Leksikograpo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tinatawag na leksikograpo ang taong manunulat ng diksiyonaryo o tagatipon ng mga salita para dito. Ang mga misyonerong Espanyol ang unang leksikograpo sa Pilipinas.

Noong sinakop ng mga Espanyol ang ating bansa, naging balakid ang wika sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Dahil isa sa mga pangunahing layunin nila ay maipalaganap ang kanilang relihiyon sa Pilipinas, minabuti nilang pag-aralan at tipunin ang mga salita o termino mula sa iba’t ibang wika sa bansa. Ang mga wikang ito ay kanilang binaybay gamit ang wikang Spanish na nakasulat sa Romanisadong paraan. Alalahanin na ang mga Pilipino noon ay may katubong paraan na ng pagsusulat tulad ng baybayin.

Mga Unang Batayang Pangwika

Maraming prayle mula sa iba’t ibang ordeng panrelihiyon ang nagsumikap na matutuhan ang iba’t ibang wika sa Pilipinas, tulad ng Tagalog, Kapampangan, at Bikolano.

Sa mga nailimbag na aklat ukol sa bokabularyo at gramatikang Tagalog, ang Vocabulario de la lengua tagala (1754) ang pangunahing sanggunian sa paglilimbag noon ng mga katutubong tula. Pangunahing sanggunian din ito ng mga mananaliksik ukol sa wika at panitikan. Kabilang sa mga nagtipon ng mga salita rito ay sina Fray Juan Jose de Noceda at Fray Pedro de Sanlucar.

Itinuturing naman ang Arte y Reglas de la Lengua Pampanga (1651) bilang pinakamatandang sanggunian ng wika at gramatikang Kapampangan na tinipon ni Fray Francisco Coronel. Habang isang mahalagang talaan naman ng mga salitang Bikolano ang Vocabulario de la Lengua Bicol (1754) ni Fray Marcos de Lisboa.

Bukod sa matagumpay na pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa bansa, nakatulong din ang mga prayle na maitala ang mga katutubong salita sa Pilipinas na nagpapayaman sa ating wikang pambansa.

Sanggunian

Fernández Rodríguez, Rebeca. 2013. “New dating of the Iloko manuscript lexicography.” History and Philosophy of the Language Sciences, 2013. https://hiphilangsci.net/2013/12/11/new-dating-of-the-iloko-manuscript-lexicography/. Accessed 11 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.