Lakbayaw Festival (Pista ng Sto. Niño ng Tundo)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Lakbayaw Festival ay ang pista sa Tundo, Maynila bilang pagdiriwang sa kapistahan ng kanilang patrong Santo Niño. Ginaganap ito tuwing ikatlong linggo Enero kung saan nagkakaroon ng pagsayaw sa lansangan at prusisyon sa ilog.

Pinagmulan

Itinatag ang simbahan ng mga paring Augustinian, unang order ng Simbahang Katoliko na dumating sa Pilipinas. Inaprubahan ng kapulungang panlalawigan ang kumbento ng Augustinian sa Tundo noong 3 Mayo 1572. Si Padre Alonzo Alvarado, OSA ang unang kura paroko nito, kasama ang kanyang tagatulong na si Padre Pedro Holgado, OSA.

Noong 1575, sakop ng parokya ang Naga (Navotas ngayon), isang maliit na islang tinatawag na Maysilo at Bulakan. Noong 1578, naging tagapamagitan kina Lakandula at Juan de Salcedo ang pari ng simbahan na si Padre Geronimo Martin sa Navotas.

Nang masunog ang monsteryo ng mga Pransiskano noong 1583, nanatili sila sa kumbento ng Tundo at nagsilbi itong Studium Grammaticae para sa kanila habang inaayos ang monasteryo. Taong 1591 nang tanggapin ng kumbento pagmiministro ng dalawang pari sa bilang ng anim na libong katao ng Navotas at Tambobong (Malabon ngayon).

Umasa ang kumbento sa mga donasyon dahil wala itong estadong magbibigay sa kanila ng salapi. Ito rin ang tanging bahay malapit sa Maynila kung saan maaaring manirahan ang mga dumadalaw na pari. Noong 12 Disymebre 1579, nagpatupad ng multa ang konseho ng mga pari para sa mga bisitang lumalampas sa labindalawang oras.

Noong 1597, maraming nais magpari ang pumasok sa kumbento sa kabila ng pagiging mahirap ng kalagayan nito. Noong 1599, nakasama sa sakop nito ang Navotas, Malabon at Kalookan. Sa pagtitipon ng konseho ng taong iyon, pinahintulutan ng pinuno ng panrelihiyong komunidad na hindi magbayad ng taunang koleksyon ang kumbento dahil sa katayuang pinansyal nito. Bumili ang kumbento ng hardin para pagtamnan ng mga gulay na siyang pinagmulan ng kita at napunta sa 200-pisong pondo ng Maynila.

Nagsimula ang pagtatayo ng unang gusali ng simbahan noong 1611 sa ilalim ni Padre Alonzo Guerrero at pinaniniwalaang natapos ito sa loob ng tatlong taon. Noong 1620, pinahintulutan ding hindi ito magbayad ng sampung porsyentong kontribusyon. Ginamit sa halip ang pera sa simbahan at pagpapaayos ng mga sira. Ganito rin ang ginawa ng sumunod na taon. Noong 1625, ginamit ni Padre Antonio de Ocampo ang kumbento bilang kolateral sa utang na 800 piso, na ginamit para sa pagsasaayos ng silid-kainan at hagdanan.

Noong 1641, noong panahon ng pag-aklas ng mga Sangley o Tsinoy, nasira ang simbahan at sumailalim sa pagsasaayos. Nadamay din ito sa lindol noong 1645. Noong 1661, ipinag-utos ni Gobernador Sabiniano Manrique de Lara na gibain ang mga gusali sa takot na gamitin ito pagdating ng piratang Tsino na si Koseng mula sa Formosa, Taiwan. Muli itong ipinatayo, at noong 1692, hindi ito pinagbayad ng buwis.

Taong 1782 nang lumaki ang perang inilaan dito na nagkakahalagang 2,000 piso mula sa mga relihiyoso. Noong 1734, itinayo ang tore at harapan sa ilalim ng pangangasiwa ni Padre Diego Bergano. Para makatulong sa pagtatayo, naningil ang simbahan sa bawa't banga na tatawid sa estero malapit sa kumbento. Subali't noong 1740, muling nasira ang mga gusali dahil sa lindol. Noong 1759, naging regular na tahanan ito ng orden.

Muli, noong 3 Hunyo 1863, nasira ng lindol ang simbahan at muling itinayo sa ilalim ng pangangasiwa ni Padre Manuel Diez Gonzales. Mula 1874 hanggang 1880, ipinagpatuloy ni Padre Casimiro Herrero, ministro ng Tundo, ang pagkukumpuni, sunod sa plano ng arkitektong si Luciano Oliver na gumamit ng metal para sa bubong. Nang sumailalim kay Condrado Gregorio ang pagsasaayos, ginamit niya ang aramadura de hierro na nagmula pa sa Inglatera.

Nagmula ang imahen ng Santo Niño sa Acapulco, Mexico sa kasagsagan ng Kalakalang Galyon noong ikalabing anum na siglo. Regalo ang imahen sa Pilipinas ng mayamang negosyanteng Kastila noong panahong iyon at napagdesisyunan ng Arsopbispo ng Maynila na ilagak ang naturang imahen sa Tundo.

Karamihan ng mga deboto ng Tundo noon ay mga mangingisda. Isinasagawa ang prusisyon sa tubig bilang pag-alala sa mga mangingisda ng Tundo noon pang ikalabing anim na siglo.

Noong 1972, ninakaw ang imahen ng Santo Niño at nagkaroon ng malawakang pagbaha sa Kamaynilaan hanggang matagpuan ito matapos ang ilang araw, kasabay din ng pagtigil ng pag-ulan.

Pagdiriwang

Nagkakaroon ng sayawan ng mga tribu o grupo na nilalahukan ng mga organisasyon, paaralan, komunidad at mga Ati-atihan tuwing ginaganap ang Lakbayaw Festival. Isinasayaw din ng mga deboto ang kani-kanilang mga imahen ng Sto. Niño sa paradang iniikot sa kahabaan ng Juan Luna hanggang Pritil pabalik ng simbahan kung saan magpapakitang gilas ang mga kalahok.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

lakbay Festival Pista ng Santo Niño de Tondo Lakbayaw Festival