La Naval Festival

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang La Naval Festival ay isang selebrasyon na ginaganap tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Ang pagdiriwang na ito ay nakasentro sa imahen ng Mahal na Birheng Maria ng La Naval, na nililok noong 1593. Ang imahen ay ibinigay bilang isang regalo sa mga paring Dominikano noong panahong iyon. Pinalamutian ito at inilagay sa isang karwaheng kahugis ng barko. Tuwing kapistahan, ipinaparada ang imahen sa labas ng simbahan, kasunod ang ilang imahen ng mga santong Dominikano. Umiikot ang prusisyon sa mga kalyeng pumapalibot sa simbahan ng Sto. Domingo. Ibabalik naman ang imahen sa simbahan at ilalatag itong muli sa altar sa gitna ng palakpakan ng mga dumadalo.

Kasaysayan

Imahen ng Birhen ng Sto. Rosario

Ang imahen ng Birhen ng Sto. Rosario, na ngayon ay kilala sa tawag na La Naval ay itinuturing na siyang pinakamatandang imaheng gawa sa garing sa Pilipinas. Gawa ito ng isang iskultor na Tsino, sa ilalim ng pagtuturo ni Kapitan Hernando de los Rios Coronel. Gawa ang imaheng ito sa garing mula sa sungay ng elepante na kinuha ni Gobernador Heneral Luis Perez Dasmarinas noong 1593 para sa mga paring Dominikano sa Maynila. Hindi isang Katoliko ang iskultor na lumilok sa naturang imahe, ngunit nagpabinyag rin ito kinalaunan bilang isang Katoliko pagkalipas ng ilang taon.

Binibihisan ang imahen ng yarda-yardang telang kulay ginto na binurdahan ng masinsin na disenyo gamit ang kulay pilak na sinulid. Bitbit ng imahen ang sanggol na si Jesus. Ang mga koronang suot ng birhen at ng sanggol ay gawa sa ginto at ilang mamahaling bato. Ibinigay ng mayayamang mga deboto bilang donasyon ang mga mamamahaling bato na nagsisilbing palamuti para sa mga korona.

Noong 1907, kinoronahan ng isang prestihiyosong Papal Nuncio ang imahen at sinasabing naging unang imahen ito ng birhen sa Pilipinas na nabigyan ng parangal. Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naging malapit na ito sa pagkakasira, kaya pinagpasyahan itong ilipat noong 1954 sa simbahan ng Sto. Domingo kung saan ito nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Mga Milagro

Noong 1646, pinagtangkaang sakupin ng mga Dutch ang bansa, pinaniniwalaang tinulungan at ginabayan ng imahen upang manalo ang mga Español laban sa pagtatangka. Labing anim na taon makalipas ang pagtatanggol sa bansa, inihayag na milagroso ng Cathedral Chapter ng Arsidyosesis ng Maynila ang nasabing pagtulong ng imahen.

Kinoronahan ni Pope Pius X ang imahen ng La Naval ng Maynila noong Oktubre 1907. Ito ang kauna-unahang uri ng parangal na ginanap sa bansa at sa buong Asya. Simula noon, naging tradisyon na ang prusisyon at mga misang ginagawa bilang parangal sa Mahal na Birhen ng La Naval.

Noong Oktubre 1973 na siyang petsa ng kanyang kapistahan, inihayag bilang patron ng bansa ang imahen ng La Naval. Taong 1974 nang ito ay inilipat sa isang mas matibay at ligtas na lalagyan sa altar dahil sa mga tangkang pagnanakaw rito at sa iba pang mga sagradong imahen at gamit sa simbahan.

La Naval 2015

Ang kapistahan ng La Naval sa taong 2015 ay umiinog sa temang “Inang Maria: Kalakbay sa Pagharap sa Hamon ng Karalitaan at Kabanalan.” Magaganap sa ika-1 ng Oktubre, alas-5 ng hapon, ang paglalagay sa trono ng milagrosong imahe ng Mahal na Birheng Maria ng La Naval. Susundan ito ng isang Banal na Misa, sa pangunguna ni Rev. Fr. Roland D. Mactal, OP, ang rector ng simbahan.

Mga Programa/Iskedyul ng mga Aktibidad

Oktubre 2-10

  • 6:45/11:45 AM: Novena Mass
  • 5:30 PM: Novena Mass (with live streaming broadcast)

Oktubre 3,5,7,9,10

  • 7:00 PM: Besamanto

Oktubre 11

  • 5:00 AM-8:00 PM: Fiesta Masses (9:00 AM-9:00 PM with live streaming broadcast)
  • 4:00 PM: Grand Procession (3:00 PM-5:00 PM with live streaming broadcast)

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Relihiyon