Kulturang Tsino sa Pilipinas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Matunog sa Pilipinas ang mga apelyidong Gokongwei, Sy, Tan, at Chan. Sila ang mga Pilipinong may dugong Tsino na itinuturing na mga business tycoon sa bansa. Kilala sila sa pagiging masipag, masinop, magaling sa negosyo, at mapagkawanggawa.

Bagama’t may mga isyung kasalukuyang kinahaharap ang Pilipinas at Tsina, hindi pa rin mawawala ang katotohanang may malalim na pinagsamahan ang dalawang bansa. Masisilayan sa mayamang kasaysayan at kultura ang pinagmulan ng malalim na pagkakaunawaan ng mga Pilipino at Tsino.

Matibay na Pundasyon

Matagal nang may ugnayan ang Pilipinas at Tsina. Bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol sa bansa, nagpapalitan na ng mga kalakal ang mga Tsino at Pilipino simula pa noong 1100 CE (common era).

Sakay ng mga bangka, bumabaybay sa South China Sea (West Philippine Sea sa kasalukuyan) ang mga mangangalakal mula Tsina upang makarating lamang sa mga dalampasigan ng Luzon. Dahil na rin sa malayong paglalakbay, nanirahan na rin sila sa Pilipinas at nakapag-asawa ng mga Pilipino.

Chinatown

Sa paglipas ng panahon, maraming pamayanan ang naitatag ng mga Tsino sa Pilipinas. Ang mga pamayanang ito ay tinatawag na “Chinatown.”

Sa Binondo, Maynila matatagpuan ang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo. Naitatag ito noong 1594. Sentro ito ng negosyo at kulturang Tsino sa bansa hanggang sa kasalukuyan.

Dagdag na Kaalaman

  • Binundok ang sinaunang pangalan ng Binondo. Tinawag din ito ng mga Espanyol na “Isla de Binondo.”
  • Ang Binundok ay maraming beses na binanggit sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal. Si Rizal ay may dugong Tsino.
  • Sangley ang sinaunang tawag ng mga Pilipino sa mga Tsinong nanirahan noon sa Pilipinas.
  • Mestizo de Sangley naman ang tawag ng mga Espanyol sa mga Tsinong nahaluan ng ibang lahi. Pinayagan nila ang mga ito na mabinyagan at maging Katoliko. Hindi nagtagal, tinawag din nila itong “indio.”
  • Ang sikat na Ongpin Street sa Binondo ay ipinangalan kay Don Roman Ongpin, isang negosyanteng Tsino na nagbigay ng tulong-pinansiyal sa mga Katipunero sa pagsiklab ng rebolusyon. Ang kaniyang pagsuporta sa rebolusyon ay nagpatuloy hanggang sa pagdating ng mga Amerikano.
  • Matatagpuan din sa Binondo ang pinakamatandang Buddhist Temple sa Pilipinas—ang Guan Sheng Fu Zi Temple.

Sanggunian

  • Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Chino, Sangley, and Mestizo de Sangley in Old Manila.” Old Manila 2nd Edition, mp. 81–87 Quezon City: Vibal Foundation, 2020.
  • Edgar Allan M. Sembrano. “A cultural walking tour of Binondo, Manila.” Inquirer.net, 19 Enero 2014. https://lifestyle.inquirer.net/147765/a-cultural-walking-tour-of-binondo-manila/. Accessed 24 Marso 2021.
  • Virgilio S. Almario. “Tsino.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.