 1986. Habang nasa RPN, nag-aral ng masterado si Legarda sa National Defence College sa kursong national security administration.

Noong 1986, lumipat si Legarda sa ABS-CBN at naging co-anchor ni Angelo Castro Jr. para sa The World Tonight. Noong 1990, naging host siya ng The Inside Story. Nanatili siya sa ABS-CBN hanggang noong 1998 nang tumakbo siya bilang senador.

Karera sa Politika

Unang Termino bilang Senador, 1998 hanggang 2004

Tumakbo si Legarda bilang senador sa halalan ng 1998 sa ilalim ng Lakas-NUCD-UMDP. Nakuha niya ang pinakamaraming boto sa pagka-senador.

Sa unang termino niya bilang senador, isinulong niya ang iba't batas tulad ng Anti-Domestic Violence Act, and Anti-Child Labor Law, ang Anti-Trafficking in Person Act at ang Ecological Solid Waste Management Law. Siya rin ang may-akda ng Tropical Fabric Law, na siyang nagtakda ng paggamit ng mga lokal na tela para sa mga uniporme ng mga opisyal ng gobyerno. Nagsilbi siya bilang Senate Majority Floor Leader mula 2001 hanggang 2004, ang unang babaeng nahalal sa nasabing puwesto.

Matapos ang kaniyang pagkatalo bilang bise presidente noong 2004, muling tumakbo sa Senado si Legarda noong 2007. Nakakuha siya ng 18 milyong boto na pinakamarami para sa isang senador. Sa terminong ito, isinulong niya ang Expanded Senior Citizens Law, na nagbigay ng 32 porsyentong diskwento para sa mga produktong binili ng mga senior citizen. Siya rin ang may-akda ng Magna Carta on Women at ng Climate Change Law.

Matapos ang kaniyang termino, muling tumakbo bilang senador sa ikatlong pagkakaton si Legarda. Sa terminong ito, sinuportahan niya ang mga panukalang batas para maprotektahan ang kulturang katutubo, ang kapaligiran at maging ang political transparency. Kabilang sa mga panukalang batas na ito ang Freedom of Information Bill, ang Total Logging ban Bill, ang Magna Carta for the Poor Bill, ang Energy Efficiency and Conservation Bill, ang Solo Parents' Bill, ang Final Forest Limits Bill, at marami pang iba.

Pagtakbo bilang Bise Presidente

Noong 2003, umalis si Legarda sa Lakas CMD matapos magdesisyon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na muling tumakbo bilang pangulo sa halalan ng 2004. Sumali siya sa Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino at tumakbo bilang bise presidente ni Fernando Poe Jr. Kapwa hindi nagtagumpay si Poe at Legarda nang mahalal sina Arroyo at Noli de Castro bilang pangulo at bise presidente.

Muling sumubok sa pagka-bise presidente si Legarda sa halalan ng 2010, kung saan tumakbo siya bilang running mate ni Manny Villar. Muli siyang nabigong manalo at bumalik sa pagiging senador.

Bilang Kinatawan sa Kamara

Nang matapos ang kaniyang termino sa Senado noong 2019, tumakbo si Legarda bilang kinatawan ng lalawigan ng Antique sa halalan ng 2019. Nanalo siya laban kay Exequiel Javier, na miyembro ng pamilyang Javier na 32 taong namuno sa lalawigan.

Personal na Buhay

Pinakasalan ni Legarda si dating Batangas governor Antonio Leviste noong 1989. Mayroon silang dalawang anak na lalaki, sina Leandro at Lorenzo. Naghiwalay sina Leviste at Legarda noong 2003, at napawalang-bisa ang kanilang kasal noong 2008.

Miyembro ng Philippine Air Force Reserve Corps si Legarda na may ranggong colonel.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.