Krus ni Magellan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Magellan's Cross

Si Ferdinand Magellan ang kauna-unahang dayuhan na mula sa Europa na dumating sa Pilipinas noong 1521. Bilang kapitan ng ekspedisyon, layunin ni Magellan na hanapin ang Spice Islands o Moluccas. Sa mahabang paglalakbay sa Pasipiko ay natagpuan nila ang Isla ng Limasawa, kung saan pinaniniwalaang naganap ang Unang Misa sa Pilipinas at itinayo ang unang krus sa bansa. Hudyat ito ng pag-usbong ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Dumaong naman sila sa Sugbu o Sinaunang Cebu kung saan niya nakilala si Rajah Humabon, ang pinuno ng isla.[1]

Sumang-ayon si Rajah Humabon na mabinyagan bilang Kristiyano kasama ang kaniyang asawa na si Hara Humamay. Kinilala sila bilang sina Carlos at Juana. Kasabay nilang nabinyagan ang ilang mga katutubo sa isla. Bilang tanda ng mahalagang araw na ito, itinayo rin ang isang krus sa Cebu.

Bagaman at may ilang historyador na nagsasabing nasira na ang orihinal na krus, ito ay kasalukuyang nakapaloob sa isang uri ng kahoy na tinatawag na tindalo upang maprotektahan ang orihinal na krus. Ito ay upang mapangalagaan ito sa ilang mga debotong naniniwala sa kapangyarihan nito kung kaya't unti-unti nilang tinatapyasan ito.

Ang krus ay matatagpuan sa Dambana ni Magellan o Magellan Shrine. Ito ay isang kapilya na matatagpuan sa tapat ng Munisipyo ng Cebu at katabi ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu. Nakatayo ito sa Magellan Street, ang kalye na ipinangalan din sa kapitan. Malapit din ang dambana sa iba pang makasaysayang pook sa Cebu, tulad ng Fort San Pedro at  Cebu Metropolitan Cathedral.

Makikita rin sa kisame ng kapilya ang miyural kung saan nakapinta ang tagpo ng pagtatayo ng krus ng mga Pilipino at ng mga dayuhang manlalakbay. Ipininta ito nina Jess Roa and Serry M. Josol.[2]

Pagsasaayos sa Kapilya

Napinsala ang kapilya kung saan nakatayo ang Krus ni Magellan nang yanigin ng isang 7.2-magnitude na lindol ang Bohol noong 2013, isa sa mga pinakamalakas na lindol na naitala sa Pilipinas. Kabilang din sa lubos na naapektuhan ng lindol ang kampanaryo o belfry ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu. Pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pagsasaayos ng Krus ni Magellan, kampanaryo ng Basilica, at iba pang makasaysayang pook sa Cebu noong 2016.[3][4]

Sanggunian

  1. “Magellan's Cross, on the Island of Cebu.” University of Hawaii System. http://www.hawaii.edu/cps/magellancross.html. Hinango noong 15 Pebrero 2021.
  2. Bering, Jona Banzuela. “Visiting Magellan's Cross in Cebu, after heritage sites restored,” Rappler, 20 Marso 2016. https://www.rappler.com/life-and-style/travel/magellans-cross-church-restored-cebu. Hinango noong 15 Pebrero 2021.
  3. Ibid.
  4. Erram, Morexette Marie B. “Netizens: 7.2-magnitude quake in 2013 still fresh in our mind,” Cebu Daily News, 15 Oktubre 2020. https://cebudailynews.inquirer.net/345748/netizens-7-2-magnitude-quake-in-2013-still-fresh-in-our-minds. Hinango noong 15 Pebrero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.