Lamberto Avellana y Vera

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Direktor sa pelikula at teatro, si Lamberto V. Avellana ay nagpamalas ng galing sa pagsipat sa kamera na nilapatan ng pagdama mula sa dulang pang-entablado. Isinalin niya sa telon ang rikit at lalim ng kaligirang Filipino, at nagkamit ng maraming parangal sa loob at labas ng bansa dahil sa iniluwal na mga obra maestra.

Edukasyon

Isinilang si Lamberto Vera Avellana sa Bontoc, Mountain Province noong 12 Pebrero 1915, at supling nina Dr. Jose Avellana at Rita Vera. Napangasawa niya si Daisy Hontiveros na nagbigay sa kaniya ng tatlong anak na sina Jose Mari, Marivi, at Lamberto Jr.

Nakamit ni Avellana ang titulong Batsiler ng Sining, magna cum laude, sa Ateneo de Manila University. Nahirang siyang komentarista sa estasyong KZRH ng radyo. Sumapi siya sa National Information Board, at napiling editor ng Graphic Magazine.

Noong 1 Marso 1939, itinatag ng mag-asawang Avellana ang Barangay Theatre Guild (BTG) na binubuo ng 50 katao at kinabibilangan ng mga aktor, arkitekto, eskultor, mananayaw, manunulat, musiko, pintor, at propesor. Nakapagtanghal agad ng tatlong dula ang pangkat, at nang mapanood yaon ni Carlos P. Romulo na pangulo noon ng Filippine Films ay hinikayat nito sa Lamberto na sumubok magdirek ng pelikula.

Mga obra maestra

Nabuo ni Avellana ang kaniyang kauna-unahang pelikulang pinamagatang Sakay, na hinggil sa buhay at pakikibaka ni Macario Sakay at pinagbidahan nina Salvador Zaragoza at Leopoldo Salcedo. Umani iyon ng papuri at paghanga sa hanay ng mga kritiko at peryodista, at itinuring na Pinakamahusay na Pelikula noong 1939.

Nagpaturo si Avellana kay William Jansen hinggil sa paghawak ng kamera; at pinahusay pang lalo ang kaniyang sining sa pangangasiwa at pagbuo ng pelikula. Idinirek ni Avellana ang Anak Dalita (1956), na ginawaran ng Pinakamahusay na Pelikula sa Asian Film Festival sa Hong Kong. Nakuha naman niya ang Gawad Pinakamahusay na Direktor para sa pelikulang Badjao (1960); ang Gawad Conde de Foxa sa Bilbao, Espanya para sa El Legado (1960); ang medalyang ginto sa Conde de Foxa para sa La Campana de Baler (1961); at Gawad Pinakamahusay na Dokumentaryo sa Cambodian Film Festival para sa The Survivor (1969). At nakuha niya ang Gawad Pinakamahusay na Direktor mula sa FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) para sa Huk sa Bagong Pamumuhay. Apat na ulit din siyang tumanggap ng FAMAS International Prestige Award para sa mga pelikulang Anak Dalita, Badjao, El Legado, at La Campana de Baler.

Limang gawad pagkilala ang tinanggap din ni Avellana mula sa limang pangulo ng Filipinas, na sina Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, at Ferdinand Marcos. At nang yumao siya’y pinuri siya ni Pangulong Corazon Aquino dahil sa masining na pagpapalago ng pelikulang Filipino.

Matinding dagok sa kasaysayan ng pelikulang Filipino ang pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil ipinasara ng rehimeng Hapones ang lahat ng estudyong gumagawa ng pelikula sa Filipinas. Ngunit hindi nagbawa si Javellana sa kaniyang propesyon. Itinatag niya ang Philippine Artists League (PAL) na ang karamihan sa mga kasapi ay nagmula sa BTG. Nagtanghal ang PAL ng mga dulang gaya ng Kapitbahay at Tandang Sora na pawang may kaugnayan sa buhay ng karaniwang tao at nagpapahiwatig ng kabayanihan ng Filipino.

Pinakatampok sa karera ni Javellana nang gawin niyang pelikula noong 1965 ang dulang Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Nagwagi ang nasabing pelikula sa Manila Film Festival, dahil sa pambihirang pamamaraan ng pagkakagawa. Pinalad iyon na maging kauna-unahang pelikulang naitanghal sa Frankfurt International Film Festival sa Germany. Si Avellana rin ang kauna-unahang Filipinong direktor na nakapagtanghal sa Cannes International Film Festival, para sa pelikulang Kandelerong Pilak (1954). Ang iba pa niyang pelikulang ipinalabas sa larangang internasyonal ay ang Sergeant Hasan (1967), Destination Vietnam (1969), at The Evil Within.

Pagkilala

Binigyan si Avellana ng Natatanging Gawad Urian mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino; at ng Lifetime Achievement Award, Gawad Postumo mula sa Film Academy of the Philippines (FAP).

Noong 27 Marso 1976, pinarangalan si Avellana sa pagiging Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Teatro. Ang mahusay na direktor, aniya, ay dapat maging tunay na alagad ng sining at artesano, na may likás na pagmamahal sa katotohanan at kariktan. Isinaad din niya ang halaga ng tiyaga, kahusayan, at pagpapakumbaba, bukod sa sigasig na mabuhay at mag-aral upang makairal at matuto.

Ang gayong mga kataga’y marapat lamang na pakinggan ng bagong henerasyon ng mga direktor at tagapagbuo ng pelikulang Filipino.

Sanggunian

  1. Pareja, Luna S. “An Innate Love for Truth and Beauty,” mula sa The National Artists of the Philippines. Manila: CCP, 1976.
  2. Tiongson, Nicanor G. ed. CCP Encyclopedia of Philippine Art. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.