Liwayway Magasin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Liwayway ay isang magasin na naglalaman ng mga maikling kuwento at sunud-sunod na mga nobela. Dahil dito, naging paraan ito para mapalago ang kamalayan ng mga Pilipino. Dinala nito ang panitikan sa mga kabahayan ng pamilyang Pilipino. Bago pa man ang Digmaang Pasipiko, ang araw ng pagrarasyon ng magasin na ito ay talaga namang inaabangan ng mga miyembro ng pamilya at naging dahilan rin ng kanilang pagtitipon upang magbasa lamang, lalo na ang mga nobela.

Ang Lalaki sa Likod ng Liwayway

Si Don Ramon Roces ay sumikat sa kasaysayan ng komiks dito sa Pilipinas bago pa man si Tony Velasquez.

Mula sa mga Espanyol, si Ramon ay nagmula sa isang mayamang pamilya na kilala sa larangan ng paglilimbag. Ang kaniyang amang si Alejandro Roces Sr. ay kinilala naman bilang ama ng peryodismo sa Pilipinas.

Taong 1916 nang bilhin ni Don Alejandro ang pang-araw-araw na pahayagang Espanyol na La Vanguardia at ang Tagalog na Taliba mula sa may-aring si Martin Ocampo. Ang La Vanguardia ay kasunod ng El Renacimiento, isang pahayagan kung saan ang patnugot ay si Teodoro M. Kalaw, ngunit kinailangan itong ipasara ng huli noong taong 1923 dahil na rin sa kasong libelo na isinampa ng Amerikanong si Dean Worcester. Nang itinatag niya ang English Tribune noong 1925 (patnugot pa ang binatang si Carlos Romulo), naging mahalagang bahagi na siya ng kasaysayan ng pahayagan at peryodismo sa Pilipinas lalo pa at nagkaroon siya ng newspaper triumvirate, ang Taliba-La Vanguardia-Tribune, na mas naging sikat sa tawag na T-V-T. Nasarili ni Don Roces ang industriya ng pahayagan noong bago magkaroon ng digmaan sa Pilipinas. Ang Taliba ay para sa mga mambabasa ng Tagalog, ang La Vanguardia ay para sa mga mambabasa ng Spanish, at ang Tribune ay para naman sa mga mambabasa ng Ingles. Ang pinakamahigpit na kakompitensiya ng T-V-T ay ang DMHM (El Debate, Mabuhay, The Philippine Herald, at Monday Mail) ng angkan ng Elizalde, ngunit hindi nito makayanang labanan ang T-V-T, kaya naman ang mga kritiko ay sinasabing ang kahulugan ng DMHM ay “Dito Muna Hanggang Meron,” pagkutya laban dito kung ikukumpara sa lakas at kasikatan ng T-V-T.

Taong 1922 nang pumasok sa imperya ng paglilimbag ang anak ni Alejandro, na si Ramon. Sa nais na sundan ang mga yapak at narating ng kaniyang ama, binuo ni Ramon ang iba’t ibang bernakular na magasin. Inumpisahan niya ito sa paglilimbag ng Tagalog Liwayway noong 1922.

Ang Liwayway, kung titingnan ang kasaysayan, ay paglabas lamang muli ng naunang nailimbag na magasin ni Ramon, ang Photo News, na ang patnugot ay sina Ramon Roces mismo at ang Pilipinong nobelistang si Severino Reyes.

Ang Photo News

Tulad ng sinasabi sa pangalan pa lamang, ang Photo News ay isang magasin na naglalaman ng mga balita, sanaysay, at tula. Ito ay inililimbag sa pagitan ng dalawang linggo, at sa halagang 15 sentimos kada isang kopya. Nahahati din ito sa tatlong wika, Ingles, Espanyol, at Tagalog, nang sa gayon ay mabasa ng mga mambabasa sa Ingles, Espanyo, at Tagalog. Gayunman, naisip ng mga mamimili na kung hindi naman nila mababasa ang iba pang mga bahagi ng magasin dahil nakasulat sa ibang wika, aksaya lamang sa kanilang pera ang pagbayad sa iba pang bahagi ng magasin na hindi naman nila nauunawaan. Dahil dito, hindi nagtagumpay ang Photo News at itinigil na ni Ramon ang paglilimbag nito bago pa man umabot ng isang taon. Dahil sa lungkot, umalis si Ramon patungong Mindanao para makapag-isip. Ngunit hindi niya rin natiis ang kaniyang pamilya at bumalik sa Maynila matapos ang tatlong buwan. Natutuhan na niya ang kaniyang mga pagkakamali, at sa kaniyang pagbabalik sa industriya ng paglilimbag, tinawagan niyang muli si Severino Reyes para ulitin ang Photo News, at sa pangalawang pagkakataon, pinili niya ang wikang Tagalog na gagamitin nito. Inilipat nila ang tanggapan nito sa Calero St., hindi malayo sa gusali ng kaniyang ama, ang T-V-T.

Ang Umpisa ng Liwayway

Pinalitan ni Severino ang pangalan patungong Liwayway, na nangangahulugang “panibagong simula” o “unang paglitaw ng liwanag ng araw sa umaga.”

Sa unang pahina ng unang sipi ng Liwayway noong 18 Nobyembre 1922, binati niya ang mga mambabasa niya noon sa Photo News, at pati na rin ang mga magiging tagapagtangkilik ng bagong magasin. Dito rin niya sinabi ang bagong itsura at nilalaman ng muling binuhay na magasin:

“Katulad ng isang panauhing umalis muna sa bahay niyang tinutuluyan, bago nagbalik na muli, sa aming pagsipot na ito na bago ang bihis at bago na ang gayak, ay muli kaming nagpupugay sa lahat. Sa Pamahalaang nakatatag ay inihahandog namin ang aming pamimitaganan, sa mga kapamahayagan ay ang malugod na bati at pakikiramay at sa mga tumatangkilik sa amin—ang bayang mambabasa at ang mga bahay kalakal—ay ang lahat ng mabuting nais sa kanilang kabuhayan.”

Siniguro ng dalawang patnugot na hindi mangyayari sa Liwayway ang hindi magandang sinapit noon sa Photo News. Lingguhan na ito kung lumabas at binebenta nang 12 sentimos isang kopya, mapapansing mas mura nang tatlong sentimos kaysa sa nauna. Mayroon din itong 40 pahina, mas marami kung ikukumpara sa 28 pahina lamang ng Photo News. Bukod dito’y mas marami ring larawan at ilustrasyon ang matutunghayan sa Liwayway.

Sa mga una nitong sipi, ang disenyo at sulat ng Liwayway ay kapareho lang ng sa Photo News, ngunit mas pinalaki ito kaysa sa naunang magasin. Naglalaman din ito ng balita hinggil sa loob at labas ng bansa. Mas pinalawak din ang bahagi ng mga sanaysay, maikling kuwento, at tula.

Sa mga pahina rin ng Liwayway unang lumabas ang Mga Kuwento ni Lola Basyang ni Severino Reyes. Hindi nagtagal, ang mga kuwentong Lola Basyang ay naging pinakabinabasang bahagi ng Liwayway. Sa loob ng maraming taon, inakala ng mga mambabasa na si Lola Basyang ay isang matandang babae na may napakaraming kuwentong nakalagay sa kaniyang mahiwagang baul.

Mga Nag-ambag

Kinuha ni Severino ang serbisyo ng mga kilalang Pilipino sa larangan ng panitikan bilang mga manunulat ng Liwayway. Kabilang na rito ang mga makatang sina Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaseda, Cecilio Apostol, at mga manunulat na sina Lope K. Santos, Iñigo Ed Regalado, Romualdo Ramos, Francisco Laksamana, Fausto Galauran, at ang anak niya mismong si Pedrito Reyes, na nang di nagtagal ay sumunod sa kaniya bilang patnugot ng magasin.

Kaya naman, kahit na ang Liwayway ay ginawa talaga para magbigay lamang ng aliw sa mga mambabasa, ang mga nilalaman nitong mga tula ay maituturing na kabilang sa mga pinakamahusay na produkto ng panitikan ng panahon. Ang ilan sa mga nobelang unang nailimbag sa Liwayway ay mga naging klasiko ng panitikang Tagalog.

At para mas makapukaw ng pansin ang magasing ito, kumuha rin si Severino Reyes ng mahuhusay magdisenyo at mga alagad ng sining ng panahong iyon, kabilang na sina Procopio Borromeo, Jorge Pineda, Jose V. Pereira, P. V. Coniconde, at Antonio Gonzales Dumlao.

Ang Liwayway ay naging daan din para sa ilang komiks ng mga Pilipino, tulad ng Ang mga Kabalbalan ni Kenkoy ni Tony Velasquez, Huapelo at Pamboy at Osang ni J.M. Perez, Kulafu ni Francisco Reyes, at Isang Dakot na Kabulastugan ni Deo Gonzales. Ito ay naging umpisa ng pagiging matagumpay ng industriya ng komiks sa Pilipinas.

Nakakuha ng mga isponsor ang Liwayway tulad ng Coca-Cola, Pepsi Cola, Chesterfield cigarettes, Zamora’s Tiki-tiki, Chrysler-Plymouth cars, Esco shoes, Ang Tibay shoes, at mga produkto ng Botica Boie. Ang mga patalastas na ito ay naging malaking tulong sa pagtagal ng magasin.

Iba pang mga Magasin

Ang tagumpay ng Liwayway ang nagtulak kay Ramon na maglabas ng panibagong magasin sa wikang Tagalog, ang Hiwaga noong 1926. Isang taon pagkatapos noon, naglimbag din sila ng lingguhang magasin sa Ingles, ang The Graphic. Di nagtagal, mayroon pang ibang mga bernakular na magasin sa iba pang mga wika ng Pilipinas na sumunod: sa wikang Bisaya noong 1932, sa wikang Hiligaynon noong 1934, sa wikang Bikolano noong 1935, at sa wikang Ilokano (Bannawag) noong 1940.

Naging sikat ang Liwayway kaya naman napagdesisyonan ni Ramon na maglimbag nang mas makapal na pahina at lalabas kada isang buwan, tinawag na Liwayway Extra noong 1936. Sa panahong iyon, tumaas na ang posisyon ni Tony Velasquez bilang Chief Artist ng Liwayway. Ang Liwayway Extra ay may mas maraming pahina at mas marami ring komiks kaysa sa lingguhang Liwayway.

Sa Ilalim ng mga Dayuhan

Habang ang Pilipinas ay nasa ilalim ng mga Hapones, kinumpiska ng hukbo ng mga Hapones ang Liwayway. Ngunit ipinagpatuloy ng mga Hapon ang paglilimbag nito, sapagkat alam nila kung gaano ito kalakas upang magamit nila sa pagpapalaganap ng propaganda tungkol sa kanilang mga layunin. Ang pinakasikat na komiks ng Liwayway sa buong Pilipinas, ang Kengkoy, ay nagpatuloy pa rin, pero ang katawa-katawang karakter na ito ay pinayagan lamang na magsalita tungkol sa mga polisiya ni dating Pangulong Jose Laurel sa kalusugan at edukasyon. Noong 1945, matapos ang paglaya ng Lungsod Maynila, pinalitan ng mga Amerikano ang pamumuno sa Liwayway, ngunit nilimbag ang mga kopya nito sa mas maliit na bersiyon dahil sa kakulangan sa papel.

Mga Nagmay-ari

Noong 1946, naibalik ang Liwayway kay Ramon Roces.

Taong 1965 nang pagdesisyonan ni Ramon, na noo’y tumatanda na, na ibenta na lamang ang Liwayway kay Hanz Merzi, ang nagpasimula ng Manila Bulletin. Simula noon, nagkaroon na ng maraming pagbabago, nagpalit ng pag-aari nang ilang beses. Gayunman, nagpatuloy ang sirkulasyon ng Liwayway para sa mga masa dahil na rin sa kasikatan nito.

Sa Kasalukuyan

Ang Liwayway ay nananatili pa rin bilang isa sa mga pinakamatandang magasin sa Pilipinas. Dahil na rin sa tagal na nito, naging bahagi na ito ng kasaysayan ng kulturang Pilipino. At kung mayroon mang gawad para sa isang magasin, Liwayway ang magiging isa sa mga karapat-dapat na magkaroon nito.

Mga Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. Filway’s hilippine Almanac. Quezon City: Children’s Communication Center and Filway Marketing Inc, 1991.
  • Arellano, Clarita A. Contemporary Images of Filipino women and men as depicted in popular short stories in Liwayway magazine from 1976-1991. Thesis (PH. D.) University of the Philippines, Diliman, 1994.
  • Balmores, Egmidio Lacsamana. Samahang Nayon: Mga Tanong at Sagot. Quezon City: Day Publishing, 1975.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.