Leila de Lima

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Leila de Lima HD.png

Si Leila Norma Eulalia Josefa Magistrado de Lima (isinilang noong 27 Agosto 1959) na kilala rin bilang Leila de Lima ay isang Pilipinong politiko, abogado, propesor, at tagapagtanggol ng karapatang pantao na nagsisilbing senador ng Pilipinas simula 2016.

Siya ay naging chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) mula 2008 hanggang 2010. Naupo naman siya bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) mula 2010 hanggang 2015.

Kilala ring kritiko si de Lima ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naaresto siya noong 2017 dahil sa mga akusasyong nag-uugnay sa kaniya sa bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison. Ilang buwan matapos makulong, pinarangalan naman siya ng prestihiyosong Prize for Freedom.

Personal na buhay

Si Leila de Lima ay isinilang noong 27 Agosto 1959 sa Iriga, Camarines Sur. Anak siya ni dating COMELEC Commissioner Vicente de Lima at ni Norma Magistrado. Napabalitang tiyahin ni de Lima si Julie de Lima na asawa naman ng lider ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison. Gayunman, sa isang panayam, sinabi ni de Lima na isang malayong kamag-anak si Julie. Kinailangan pa raw itanong ni de Lima sa kaniyang ama kung ano ang ugnayan nila kay Julie at sinabing isang malayong kamag-anak ito.

Si de Lima ay nag-aral sa mga paaralang Katoliko sa kanilang lalawigan at laging nagtatapos na nangunguna sa kanilang klase o valedictorian. Noong 1980, natapos ni de Lima ang kaniyang kursong History sa De La Salle University. Nagtapos naman siya bilang salutatorian ng Bachelor of Laws sa San Beda College of Law noong 1985. Noong taong ding iyon, nakapasa si de Lima sa Philippine Bar Examinations na may 86.26% bar rating at ika-8 sa top notchers.

Si de Lima ay ikinasal kay Plaridel Bohol at mayroong dalawang anak na lalaking sina Israel at Vincent Joshua. Mayroon din siyang dalawang apo na sina Brandon at Hannah.

Karera

Pag-uumpisa bilang abogado

Pagkatapos maging ganap na abogado, pumasok si de Lima bilang bahagi ng tanggapan ni Supreme Court Associate Justice Isagani Cruz mula 1986 hanggang 1989. Pumasok din siya bilang sekretarya sa House of Representatives Electoral Tribunal simula 1993 hanggang 1995. Naging propesor din siya sa pag-aabogasya at nagturo ng Election Law, Business Organizations, Persons and Family Relations, Transportation Law, at Statutory Construction simula 1986 hanggang 2007.

Commission on Human Rights

Sa pamumuno ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naupo si de Lima bilang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) mula 2008 hanggang 2010. Sa pag-upo ni de Lima sa CHR, sinasabing nabuhay ang pakikipaglaban sa karapatang pantao matapos harapin ng komisyon ang malalaking kasong may kinalaman sa extrajudicial killings, pagdukot at pagkawala, at iba pang paglabag sa karapatang pantaong nagaganap sa bansa. Kasama ni de Lima sa komisyon ang mga batang abogado at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ilan sa mga hinarap ni de Lima bilang pinuno ng CHR ay ang Davao death squads, kaso ni Jovito Palparan, at ang madugong Maguindanao massacre.

Bilang kalihim ng DOJ

Inalok ni Pangulong Benigno S. Aquino III si de Lima upang maging kalihim ng Department of Justice (DOJ). Tinanggap naman niya ang posisyon at opisyal na naging bahagi ng gabinete ni Aquino. Sa kaniyang pamumuno, naharap ang DOJ sa iba’t ibang malaking kaso kabilang ang Manila Hostage Crisis kung saan walong Hong Kong nationals ang pinatay. Siya rin ang nanguna sa kaso ng hindi wastong paggamit ng PDAF, paghalughog sa mga kulungan kung saan namumuhay nang marangya ang ilang high-profile inmate at nagpapatuloy pa rin ang bentahan ng iligal na droga.

Sa panahon din ni de Lima naalis ang Pilipinas sa US Human Trafficking Watchlist. Gayunman, naharap din si de Lima sa kontrobersiya nang manghimasok ito sa isyu ng Iglesia Ni Cristo tungkol sa kanilang pamunuan.

Senado

Tumakbo si de Lima bilang senador sa ilalim ng Koalisyon ng Daang Matuwid noong eleksiyon 2016. Nagwagi siya at nakuha ang ika-12 puwesto matapos magkamit ng higit 14 milyong boto. Sa mga unang buwan ni de Lima bilang senador, isa siya sa mga naging kritiko ng war on drugs ng administrasyong Duterte dahil sa malagim na pagpatay sa mga suspek.

Noong 17 Agosto 2016, inakusahan ni Duterte si de Lima na mayroong relasyon sa kaniyang drayber na si Ronnie Dayan na siya rin daw kolektor ng perang nakukuha ni de Lima sa mula sa pagprotekta sa mga tulak ng droga noong siya ay kalihim pa ng DOJ. Pinaratangan din ni Duterte si Dayan na gumagamit ng iligal na droga. Sinabi rin ng pangulo na mayroon siyang wiretaps at ATM records na magpapatunay sa mga alegasyon niya kay de Lima.

Tinanggal si de Lima bilang chairman ng Senate Justice and Human Rights committee na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings sa giyera kontra droga. Inamin ni de Lima na nagkaroon sila ng relasyon ni Dayan noon. Nagtago si Dayan upang hindi madakip ngunit nahuli rin matapos ng ilang araw.

Tumestigo naman laban kay de Lima si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at sinabing nakinabang si de Lima sa iligal na pagbebenta ng droga ng anak niyang si Kerwin Esponisa. Kalaunan ay tumestigo rin si Kerwin at sinabing nakakuha si de Lima ng ₱8 milyong piso mula sa kaniya na ginamit ng senadora sa kaniyang kampanya.

Pagkakakulong

Patuloy na nakatatanggap ng mga papuri si de Lima mula sa iba’t ibang kilalang personalidad ng human rights sa mundo dahil sa patuloy nitong paglaban sa administrasyong Duterte sa kabila ng nakukuha nitong panggigipit.

Noong  23 Pebrero 2017, naglabas ng arrest warrant ang Muntinlupa Regional Trial Court ng arrest warrant laban kay de Lima dahil sa kasong paglabag sa drug trafficking law. Nadiin si de Lima dahil sa mga alegasyong nakinabang siya ng milyon-milyong piso mula sa pagtatakip ng mga transaksiyong may kinalaman sa iligal na droga noong siya ay kalihim pa ng DOJ.

Kinabukasan, sumuko si de Lima sa Philippine National Police (PNP). Ayon kay de Lima, sumuko siya dahil naniniwala siyang wala siyang dapat ikatakot. Karangalan daw niyang makulong dahil sa kaniyang mga ipinaglalaban.

“Sasama na po ako sa kanila voluntarily. Nananalig po ako sa Diyos na malalampasan ko po ito. It's my honor to be jailed for the principles I am fighting for.”

Dinala si de Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Lungsod Quezon. Naghain si de Lima ng petisyon sa Supreme Court en banc para ipawalang bisa ang arrest warrant laban sa kaniya. Ngunit noong 10 October 2017 ay ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon matapos ang botohang 9-6.

Mga panawagan para palayain si de Lima

Ilang buwan matapos makulong si de Lima, dinalaw siya ng 12 delegado ng European Union (EU) sa Kampo Krame. Tumagal ang pagbisita kay de Lima ng isang oras at kalahati. Sa isang panayam, sinabi ng isa sa mga delegadong dumalaw na bagaman ay ayos lamang ang senadora sa loob ng piitan, mas gusto raw nitong makasama ang kaniyang pamilya at magampanan ang kaniyang trabaho bilang senador. Bago dumalaw, nanawagan noong Marso 2017 ang European Parliament na palayain si de Lima.

Noong Setyembre 2017, nahuli ni Senadora Risa Hontiveros si Justice Secretary VitalIano Aguirre II na gumagawa ng mga pekeng akusasyon laban sa kaniya sa pamamagitan ng text messages. Ganito rin umano ang ginawa ni Aguirre kay de Lima para makulong ito.

Noong 5 Hunyo 2020, ipinanawagan ng Amnesty International ang pagpapalaya kay de Lima upang magampanan nito ang kaniyang tungkulin bilang senador ng bansa.

Mga pahayag kahit nakakulong

Kahit nasa kulungan, patuloy pa rin ang pagbibigay ng pahayag at pamumuna ni de Lima lalo na para sa administrasyong Duterte. Noong Oktubre 2017, makailang ulit na nagbigay ng pahayag ang senadora dahil sa 14,000 Pilipinong nasawi dahil sa giyera kontra droga ng administrasyon.

Naglabas din ng kaniyang pagkabahala si de Lima dahil sa pagkakalubog ng Pilipinas sa utang sa China. Ayon sa kaniya, hindi malabong maging katulad ng Pilipinas ang sinapit ng mga bansang Sri Lanka, Myanmar, Malaysia, at Cambodia na nabaon sa utang sa China kaya nagkaroon ng kontrol sa ekonomiya ang pamahalaan ng China sa mga bansang ito.

Pinuna rin ni de Lima ang paglobo ng utang ng Pilipinas sa ₱6.6 trilyon at ang debt-to-GPD ration ng bansa ay nasa 36.4%. Sinabi rin ni de Lima na si Duterte raw ay patuloy na nagpapaapi sa pamahalaan ng China sa usapin ng West Philippine Sea at Philippine Rise.

Nakapaglabas din si de Lima ng isang ebook na pinamagatang Dispatches from Crame I na naglalaman ng mga sulat at pahayag ni de Lima sa kaniyang unang taong pagkakabalinggo. Inilunsad ang aklat noong 23 Pebrero 2017 bilang anibersaryo ng kaniyang pagkakabilanggo. Kasabay nito ay pagsasagawa ng kilos protesta ng mga tagasuporta ni de Lima.

Noong 4 Abril 2018, naghain si de Lima ng dismissal para sa kasong isinampa laban kay noon ay Chief Justice Maria Lourdes Serreno na nahaharap sa impeachment na inihain naman ng mga kaalyado ni Duterte.

Hindi naman pinagbigyan ng Muntinlupa court ang petisyon ni de Lima na makadalo siya sa pagtatapos ng anak niyang si Vincent sa Law school. Noong 30 Mayo 2018, naghain ng apela si de Lima sa ginawang pagbasura sa kaniyang petisyong makadalo sa pagtatapos ng anak tulad ng pagpayag ng Sandiganbayan sa noon ay nakakulong na si Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder na dumalo sa pagtatapos ng anak nito noong 2015.  

Naghain naman ng resolusyon si de Lima upang magkaroon ng imbestigasyon sa di umano’y pagpopondo ng pamahalaan para sa paglipat ng ilang Chinese national sa bansa upang magtrabaho. Ayon kay de Lima, kulang na nga raw ang trabaho sa Pilipinas, makikisiksik pa ang mga Chinese dito at aagawan pa ng hanapbuhay ang mga Pilipino.

Tinawag din ni de Lima si solicitor-general Jose Calida bilang “role model ng korupsiyon” matapos lumabas ang akusasyon sa kaniya na angnakaw ng milyon-milyong piso mula sa pamahalaan. Si Calida ay isa sa mga nanguna sa pagkakaaresto kay de Lima.

Nagbigay din ng pahayag ukol sa pag-upo ni dating pangulong Arroyo na kilala na ngayong kaalyado ni Duterte bilang bagong House Speaker. Dismayado si de Lima dahil nahatulan din noon si Arroyo ng mga kasong nauwi sa kaniyang pagkakakulong.

Ipinagtanggol din ni de Lima si Bise Presidente Leni Robredo laban sa mga alegasyon sa kaniya ni Duterte na hindi niya kayang mamuno sa bansa.

Nominasyon bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema

Nakakuha si de Lima ng anim na nominasyon at tatlong pagsalungat na sulat para sa kanyang nominasyon bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Narito ang ilan sa mga binanggit na dahilan na sinabi ng mga sulat:

  • Bilang may kaugnayan sa Pangulo, hindi siya maaaring walang kikilingan at walang kalayaan
  • Hindi niya sinunod ang TRO ng Korte Suprema para sa pag-alis ni GMA noong 2010
  • Mayroon siyang mga nakabinbing kaso ng pagsasawalang-bisa ng bar na may kinalaman sa mga binitiwang salita laban sa dating Punong Mahistrado Renato Corona
  • Mayroon siyang nakabinbing tatlong kaso ng katiwalian na kailangan pang ibasura ng Judicial and Bar Council

Mga Parangal at Pagkilala

  • "Man of the Year" para sa taong 2010, Philippines Graphic magazine
  • Gawad Lingkod Masa Awardee, 2010
  • 2010 Metrobank Foundation Professorial Chair for Public Service and Governance
  • Parangal para sa Mahusay na Serbisyo Publiko, Defender of People’s Rights, “Agent of Change,” 2010
  • Parangal sa Serbisyo Publiko ng Taon ng GMANews TV, 2009
  • Philippine Quality Service Award of Excellence, 2009
  • Sumagang Award para sa Natatanging Tagumpay sa Paninilbihan sa Pamahalaan, 2009
  • 3rd Bayi Citation, 2009
  • Raul S. Roco Award para sa Kahusayan sa Serbisyo Publiko, 2009
  • Urban Poor Person of the Year Award, 2008

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.