Kwek-kwek

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
05223jfPhilippine cuisine dishes Bulacafvf 10.jpg

Ang kwek-kwek ay isang pagkaing kalye o street food sa Pilipinas na gawa sa itlog ng pugo at sa kulay kahel nitong balat o coating. Ito ay isang baryasyon ng isa pang kilalang street food na tokneneng at mayroong katulad na proseso ng pagluluto. Ang pinagkaiba, ang tokneneng ay gawa sa itlog ng pato o penoy, habang ang kwek-kwek ay nilalahukan ng itlog ng pugo.

Ibinabalot ang inilagang itlog ng pugo sa batter na pinaghalong atsuete o food coloring, harina, corn starch, at tubig. Ipiniprito ito sa mantika hanggang sa lumutong ang coating at lumutang ang pagiging kulay kahel nito.

Kasaysayan

Sinasabing aksidente lamang ang pagkakatuklas sa tokneneng at kwek-kwek. Ito ay matapos na mahulog ang itinitindang balut at penoy ng isang tindera sa may Cubao, Lungsod Quezon. Dahil malala ang pagkakabiyak ng shell ng itlog, hindi na niya ito maibebenta pa.

Sa halip na hindi mapakinabangan at masayang, napagpasiyahan ng tinderang balatan na ang mga nasirang penoy at balutin ng harina at iprito. Ibinenta ang tokneneng kasama ang sukang may sibuyas at sili na nagustuhan naman ng mga parokyano.

Dahil dito, naging patok na ang tokneneng bilang isa sa mga pagkaing kalye sa Pilipinas na gawa sa itlog, maliban sa balut at penoy. Kalaunan, naisipan na ring gawin sa itlog ng pugo ang resipi ng tokneneng.

Tinawag itong “kwek-kwek” na batay sa maliliit at mahihinang huni ng mga pugo na pinagkukuhanan ng itlog sa paggawa ng kwek-kwek.

Mga Sangkap

  • 12 piraso ng itlog ng pugo, nilaga
  • 1 tasa ng harina
  • 3 kutsara ng corn starch
  • 1 tasa ng tubig
  • 1 kutsara ng atsuete powder
  • 1/2 kutsarita ng asin
  • 1/2 kutsarita ng pamintang durog
  • 2 tasa ng mantika

Paraan ng Pagluluto

  1. Balatan ang nilagang itlog ng pugo.
  2. Ilagay ang corn starch sa isang plato. Pagulungin ang mga nilagang itlog ng pugo sa corn starch.
  3. Sa isang hiwalay na lalagyan, pagsama-samahin ang harina, pamintang durog, at asin. Haluing maigi.
  4. Tunawin ang atsuete powder sa isang platitong may maligamgam na tubig. Ihalo sa mixture na may harina. Haluing mabuti hanggang sa magkulay kahel o orange ang batter.
  5. Ihalo sa batter ang mga nilagang itlog. Siguruhing mababalutan ang itlog ng pugo.
  6. Sa isang kawaling may pinainit na mantika, iprito ang mga binalot na itlog ng pugo. Maaaring gumamit ng kutsara sa paghango sa mga binalot na nilagang itlog.
  7. Matapos ang ilang minuto, kapag malutong na ang coating at matingkad na ang kulay nito, hanguin.
  8. I-serve kasama ang sawsawang suka o matamis.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.