Lakas–CMD (Lakas–Christian Muslim Democrats)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ang Lakas-Christian Muslim Democrats, o mas kilala bilang Lakas-CMD, ay isa sa mga partidong politikal sa Pilipinas na naiimpluwensiyahan ng maka-Kristiyano at maka-Islam na demokrasya. Ang kasalukuyang tagapangulo nito ay si Martin Romualdez, kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte sa Kongreso.

Kasaysayan

Ang partido ay nabuo noong Disyembre 1991 bilang paghahanda sa halalan noong 1992. Ang nagretirong heneral at kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Fidel Ramos at si Emilio Mario R. Osmeña ang naging kandidato ng partido para sa pagka-Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Ang Lakas-CMD ay binubuo ng dalawang partido: ang Partido Lakas ng Tao ni Ramos, at ang National Union of Christian Democrats (NUCD) ni Raul Manglapus. Sa pag-iisa ng dalawang partido, nakilala sila bilang Lakas ng Tao-National Union of Christian Democrats na kalaunan ay naging Lakas-NUCD.

Noong 1994, nagbuo ang Lakas-NUCD ng koalisyon kasama ang Laban ng Demokratikong Filipino para sa halalan na naganap noong 1995. Pinangalanang Lakas-Laban Coalition, nakakuha ng maraming puwesto sa Kongreso ang nasabing partido. Sa Lakas National Convention na ginanap noong 1997, inatasan si Jose de Venecia Jr. ng Pangasinan na tumakbo bilang kalaban ni Joseph Estrada ng Oposisyon para sa pambansang halalan ng 1998. Sa pagkakataong iyon, sumanib na rin ang partidong United Muslim Democrats of the Philippines (UMDP) upang buoin ang bagong partidong Lakas ng EDSA-National Union of Christian Democrats-United Muslim Democrats of the Philippines (Lakas-NUCD-UMDP). Napili naman ng koalisyon ang noo’y senador na si Gloria Macapagal-Arroyo bilang kandidato sa pagka-bise presidente. Matapos ang halalan, natalo si de Venecia kay Estrada ngunit nakuha naman ni Arroyo ang posisyon ng bise presidente.

Samantala, umalis naman ang noo’y Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Renato de Villa sa koalisyon at bumuo ng sarili niyang partido, ang Partido ng Demokratikong Reporma-Lapiang Manggagawa para rin sa pambansang halalan ng 1998 dahil hindi siya nakalikom ng sapat na bilang ng nominasyon upang maging standard bearer ng Lakas.

Para naman sa halalang naganap noong 2001, binago ng partido ang kanilang pangalan sa kasalukuyang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Panahon ni Arroyo

Noong 2006, animo’y nahati ang buong partido sa pagitan ng mga tagasuporta ng noo’y Pangulo ng Pilipinas na si Arroyo at mga tagasuporta ni dating Pangulong Fidel Ramos pagdating sa mga isyu ng pag-amyenda ng Konstitusyon upang hindi matuloy ang halalan noong 2007, at ang mga panawagan upang pababain sa puwesto si Arroyo.

Samantala, kinumpirma naman ni Arroyo noong 18 Hunyo 2008 ang pagsasanib-puwersa ng Lakas-CMD at ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), ngunit binanggit ni Ramos noong 6 Pebrero 2008 na mananatiling isang surviving entity ang Lakas-CMD matapos ang pagsasanib na iyon.

Halalan 2022

Noong Hunyo 2021, inianunsiyo ng Lakas-CMD na posible silang makipag-alyansa sa Hugpong ng Pagbabago at suportahan si Sara Duterte kung ito ay tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022.[1]

Sa kasalukuyan, tinatayang may 48 miyembro at ka-alyansa ang Lakas-CMD sa Kongreso at isang senador sa Senado. Upang lalong mapalakas ang alyansa ng Lakas-CMD sa pambansa at lokal Halalan 2022, may mga bagong kasapi ang partido mula sa Basilan na nanumpa noong Setyembre 2021. [2][1]

Noong 11 Nobyembre 2021, nanumpa si Sara Duterte bilang bagong kasapi ng Lakas-CMD. Ito ay naganap sa Revilla Farm sa Silang, Cavite nang ikasal ang anak na babae ni Senador Bong Revilla. Si Duterte, kasama si Bongbong Marcos, ay kabilang sa mga principal sponsor sa ginanap na kasalan. [3]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 Rambo Talabong. “Lakas-CMD bets on Sara Duterte for 2022.” Rappler, 23 Hunyo 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/lakas-cmd-bets-sara-duterte-2022-polls. Accessed 13 Setyembre 2021.
  2. Rio N. Araja. “Lakas-CMD boosts ranks anew.” Manila Standard, 12 Setyembre 2021. https://manilastandard.net/mobile/article/364764. Accessed 13 Setyembre 2021.
  3. Bea Cupin. “Sara Duterte joins Lakas-CMD.” Rappler, 11 Nobyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/sara-dutete-joins-lakas-cmd-party-november-2021. Accessed 11 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.