Leni Lugaw

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang “Leni Lugaw” ay isang sumikat na termino online bilang bahagi ng bashing at pagkontra kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo. Nagsimulang ipantawag kay Robredo ang “Leni Lugaw” ng mga troll at ilang taga-suporta ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa nag-viral na larawan ng mga taga-suporta niya noong kampanya para sa Halalan 2016.

Kalaunan, sa halip na mainis sa naging taguri sa kaniya, niyakap ni Robredo ang “Leni Lugaw” bilang bahagi ng ilan sa kaniyang mga proyekto, higit kung may kalamidad sa bansa at kailangan ng feeding program, at paraan ng pagsagot sa mga nakukuhang panglalait mula sa mga kritiko.

Simula ng “Leni Lugaw”

“Leni Lugaw” o “Lugaw Queen” ang naging bansag kay Leni Robredo ng kaniyang mga basher at troll sa internet dahil isa ito sa mga naging paraan bilang pagsuporta ng ilang naniniwala kay Robredo noong tumakbo ito bilang pangalawang pangulo noong Halalan 2016.

Nag-viral sa social media ang ilang larawan ng taga-suporta ni Robredo na nagtitinda ng lugaw upang makakalap ng pondo para sa kampanya noong 2016. Nagwagi si Robredo sa eleksiyon at nakuha ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan sa bansa.

Dahil nabahiran ng kontrobersiya ang pagkapanalo ni Robredo dahil sa di umano’y dayaan at sa magkaibang partido nila ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagkaroon ng inis kay Robredo ang ilang netizen at taga-suporta ng administrasyon at ginamit ang “Leni Lugaw” bilang taguri sa kaniya.

Proyektong “Leni Lugaw”

Alam ni Robredo ang bansag na ito ng mga hindi naniniwala sa kaniya, lalo na sa mga taga-suporta ni dating Senador Bongbong Marcos na naghain ng petisyon sa di umano’y dayaan noong Halalan 2016 kung saan mahigpit na magkalaban ang dalawa. Ngunit kilalang hindi pumapatol sa mga basher at troll si Robredo at sa halip ay ginagawa pang positibo ang mga ibinabato sa kaniya, kabilang ang taguring “Leni Lugaw.”

Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na walang problema sa kaniya ang taguring “Leni Lugaw.” Gustong-gusto niya raw ang taguring ito dahil napaka-Pilipino umanong pakingan. Nagbiro pa nga si Robredo na baka magtayo pa siya ng lugawan sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Kalaunan, sa ginawang feeding program at pamimigay ng relief packs sa Batangas at Cavite noong Enero 2021, nang pumutok ang Bulkang Taal, nag-viral muli ang “Leni Lugaw” bilang isang positibong proyekto para sa kampo ni Robredo at hindi bilang bahagi ng paninira sa kaniya.

Literal na namigay ng tasa ng lugaw si Robredo sa mga apektadong residente sa Batangas at Cavite. Sa kalagitnaan ng pamimigay ng lugaw, hinawakan ni Robredo ang isang karatulang nagsasabing “Lugaw Leni” at nagpakuha ng larawan na agad namang nag-viral sa social media.

Kasabay ng pamimigay ng lugaw, namigay rin si Robredo at ang kaniyang pangkat ng 1,500 food packs, hygiene kits, sleeping mats, at mga kumot noong araw na iyon.

Ang pagpapakuha ni Robredo ng larawan kasama ang karatulang “Lugaw Leni” ay nagmistulang sagot niya sa kumakalat na pekeng balita sa ipinamigay umanong ayuda ng kampo niya sa mga nasalanta ng Bulkang Taal. Unang kumalat sa Facebook page na Mocha Uson Blog ang balitang limang pirasong pandesal at isang bote ng tubig lamang ang ipinamigay umano ng kampo ni Robredo. Kaya naman noong araw na iyon, para pabulaanan ang malisyosong balita, sadyang namigay rin si Robredo ng pandesal kasama ng lugaw at relief goods.

Dahil din sa naging tanyag na ang “Leni Lugaw,” lagi nang ginagawa ng kampo ni Robredo ang pagpapakain ng lugaw sa mga lugar na nasalanta ng mga kalamidad. Noong 2020, dinalaw ni Robredo ang mga nasalanta ng Bagyong Ulysses at isang netizen ang nagtanong sa kaniya kung may dala raw ba silang lugaw dahil siguradong hahanapin ito ng mga basher niya. Magiliw na sumagot si Robredo at sinabing mayroon silang dalang lugaw.

Noong 2021, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-57 kaarawan ni Robredo, namigay ang mga tagasuporta niya ng lugaw sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Kontrobersiyang “hindi essential si Lugaw”

Muling umingay ang “Leni Lugaw” bilang pambabatikos kay Robredo nang magsimula ang ikalawang enhanced community quarantine (ECQ) sa Pilipinas. Noong Abril 2021, hinarang ng ilang opisyal ng Barangay Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan ang isang food delivery rider na maghahatid ng lugaw sa mga oras na umiiral ang curfew sa lalawigan. Naging kontrobersiyal ang nasabing paninita nang sabihin ng barangay officer na “hindi essential si lugaw” kahit pagkain ito at kasama sa pinapayagang i-deliver kahit may curfew.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III na tama raw ang barangay official sa sinabing “hindi essential si lugaw.” Binigyang-diin ni Densing sa kaniyang post ang ginamit na pantukoy na “si” sa halip na “ang.” Dahil “si” ang ginamit, marami ang nagsabi na si Robredo ang pinatatamaan ni Densing sa kaniyang post. Nagbigay rin ng pahayag si Densing sa media at pinanindigan ang sinabi sa kaniyang social media account.

"Tama iyong sinabi niya, non-essential si lugaw. Pero kung sinabi niya, essential ang lugaw, tama 'yon. Ang lugaw. Pero si lugaw ang binanggit niya. Non-essential talaga 'yon sa paningin namin."

Sumagot naman ang kampo ni Robredo sa paratang na hindi essential ang pangalawang pangulo. Ayon kay VP Spokesman Barry Gutierrez, sinabihan niyang si Densing ang tunay na hindi essential at pabigat dahil sa patuloy na paglala ng bansa sa kinahaharap na pandemya. Sa halip daw na nagtatrabaho ang mga katulad ni Densing, nakukuha pa raw nitong magbiro at manira ng tao sa kabila ng milyon-milyong Pilipinong apektado ng pandemya.

Dalawang linggo matapos ang banat ni Densing kay Robredo, nag-post ang pangalawang pangulo sa kaniyang Facebook account ng larawan ng lugaw at tokwa’t baboy. Ayon sa post, ito raw ang pagkain niya bilang volunteer chat agent ng Bayanihan E-Konsulta na proyekto rin ng kaniyang tanggapan. Sabi ng mga netizen, ang pagpo-post daw ng lugaw ay maaaring pahiwatig ni Robredo na hindi siya naaapektuhan ng mga naninira sa kaniya.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.