Labanan sa Mactan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Labanán sa Mactan ay isa sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang tunggaliang ito ay naganap noong 27 Abril 1521, kung saan nagapi ng hukbo ni Lapulapu, ang datu ng Mactan, ang puwersa ng Portuges na manlalakbay na si Ferdinand Magellan.

Ang Paglalakbay

Dahil hindi sinuportahan ng kaniyang bansa ang pagnanais na maglayag at tumuklas, umalis si Ferdinand Magellan sa Portugal at nagtungo sa Espanya. Lumapit si Magellan kay Haring Carlos I (na kalaunan ay tinawag na Holy Roman Emperor Charles V) at inihain ang kaniyang pagnanais na magsagawa ng isang paglalakbay pa-kanluran upang hanapin ang Spice Islands o Moluccas. Noong 20 Setyembre 1519, nag-umpisa na ang paglalayag ni Magellan sa San Lucar, kasama ang Italyanong manlalakbay at iskolar na si Antonio Pigafetta na nagsilbing tagapagtala o kronista ng ekspedisyong ito.[1]

Binaybay nila ang kipot sa dulo ng kontinente ng Timog Amerika na sa kasalukuyan ay ang Strait of Magellan na humantong sa isang malawak na karagatan. Dahil sa pagiging payapa at kalmado ng tubig, pinangalanan ito ni Magellan na “Pasipiko.” Sa kabila nito, hindi naging madali ang kanilang dinanas dahil sa lawak ng Karagatang Pasipiko. Marami sa kaniyang mga tauhan ay namatay sa gutom dahil nasira ang mga dala nilang pagkain at inumin.[2]

Matapos ang halos dalawang taon, noong 16 Marso 1521, natagpuan ni Magellan ang Isla ng Humunu na sa kasalukuyan ay Isla ng Homonhon sa Samar. Pinangalanan nila ang teritoryong ito na Archipelago de San Lazaro sapagkat ito rin ang araw ng kapistahan ng nasabing santo. Nagkasundo naman ang mga katutubo at ang grupo ni Magellan. Naghandog ng iba’t ibang produkto si Magellan tulad ng pulang sombrero, salamin, suklay, kampanilya, gáring o ivory, bocasine, at iba pang kagamitan. Sinuklian din ito ng mga katutubo ng iba’t ibang inumin at pagkain tulad ng isda, isang uri ng alak na tinawag nilang “uraca,” saging, at niyog.[3]

Nakilala ni Magellan ang ilan sa mga pinuno na kinalaunan ay naging mga kaibigan niya. Nakatulong si Enrique de Malacca, isang Malay na alipin ni Magellan na kaniyang bininyagan bilang isang Katoliko, na kausapin ang mga pinuno ng mga katutubo. Nagsilbi rin siyang tagapagsalin nito.[4] Bilang isang deboto, nakita rin ni Magellan ang oportunidad na maipakalat ang Kristiyanismo sa bagong tuklas na lugar na ito. Sa huling araw ng Marso, Araw ng Pagkabuhay, ay naganap na ang unang misa sa Pilipinas sa Mazaua o ang kasalukuyang Limasawa, na hudyat ng pagsisimula ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Isang linggo lamang ang itinagal ni Magellan sa Limasawa dahil hindi sapat ang pagkain doon. Nagpatuloy ang ekspedisyon patungo sa mas malaking isla na ngayon ay Cebu. Sa paggabay ni Raja Kulambu, dumaong sila sa Cebu noong ika-8 ng Abril.[5] Nakilala nila si Raja Humabon, ang pinuno ng Isla ng Cebu.[6] Pumayag si Humabon na magbigay ng tributo kay Magellan, at ang dalawa ay nagkaroon ng mapayapang ugnayan. Nakatulong dito ang isang mangangalakal na Muslim mula sa Siam na nagpayo kay Humabon na makibagay sa mga Espanyol sapagkat alam nito ang kalupitan ng mga conquistador. Kinalaunan, pumayag na makipag-alyansa si Raja Humabon sa Espanya. Kinilala rin niya ang soberanya ng Espanya at sumang-ayon na magpasampalataya sa Kristiyanismo. Nabinyagan siya bilang Carlos, na sinunod sa pangalan ng Hari ng Espanya; at ang kaniyang asawang pinangalanang Juana, na kinuha naman sa pangalan ng ina ni Haring Carlos. Kabilang sa mga nabinyagan ang 800 katao. Hinandugan naman sila ni Magellan ng imahen ng Santo Niño o ang Batang si Hesus.[7][8]

Ang Tunggalian

Noong ika-26 ng Abril, ipinadala ni Zula, isa sa mga pinuno ng “Matan” o Mactan ang isa sa kaniyang mga anak upang maghandog ng dalawang kambing kay Magellan at upang sabihin na ibibigay sa kaniya ang mga naipangako nito. Ngunit, hindi ito natupad nang tumutol si Cilapulapu o Lapulapu na sundin ang Hari ng Espanya. Humiling si Zula na magpadala si Magellan ng kaniyang tauhan lulan ng isang bangka, ngunit lumayag ang tatlong bangka patungong Mactan sakay ang hukbo ni Magellan at ibang mga katutubo na armado ng corselet at almete.

Ayon kay Pigafetta, hindi ninais ni Magellan na kalabanin sila, ngunit ipinadala niya ang mensahe sa mga katutubo na kailangan nilang sundin ang Hari ng Espanya, kilalanin ang Kristiyanismo, at magbayad ng tributo. Kung hindi, makikita nila kung paano sumugat ang kanilang mga lánsa. Hindi naman nagpatinag ang mga katutubo at sinagot ang mga banyaga, na kung sila ay may lánsa, sila naman ay may kawayang sibat at túlos na pinatibay gamit ang apoy. Sinabi rin nila na ipagpabukas ang pag-atake upang tipunin pa ang ibang mandirigma. Ngunit, sa tingin nila ay isa itong paraan upang himukin sila na hanapin sila at mahulog sa kanilang mga patibong.

Kinaumagahan, sumiklab na ang digmaan. Napilitang bumaba ang mga tauhan ni Magellan sa tubig na kasingtaas ng kanilang hita at sumalakay gamit ang pana. Dahil sa mabato ang dalampasigan, hindi nagawang mailapit ng hukbo ni Magellan ang kanilang mga bangka. Nasalag naman ng mga katutubo ang mga pag-atake, at nagpaulan din ng palaso at sibat sa kanilang mga kalaban.

Inutos naman ni Magellan sa ilan pa niyang mga tauhan na sunugin ang bahay ng mga katutubo upang masindak ang mga ito, ngunit lalong nagalit ang mga ito. Lalong tumindi ang pag-atake sa kanila, hanggang sa matamaan ng palaso na may lason si Magellan sa kanang binti. Inutusan ni Magellan ang kaniyang hukbo na sumuko, ngunit karamihan sa kanila ay tumakas maliban sa anim o walong tao na sinamahan ang kanilang kapitan. Patuloy ang pagsalakay ng mga katutubo hanggang sa mapansin nila si Magellan at sinubukang tanggalin ang kaniyang almete. Isang Indiano na sumibat sa mukha ni Magellan ang napatay nito gamit ang kaniyang lansá, na naiwan pa sa katawan nito.

Habang inilalabas niya ang kaniyang espada, natamaan naman ang kaniyang bisig ng sibat. Sinamantala ito ng mga katutubo, at sumalakay muli kay Magellan. Sa kaniyang pakikibaka, nagtamo siya ng sugat sa bisig mula sa sibat, at sa binti mula naman sa isang malaking katutubong espada na hawig sa kampilan. Napabagsak ang kapitan at tuluyang nasawi sa pagkuyog sa kaniya ng marami pang katutubo.[9]

Ang Kinahinatnan

Itinuturing na kauna-unahang pakikidigma ng mga Pilipino sa mga banyaga ang labanan sa Mactan. Naipamalas ng mga Pilipino ang kanilang katapangan. Nang magapi si Magellan, sinikap ng mga nakaligtas sa labanan na bumalik sa Espanya. Ngunit, ang maliit na sasakyang-pandagat lamang na Victoria sa pamumuno ni Sebastian del Cano o Juan Sebastian de Elcano, ang matagumpay na nakabalik. Ganap na nabuo ang paglalayag sa palibot ng mundo nang makabalik ang 18 manlalakbay sa Seville noong 1522.[10]

Kulturang Pilipino

Naging inspirasyon sa iba’t ibang likha at obra ang tunggaliang ito, maging sina Lapulapu at Magellan. Isinalarawan sa pelikulang Lapu-Lapu ang labanan sa Mactan na pinagbidahan ni Mario Montenegro. Ito ay ipinalabas noong 1955, sa direksiyon ni Lamberto V. Avellana.[11] Isa pang pelikulang nagsasadula ng labanan, na pinamagatan din na Lapu-Lapu, ang ipinalabas noong 2002. Pinagbidahan ito nina Lito Lapid bilang Lapulapu, at Dante Rivero bilang Ferdinand Magellan, sa direksiyon ni William Mayo.[12]

Popular naman ang kanta ni Yoyoy Villame na Magellan na isinalaysay ang pagdating ng manlalakbay sa ating bansa sa kakatwang paraan.[13]

Sanggunian

  1. Butterworth, Hezekiah. “The Story of Magellan and The Discovery of the Philippines,” Hinango mula sa on Project Gutenberg, 21 Oktubre 2011. https://www.gutenberg.org/files/37814/37814-h/37814-h.htm#chap17. Hinango noong 08 Enero 2021.
  2. Ibid.
  3. Maria Luisa Camagay, et al. Unraveling the Past: Readings in Philippine History. (Lungsod Quezon: Vibal Group Inc., 2018), pp. 40-41.
  4. Luis H. Francia. A History of the Philippines from Indios Bravos to Filipinos. (New York: The Overlook Press, 2010).
  5. Agoncillo, Teodoro A. “Introduction to Filipino History,” Radiant Star Pub.: 1974. p. 36, https://books.google.com.ph/books/about/Introduction_to_Filipino_History.html?id=kcRwAAAAMAAJ&redir_esc=y.  Hinango noong 11 Enero 2021.
  6. Camagay, p. 42.
  7. Francia, p.46.
  8. Luci Lizares, “History of Sto. Niño Festivals,” SunStar, 28 Enero 2016. https://www.sunstar.com.ph/article/55070/Local-News/History-of-Sto-Nio-Festivals. Hinango noong 12 Enero 2021.
  9. Camagay, pp. 42-43.
  10. Camagay, p. 43.
  11. “Lapu-Lapu (1955) Full Cast & Crew,” IMDb. https://www.imdb.com/title/tt0441342/fullcredits/?ref_=tt_ov_st_sm. Hinango noong 13 Enero 2021.
  12. “Lapu-Lapu (2002) Full Cast & Crew,” IMDb. https://www.imdb.com/title/tt0345547/fullcredits/?ref_=tt_ov_st_sm. Hinango noong 13 Enero 2021
  13. “Magellan, Yoyoy Villame (Lyrics),” Genius. https://genius.com/Yoyoy-villame-magellan-lyrics. Hinango noong 13 Enero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.