Lito Atienza

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Jose “Lito” Atienza Jr. ay kilalang politiko sa Pilipinas na halos limang dekada nang lingkod-bayan. Nagsimula siya bilang kapitan ng barangay hanggang sa makapagtrabaho siya sa Information Office of Manila City Hall sa ilalim ng dating alkalde na si Ramon Bagatsing Sr. [1]

Si Atienza ay nakapaglingkod sa Lungsod Maynila bilang assemblyman mula 1984 hanggang 1986; bise alkalde mula 1992 hanggang 1998; at alkalde mula 1998 hanggang 2007. Naging kalihim naman siya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula 2007 hanggang 2009. Mula naman noong 2013, nahirang siyang kinatawan sa Kongreso ng Buhay Party-list at naging Deputy Speaker ng kamara.[2]

Rep. Lito Atienza Jr. ng ika-18 Kongreso

Siya ay tumatakbo bilang pangalawang pangulo para sa Halalan 2022, katambal si Senador Manny Pacquiao bilang pangulo. [3]

Pamilya at Personal na Buhay

Si Lito Atienza ay isinilang noong 10 Agosto 1941 sa San Andres Bukid, Maynila. Ang kaniyang lolo na si Buenaventura Atienza ay kilalang politikal at pinunong sibiko sa Malate, Maynila. Habang ang kaniyang ama na si Jose J. Atienza Sr. ay kilalang lingkod-bayan sa kanilang distrito at unang nangasiwa sa Department of Public Services. Ang kaniyang tiyuhin na si Herminigildo Atienza ay nahirang na alkalde ng lungsod matapos ang Liberasyon ng Maynila. Ang isa pa niyang tiyuhin na si Rigoberto Atienza ay dating komander ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na isa sa mga nagdusa sa makaysaysayang Bataan Death March, at kalaunan ay nahirang bilang Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. [1] [4]

Siya ay nakag-aral ng elementarya hanggang sekundarya sa Ateneo de Manila University at nagtapos ng arkitektura sa University of Santo Tomas. Napangasawa naman niya si Ma. Evelina Ilagan at nagkaroon ng anim na anak. Tatlo sa kanilang anak ay kilalang personalidad sa larangan ng media at politika: sina Kim Atienza, Arnold Ilagan Atienza, at Maile Atienza.

Politika

Si Lito Atienza ay nagsimula bilang isang youth leader para sa Democratric Youth Movement. Isa siya sa mga nakaligtas sa naganap na pagbomba sa Plasa Miranda noong 1971. Siya ay bahagi noon ng Partidong Liberal. Isa rin siya sa mga nakulong noong kasagsagan ng Batas Militar kung saan itinuring na krimen ang niya pagtulong sa mga jeepney drayber at ang pagiging pinuno ng Metro Manila Jeepney Drivers Organization. Noong mga panahong ding iyong, nangangarap siyang maging isang konsehal. [1] [2] [5]

Naging kapitan ng barangay si Atienza noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Pagkatapos, naglingkod siya nang halos isang dekada sa Information Office of Manila City Hall sa ilalim ng pamumuno ng dating alkalde nito na si Ramon Bagatsing Sr. Dahil sa kaniyang katapangan, nahalal siyang maging Member of Parliament sa ilalim ng Batansang Pambansa noong 1984.

Sa pag-upo ni Corazon C. Aquino bilang pangulo ng Pilipinas noong 1986, nahirang si Atienza na maging pangulo ng National Housing Authority kung saan itinaguyod niya ang murang pabahay para sa mga guro at kapulisan.[1]

Nagsimula naman ang kaniyang termino bilang alkalde ng Maynila noong 1998 at dahil nakapagtapos si Atienza ng arkitektura, tumuon siya sa pagpapaganda at pagpapa-unlad ng lungsod. [1]

Noong 1999, itinatag ni Atienza ang Buhay Hayaang Yumabong (BUHAY) Party-list kasama si Melquiades A. Robles. Dahil tagapangulo si Atienza noon ng Partido Liberal, inanyayahan niya si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai upang mapagtulungan nila ang pagtataguyod ng mga adbokasiya ng party-list. Mula noong 2004, nagwawagi na sa mga halalan bilang party-list ang BUHAY. Mula 2013, naupo sa kongreso si Atienza bilang kinatawan nito. [1]

Gayunman, sa pagtakbo ni Atienza bilang pangalawang pangulo sa Halalan 2022 at pagsuporta nito kina Manny Pacquiao at Bongbong Marcosay nagpasa ng kanilang pagbitiw sa BUHAY Party-list ang mga kinatawan din nito na sina Rene del Monte Velarde at Michael del Monte Velarde Jr., kapuwa mga anak ni Mike Velarde. Ayon sa liham na ipinadala ng magkapatid na Velarde, ang kanilang desisyon ay batay sa resulta ng kanilang diskusyon noong 4 Hunyo 2021 kung saan nais na umanong putulin ni Bro. Mike Velarde ang kanilang suporta, kaugnayan, at anomang organisasyong nag-uugnay sa kanila sa nasabing party-list. [6]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Iza Iglesias. “The ‘natural’ public servant looks back on 50 years of commitment to country.” The Manila Times, 2 Setyembre 2018. https://www.manilatimes.net/2018/09/02/weekly/the-sunday-times/the-natural-public-servant-looks-back-on-50-years-of-commitment-to-country/436949. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  2. 2.0 2.1 Edu Punay. “APPLICANT FOR VICE PRESIDENT: Jose ‘Lito’ Atienza Jr.” One News, 2 Oktubre 2021. https://www.onenews.ph/articles/applicant-for-vice-president-jose-lito-atienza-jr. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  3. Davinci Maru. “Pacquiao picks Lito Atienza as running-mate for 2022 polls.” ABS-CBN News, 1 Oktubre 2021. https://news.abs-cbn.com/news/10/01/21/lito-atienza-files-coc-as-pacquiaos-vp-for-2022. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  4. “Mayor Lito Atienza.” https://mayorlitoatienza.wordpress.com/about/. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  5. Lourdes M. Fernandez. “Miranda bombing: Beyond the scars.” Business Mirror, 21 Agosto 2021. https://businessmirror.com.ph/2021/08/21/miranda-bombing-beyond-the-scars/. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  6. Maricel Cruz. “El Shaddai cuts ties with Buhay party-list over Atienza moves.” Manila Standard, 5 Nobyembre 2021. https://manilastandard.net/mobile/article/369244. Accessed 9 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.