Leni Robredo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang mabasa sa Ingles ang artikulo, tingnan ang [1]

Si Maria Leonor “Leni” Santo Tomas Gerona Robredo, higit na kilala sa pangalang Leni Robredo, ay isang Pilipinong manananggol, aktibista, at politiko na iprinoklama bilang ika-14 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. Siya ang ikalawang babaeng naging pangalawang pangulo, pagkatapos ni Gloria Macapagal-Arroyo, at ang pinakaunang pangalawang pangulo mula sa Rehiyong Bikol.[1]

Ang ika-14 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas na si Leni Robredo

Marami ang nananawagan sa pagtakbo ni Robredo bilang pangulo sa Halalan 2022 ngunit wala pang opisyal na pahayag mula sa kaniyang kampo ukol dito. Noong Hunyo 2021, ipinahayag din niya na bukás siya sa ideyang ito.[2]  

Simula ng Karera sa Politika

Napukaw ang pansin ng publiko kay Robrero noong 2012, pagkatapos ang kamatayan ng kaniyang asawang si Jesse Robredo, dating Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal [Interior and Local Government], nang bumagsak ang sinasakyan nitong eroplano sa baybayin ng Isla ng Masbate. Bago ang insidente, ang kaniyang pampublikong buhay ay kadalasang tungkol sa pagiging manananggol. Pagkatapos ng insidente, tumakbo si Robrero sa halalan noong 2013 at nanalo bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas [House of Representatives of the Philippines] para sa ika-16 Kongreso ng Pilipinas, ang posisyong kaniyang ginampanan hanggang siya ay pasinayaan bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2016.[1] [3] [4]

Hinirang na pangalawang pangulo ng Pilipinas si Robredo noong 2016 na may 14,418,817 kabuoang boto.[5]  

Personal na Buhay at Pamilya

Ipinanganak si Leni Robredo noong 23 Abril 1964 sa Naga, Camarines Sur. Panganay siya sa tatlong anak ng retiradong hukom na si Antonio Gerona at ni Salvacion Sto. Tomas.[1]

Nag-aral si Robredo sa Universidad de Sta. Isabel sa Lungsod Naga—nakapagtapos ng elementarya noong 1978 at sa mataas na paaralan noong 1982. Nakapagtapos siya ng kolehiyo ng ekonomika sa UP Paaralan sa Ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City noong 1986. Pagkatapos, kumuha siya ng master degree sa business administration sa Kolehiyo ng San Beda bago siya nag-aral ng batas sa Unibersidad ng Nueva Caceres (sa Lungsod Naga) at nakapagtapos noong 1992.[1]

Kilala si Robredo sa kaniyang payak na pamumuhay. Napangasawa niya ni Jesse Robredo, na nakilala niya habang siya ay nagtatrabaho sa Bicol River Basin Development Program, mula 1987 hanggang sa kamatayan nito noong 2012.

Noong 21 Agosto 2021, sa ika-9 taong anibersaryo ng kamatayan ni Jesse Robredo, ay hindi nakauwi si Leni Robredo sa Lungsod Naga upang dalawin ang puntod nito dahil na rin sa pandemya. Gayunman, naglunsad ang kaniyang kampo ng online mass para dito.[6]

Ang mag-asawa ay may tatlong anak: sina Jessica Marie, Janine Patricia, at Jillian Therese.[7]

Ang panganay niyang anak na si Jessica Marie “Aika” G. Robredo ay kasalukuyang executive director ng Restart Micro-Enterprise, Inc. Siya rin ang chairwoman ng Jesse M. Robredo Foundation, isang non-government organization na layuning itaguyod at ipagpatuloy ang mga simulain ng kaniyang namayapang ama, partular sa mabuting pamamahala at etikong pamumuno. Siya ay nakakuha ng full scholarship sa Harvard University’s John F. Kennedy School of Government for the Mid-Career Master in Public Administration Program noong 2017. [8] [9]

Si Leni Robredo kasama ang kaniyang mga anak

Ang pangalawang anak na si Janine Patricia G. Robredo ay isang lisensiyadong doktor na nakapagtapos ng Doctor of Medicine na may master’s degree sa Business Administration sa Ateneo School of Medicine and Public Health noong 2020.[10]

Ang bunsong anak na si Jillian Therese G. Robredo ay kasalukuyang nag-aaral bilang iskolar sa New York University. Nagtatrabaho rin siya bilang lab assistant sa nasabing unibersidad.[8] [11]

Bilang Abogado

Kung hindi pinasok ni Leni Robredo ang mundo ng politika, maaaring sinundan niya ang mga yapak ng kaniyang namayapang ama na si Antonio Gerona Sr., hukom sa regional trial court (RTC) ng Lungsod Naga. Malaki ang posibilidad na naging hukom din si Robredo sa alinmang RTC sa Rehiyong Bicol dahil isa siya sa mga nakasama sa listahan na maging presiding judge nito. Gayunman, binawi niya ang kaniyang nominasyon at nag-apply bilang hukom sa Quezon City RTC upang makasama ang kaniyang mga anak sa lungsod. Ngunit hindi natuloy ang planong ito nang kinailangan niyang tumakbo sa Kongreso bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.[4]

Bilang abogado, nakatuon si Robredo sa mga kasong kinasasangkutan ng mga nasa “laylayan” ng lipunan. May koneksiyon siya sa Sentro ng Alternatibong Lingap Pang Legal (Naga Chapter), pangkat ng mga abogado na tumutulong sa mga magsasaka.[4]

Itinatag din ni Robredo ang Lakas ng Kababaihan ng Naga. Dati rin siyang tagapangulo ng Naga City Council for Women. Kasapi rin siya ng Federacion International de Abogados.[4]

Yaman ni Robredo

Noong nasa Kongreso pa, si Leni Robredo ang isa sa pinakamahirap na miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas batay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Siya ay may net worth na 8.03 milyong piso noong 2014. Mas mababa ito sa idineklara niyang SALN noong 2013 na may net worth na 8.29 milyong piso.[12]

Habang siya ang pangalawang pangulo ng bansa, ang idineklara niyang SALN ay 11.05 milyong piso noong Hunyo 2016; 1.11 milyong piso noong 2017 (bumaba ito dahil sa mga gastusin niya laban sa electoral protest ng nakalaban niya sa pagka-pangalawang pangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.); 7.35 milyong piso noong 2018; 8.57 milyong piso noong 2019); 23.8 milyong piso noong 2020 (ang pagtaas ay dahil napasama na rito ang 16.68 milyong namana niya sa kaniyang ina. [13] [14]

Lamáng kay Marcos

Noong Halalan 2016, mahigpit na katunggali ni Robredo (14,418,817 kabuoang boto) sa pagka-pangalawang pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (14,155,344 kabuoang boto). Ang 263,473 na lamang ni Robredo ay iprinotesta ni Marcos. Agad na umapela si Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ng Korte Suprema at hiniling na ipawalang-bisa ang botohan sa tatlong lalawigan sa Mindanao (Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao) dahil sa talamak na panlilinlang at terorismo ngunit hindi na ito pinagbigyan ng korte sapagkat nauna nang nagkaroon ng recount sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental, na unang hiniling ni Marcos ngunit hindi rin pumabor sa kaniya ang bilang ng boto.[5] [15]

Masalimuot ang pinagdaanan ng electoral protest na ito ni Marcos.[16]

Noong 16 Pebrero 2021, nagdesisyon na ang PET na tuluyan nang i-dismiss ang election protest ni Marcos, gayundin ang counter-protest ni Robredo. Mababasa ito sa 93-pahinang desisyon ng PET na isinapubliko lamang noong Abril 2021.[16]

Angat Buhay

Si Pangalawang Pangulong Leni Robredo sa ASEAN Disability Forum (ADF) Conference noong 2017

Bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas, itinaguyod ni Leni Robredo ang proyektong Angat Buhay na tumutulong sa mahihirap na Pilipino sa Kamaynilaan at sa malalayong lalawigan. Ito ang programa ni Robredo laban sa kahirapan. Nagsisilbing tulay ang Angat Buhay sa iba’t ibang organisasyon na nais makatulong sa mahihirap.[17]

Mga Hakbang sa Pagsugpo ng COVID-19

Sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19, masigasig si Leni Robredo sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan. Ilan sa mga proyekto niya at ng Angat Buhay ay ang sumusunod:

  • Vaccine Express para sa pagbabakuna ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan at ng mga delivery rider; [18]
  • Bayanihan E-Konsulta na libreng konsultasyon para sa outpatient cases sa Kamaynilaan at karatig na lugar na walang akses sa doktor o telecommunication platforms at namamahagi rin sila ng COVID-19 Care Kit; [19]
  • Bayanihan e-Skwela na umaagapay sa mga mag-aaral, mga guro, at mga magulang sa mga pagbabago sa sistema ng edukasyon dahil sa pandemya. Sa ilalim nito, nakapagpatayo ng Community Learning Hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa katuwang ang mga lokal na pamahalaan at pribadong indibidwal.[18]
  • Community Mart at Bayanihan Mart na tumutulong sa mga tindera at tricycle driver para sa pagdedeliver ng kanilang mga paninda at serbisyo gamit ang online app; at[18]
  • Bayanihanapbuhay, sa pakikipagtulungan ng isang online job protal, na nag-uugnay sa mga lokal na kompanya sa mga aplikante. [18]

Mga Kontrobersiya sa Administrasyon ni Duterte

Hindi lingid sa publiko ang mga pasaring ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo sa kanilang buong termino.

Noong 2016, itinalaga ni Duterte si Robredo bilang tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Gayunman, sa taon ding iyon ay nagbitiw si Robredo sa kaniyang posisyon sa HUDCC na nag-ugat sa utos ng pangulo na huwag pasasamahin si Robredo sa anumang pagpupulong ng kaniyang gabinete. Sa paniwala rin ni Robredo, binalak siyang pababain noon sa puwesto bilang pangalawang pangulo dahil na rin sa “irreconcilable differences” nila ni Duterte. Hindi rin magkaalyado ang dalawa.[20] [21]

Noong 6 Nobyembre 2019, inatasan ni Duterte si Robredo na maging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs. Mariing tinutuligsa ni Robredo ang madugong “war on drugs” ng pangulo. Makalipas ang ilang araw, pinatalsik din siya ni Duterte sa puwestong ito matapos ang mga pagbabanta.[22]

Kahit walang posisyon sa gabinete, ipinagpatuloy ni Robredo ang kaniyang mga programa sa ilalim ng Angat Buhay sa tulong na rin ng mga pribadong sektor.

Mga Parangal at Pagkilala

Nakatanggap si Robredo ng Special Award for Public Service mula sa People of the Year 2021 dahil sa kaniyang masigasig na pagtataguyod ng programang Angat Buhay at ng Tanggapan ng Ikalawang Pangulo, lalo na sa pagtugon nito sa COVID-19.[23]

Binigyan din si Robredo ng mataas na pagkilala ni Her Royal Highness Princess Maha Chakri Srinidon ng Thailand bilang “Honorary Outstanding Woman Award of the Year 2016” dahil sa kaniyang pagsuporta sa kababaihan at pagtataguyod ng pagkakapantya-pantay ng kasarian.[24]

Noong 2016, pinarangalan din si Robredo bilang “Most Influential Filipina Woman of the World Award” mula sa Filipina Women’s Network, isang non-government organization. Kinilala nito ang aktibong pakikibahagi ni Robredo sa Sentro ng Alternatibong Lingap Panligan, isang advocacy-based law firm sa Naga City.[25]

Isa rin si Robredo sa mga mga awardee ng 100 Most Influential Filipina Women in the World sa ika-13 Filipino Leadership Global Summit noong 2013. Nakatanggap siya ng Nicole Award, ibinibigay sa kababaihang Pilipino na nagsilbing inspirasyon sa iba na kumilos at baguhin ang pananaw ng lipunan ukol sa mga tradisyonal na paniniwala at kaugalian.[26]

Robredo kay PNoy

Nang namayapa si dating Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III noong 24 Hunyo 2021, isa si Leni Robredo sa mga nagluksa at agad na nagpahatid ng pakikiramay sa mga naulila nito. [27]

“Nakakadurog ng puso ang balitang wala na si Pnoy. Mabuti siyang kaibigan at tapat na Pangulo.” - Leni Robredo sa Twitter post nito noong 24 Hunyo 2021. [27]

Dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Roxas-Robredo Miting de Avance noong Halalan 2016  

Ibinahagi rin ni Robredo kung paano siya natulungan ng dating pangulo noong namayapa ang kaniyang asawang si Jesse. Nakasama niya ito sa pinakamadlim na yugto ng buhay ng kaniyang pamilya.[27]  

Pagtakbo Bilang Pangulo

Sa unang kuwarter ng 2021, ipinahayag ni Senator Francis Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, na kinokonsidera nila si Robredo bilang standard bearer sa Halalan 2022. Ayon sa paliwanag ni Pangilinan, marapat lamang na ikonsidera nila si Robredo dahil ito ang kanilang miyembro na may pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Paliwanag pa ng senador, bagama’t nagpahayag na si Robredo na wala pa siyang desisyon sa pagtakbo bilang pangulo ay marami pa rin ang posibleng magbago sa desisyon nito. May online petition din na kumalat upang lalong mahikayat si Robredo na tumakbo bilang pangulo ng bansa.[28]

Noong Mayo 2021, umugong ang balita na may balak umanong tumakbo si Robredo bilang gobernador ng Camarines Sur sa Halalan 2022. Ito ay matapos ipahayag ni dating Senador Antonio Trillanes III na siya ang hahalili kay Robredo bilang kandidato sa pagkapangulo sa ilalim ng koalisyong 1SAMBAYANAN kung hindi ito ang tatakbong pangulo. Gayunman, agad itong pinabulaanan ng kampo ni Robredo.[29][2]

Wala pa mang opisyal na pahayag sa kaniyang pagtakbo, sinabi na ni Robredo na bukás siya sa ideya ng pagtakbo bilang pangulo sa Halalan 2022.[2]

Noong 6 Setyembre 2021, ipinahayag ni Robredo na maaari niyang suportahan ang tambalang Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno para malabanan ang kasalukuyang administrasyon. Nagkaroon ng pagpupulong ang tatlo noong 12 Setyembre 2021. Inamin din ito ni Moreno sa isang panayam. [30] [31]

Gayunman, noong 19 Setyembre 2021, nagsagawa ng pambansang asemblea ang PDP-Laban na paksiyon nina Pacquiao at Senador Aquilino “Koko” Pimentel III kung saan inianunsiyo ang pagtakbo ni Pacquiao bilang pangulo sa Halalan 2022. [32] Samantala, opisyal na nagdeklara ng kandidaturya bilang pangulo si Moreno noong 22 Setyembre 2021, katambal si Dr. Willie Ong bilang pangalawang pangulo. [33]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Inquirer Research. “Who is Leni Robredo.” Inquirer.net, 29 Hunyo 2016.https://newsinfo.inquirer.net/793139/profile-leni-robredo. Accessed 17 Agosto 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 Neil Arwin Mercado. “Villafuerte ‘99.9%’ sure Robredo will not run for governor of Camarines Sur.” Inquirer.net, 30 Hunyo 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1453688/villafuerte-99-9-sure-robredo-will-not-run-for-governor-of-camarines-sur. Accessed 17 Agosto 2021.
  3. “Biography.” Office of the Vice President. https://ovp.gov.ph/content/biography. Accessed 17 Agosto 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 Reynaldo Santos Jr. “8 things to know about Leni Robredo.” Rappler, 8 Oktubre 2015. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/fast-facts-leni-robredo. Accessed 17 Agosto 2021.
  5. 5.0 5.1 Patty Pasion. “Robredo wins as VP on late husband’s birthday.” Rappler, 27 Mayo 2016. https://www.rappler.com/nation/elections/canvassing-last-day-duterte-robredo-win. Accessed 17 Agosto 2021.
  6. Mara Cepeda. “‘He never left:’ Leni Robredo, daughters mark 9 years after Jesse’s death.” Rappler, 18 Agosto 2021. https://www.rappler.com/nation/leni-robredo-daughters-mark-jesse-death-anniversary-august-18-2021. Accessed 23 Agosto 2021.
  7. “How Leni Robredo sent kids to Harvard, NYU, Ateneo.” GMA News Online, 5 Marso 2021. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/778526/robredo-says-children-finished-studies-through-scholarships/story/. Accessed 17 Agosto 2021.
  8. 8.0 8.1 Rose-An Jessica Dioquino. “Robredo in Boston to help Harvard-bound firstborn Aika settle in.” GMA News Online, 21 Hunyo 2017. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/615357/robredo-in-boston-to-help-harvard-bound-firstborn-aika-settle-in/story/. Accessed 17 Agosto 2021.
  9. “Ms. Jessica Marie “Aika” M. Robredo.” Jesse Institute. https://jesserobredoinstitute.com/instructors/jessica-marie-aika-m-robredo. Accessed 17 Agosto 2021.
  10. Jane Kingsu-Cheng. “VP Robredo announces daughter Patricia is now a doctor.” Manila Bulletin, 26 Nobyembre 2020. https://mb.com.ph/2020/11/26/vp-robredo-announces-daughter-patricia-is-now-a-doctor/. Accessed 17 Agosto 2021.
  11. Joahna Lei Casilao. “How Leni Robredo sent kids to Harvard, NYU, Ateneo.” GMA News Online, 5 Marso 2021. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/778526/robredo-says-children-finished-studies-through-scholarships/story/. Accessed 17 Agosto 2021.
  12. “Robredo P7.7 million poorer due to loans for PET case.” Philstar.net, 16 Mayo 2018.https://www.philstar.com/headlines/2018/05/16/1815745/robredo-p77-million-poorer-due-loans-pet-case. Accessed 17 Agosto 2021.
  13. Chad de Guzman. “Robredo's 2017 net worth down to ₱1.1-M after poll protest payment.” CNN Philippines, 16 Mayo 2018. https://cnnphilippines.com/news/2018/05/16/leni-robredo-2017-SALN.html. Accessed 17 Agosto 2021.
  14. Mara Cepeda. “Robredo’s net worth grows to P3.5 million in 2019.” Rappler, 6 Setyembre 2020. https://www.rappler.com/nation/leni-robredo-net-worth-saln-2019. Accessed 17 Agosto 2021.
  15. Lian Buan. “Bongbong Marcos insists on Mindanao fraud as he appeals lost VP case.” Rappler, 11 Mayo 2021. https://www.rappler.com/nation/bongbong-marcos-appeals-lost-vp-electoral-protest-may-2021. Accessed 17 Agosto 2021.
  16. 16.0 16.1 Benjamin Pulta. “PET releases text of Marcos-Robredo electoral protest decision.” Philippine News Agency, 19 Abril 2021. https://www.pna.gov.ph/articles/1137299. Accessed 17 Agosto 2021.
  17. https://www.facebook.com/AngatBuhayPH. Accessed 17 Agosto 2021.
  18. 18.0 18.1 18.2 18.3 https://www.facebook.com/VPLeniRobredoPH/. Accessed 17 Agosto 2021.
  19. Facebook. https://www.facebook.com/OVPBayanihanEKonsulta. Accessed 17 Agosto 2021.
  20. Nestor Corrales. “Duterte appoints Robredo as HUDC chief.” Inquirer.net, 7 Hulyo 2016. https://newsinfo.inquirer.net/794898/duterte-appoints-robredo-as-hudcc-chief. Accessed 17 Agosto 2021.
  21. Reuters Staff. “Philippines vice president quits cabinet, citing plot to ‘steel’ job.” Reuters, 4 Disyembre 2016. https://www.reuters.com/article/us-philippines-politics-idUSKBN13T0IM. Accessed 17 Agosto 2021.
  22. CNN Philippines Staff. “TIMELINE: VP Robredo’s short stint as anti-drug body co-chair.” CNN Philippines, 25 Nobyembre 2019. https://cnnphilippines.com/news/2019/11/25/Leni-Robredo-as-anti-drug-czar-ICAD.html. Accessed 17 Agosto 2021.
  23. “Robredo, Lopez, Sotto bag public service awards at People of the Year 2021.” GMA News Online, 12 Abril 2021. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/783435/robredo-lopez-sotto-bag-public-service-awards-at-people-of-the-year-2021/story/. Accessed 23 Agosto 2021.
  24. Patty Pasion. “Robredo honored as 'outstanding woman' in Southeast Asia.” Rappler, 2 Agosto 2016. https://www.rappler.com/nation/thailand-award-leni-robredo-women-empowerment. 23 Agosto 2021.
  25. “NGO names VP Robredo as "Most Influential Filipina.” Spot.ph, 24 Agosto 2016. https://www.spot.ph/newsfeatures/the-latest-news-features/67528/robredo-most-influential-filipina-woman-of-the-world-a00171-20160824. Accessed 23 Agosto 2021.
  26. “Philippines VP Leni Robredo: It's Not About Who Rules The World.” FWN Global 100, 30 Agosto 2016. https://www.filipinasummit.org/blog/philippines-vp-leni-robredo-its-not-about-who-rules-the-world. Accessed 23 Agosto 2021.
  27. 27.0 27.1 27.2 Rambo Talabong. “Robredo on Aquino: 'He tried to do what was right' even if unpopular.” Rappler, 24 Hunyo 2021. https://www.rappler.com/nation/leni-robredo-statement-noynoy-aquino-death. Accessed 17 Agosto 2021.
  28. “Liberal Party Considering Robredo as 2022 presidential bet.” Philstar.com, 4 Pebrero 2021. https://www.philstar.com/headlines/2021/02/04/2075351/liberal-party-considering-robredo-2022-presidential-bet. Accessed 17 Agosto 2021.
  29. “Trillanes eyeing presidency if Robredo not running as coalition’s candidate.” ABS-CBN News, 12 Mayo 2021. https://news.abs-cbn.com/news/05/12/21/antonio-trillanes-president-replace-leni-robredo-1sambayan-2022-elections. Accessed 17 Agosto 2021.
  30. Gabriel Pabico Lalu. “Robredo to back Isko-Pacquiao tandem if it will bring end to current regime.” Inquirer.net, 6 Setyembre 2021.https://newsinfo.inquirer.net/1484064/robredo-ready-to-support-isko-pacquiao-tandem-if-that-would-end-current-governance. Accessed 21 Setyembre 2021.
  31. Pia Ranada. “Isko talks to Pacquiao as Leni tries to unify non-admin bets.” Rappler, 14 Setyembre 2021.https://www.rappler.com/newsbreak/inside-track/isko-moreno-talks-to-pacquiao-leni-robredo-tries-unify-non-administration-bets-2022. Accessed 21 Setyembre 2021.
  32. Aika Rey. “Manny Pacquiao to run for president in 2022.” Rappler, 19 Setyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/manny-pacquiao-run-president-2022. Accessed 21 Setyembre 2021.
  33. Rappler. “LIVE UPDATES: Isko Moreno launches 2022 candidacy for president.” Rappler, 22 Setyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/updates-isko-moreno-launches-candidacy-president-2022. Accessed 24 Setyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.