Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension.

Ang Manila Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite extension project ay isang proyektong magpapalawig sa kasalukuyang sakop ng LRT-1 na 20.7km. Nasa 11.7km ang haba ng extension project na ito na magsisimula sa Baclaran, Lungsod Parañaque hanggang Bacoor, Cavite. Ito rin ay isang metro line na magdurugtong sa Kalakhang Maynila sa Rehiyon IV-A.

Ang LRT-1 Cavite Extension ay bahagi ng public-private partnership (PPP) project na inumpisahan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Ang proyekto ay inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Nobyembre 2013.

Noong Setyembre 2014, ipinagkaloob ni Aquino ang ₱65 bilyong proyekto sa Light Rail Manila Consortium (LRMC). Ang kompanya na rin ang namumuno sa operasyon ng LRT-1 simula noong Setyembre 2015. Katuwang ng LRMC sa pagtapos ng proyekto ang Light Rail Transit Authority (LRTA) at Department of Transportation and Communication (DOTC).

Sinasabi ring aangat sa 800,000 ang magiging kapasidad ng mga pasahero araw-araw kapag nabuksan na ang LRT-1 Cavite extension kompara sa 500,000 na kapasidad nito mula Lungsod Quezon hanggang Lungsod Parañaque.

Detalye ng proyekto                                                                                           

Ang LRT-1 extension ay magsisimula sa Parañaque daraan ng Las Piñas na magtatapos naman sa Barangay Niog, Bacoor, Cavite. Magkakaroon ito ng walong bagong istasyon mula Baclaran. Ito ay ang Redemptorist, MIA, Asiaworld, Ninoy Aquino, Dr. Santos, Las Piñas, Zapote, at Niog.

Ang extension ay idinesenyong may bilis na 80km/hr ang main track. Kapag nakompleto na ang proyektong may habang 11.7km, magiging 25 minuto na lamang ang biyahe mula sa Baclaran patungong Bacoor.

Napiling technical partner ng LRMC ang RATP Group. Ipinagkaloob naman ng LRMC ang $501 milyong kontrata sa Alstom Transport at Bouygues Travaux Publics upang magkaroon ng integrated metro solution para sa proyekto noong 2016. Kasama sa kontrata ang pagbibigay ng mga signaling at communication system at traction power supply para sa proyekto. Kasama rin dito ang pagtatayo ng bagong daan at pagtatayo ng mga bagong lagakan ng tren. Maglalagay din ang Alstom ng Atlas 100 na isang on-board signaling solution sa 60 na tren at mas pauunlarin ang umiiral na signaling system sa mga kasalukuyang tren at istasyon ng LRT-1.

Ang tinatayang halagang magagasta sa pagtapos ng LRT-1 extension ay ₱65 bilyong. Ang ₱25.35 bilyon ay manggagaling mula sa pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng proyektong Capacity Enhancement of Mass Transit Systems in Metro Manila. Ang pondo mula sa ODA ay gagamitin sa pagtatayo ng mga satellite depot, pagpapalawig ng mga umiiral na depot, at pagkuha ng rolling stock design. Ang natitirang ₱39.56 bilyon ay magmumula sa pribadong sektor.

Konstruksiyon

Bagaman naaprubaha ang proyekto noong 2013 pa, noong 2019 lamang nag-umpisa ang konstruksiyon ng LRT-1 extension. Nagkaroon ng malaking suliranin ang pamahalaan sa pagkuha ng right of way (ROW) ng mga daraanan ng proyekto.

Noong 2018, kinuha ng pamahalaan aat ng LRMC ang serbisyo ng Bouygues Travaux Publics at Alstom Transport Private Limited para tumulong sa proyekto. Ayon sa LRMC, maliban sa ROW ay magiging hadlang din sa proyekto ang pagsasaayos at paglilinis ng daraanan ng proyekto ka naman ang serbisyong dalawang kompanya ay malaking tulong sa pag-usad ng konstruksiyon.

Setyembre 2019 nang tuluyang umpisahan ang konstruksiyon ng Phase 1 ng LRT-1 extension. Ang Phase 1 ay pagtatayo ng mga istasyon mula sa Baclaran hanggang sa Dr. Santos Station sa Parañaque. May haba ang Phase 1 ng proyekto na 7 kilometro at mayroong limang istasyong itatayo. Tumulong na rin ang Department of Transportation (DOTr) sa pagkuha ng ROW sa mga daraanan ng proyekto.

Dahil sa mga pagkaantala, ang sinasabing pagbubukas ng mga istasyon sa Phase na inaasahan sa huling yugto ng 2021 ay mauurong na sa 2023.

Noong Agosto 2021, iniulat ni DOTr Secretary Arthur Tugade at ng Pangulo ng LRMC na si Juan Alfonso na ang pagtatayo ng Phase 1 ay nasa 60 porsiyento nang tapos. Ang daanan ng tren mula sa Parañaque River at Manila-Cavite Expressway (Cavitex) patungong Roxas Boulevard ay ginagawa na. Makokompleto raw ang viaduct na ito sa pagtatapos ng 2021. Pagkatapos ng pagtatayo ng daanan ng tren, uumpisahan na rin ng LRMC ang paglalagay ng riles at paglalagay ng electrical system sa linya.

Ang mga istasyon sa pagitan ng Baclaran hanggang Dr. Santos ay magiging operasyonal sa unang bahagi ng 2024 ngunit pinaplano na rin ng LRMC na magkaroon ng trial run simula Marso 2023.

Sa 2024 din sisimulan ang Phase 2 ng proyekto kung saan tatlong istasyon pa ang itatayo hanggang sa Bacoor, Cavite. Sa tantiya ng LRMC, magiging buo na ang operasyon ng LRT-1 hanggang sa Cavite sa ikalawang bahagi ng 2027.

Ayon din sa DOTr, ang pagtatayo ng LRT-1 extension ay nakalikha ng 1,600 na trabaho at inaasahang mas maraming oportunidad pa ang mabubuksan kapag natapos na ang proyekto.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.