Kristiyanismo sa Pilipinas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kristiyanismo ay ang pangunahing relihiyon sa Pilipinas. Mahigit 93% ng populasyon ng bansa ay Kristiyano. Sa katunayan, panglima ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming Kristiyano.[1] Isa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na ang pangunahing relihiyon ay Kristiyanismo, kabilang na ang Timor-Leste.[2]

Pinakamarami naman sa Pilipinas ang mga Katoliko Romano na binubuo ng 80.6% ng populasyon na sinundan ng mga Protestante (9%).[3]

Pagdating ng Kristiyanismo

Noong 1521, dumating sa Pilipinas ang Portuges na manlalayag na si Ferdinand Magellan na kapitan ng Armada de Molucca. Layon ng ekspedisyon na ito na tuntunin ang Spice Islands o Moluccas na sinuportahan naman ni Haring Carlos I (King Charles I) ng Espanya. Bigo man na mahanap ang islang ito, natanaw naman ni Magellan ang isang isla na sa kasalukuyan ay nasa bahagi ng sentro ng Bisaya.[4]

Nang dumaong sila sa Isla ng Homonhon noong 17 Marso 1521, hindi pa ganap na bansa ang Pilipinas. Ang mga katutubo ay namumuhay sa mga barangay, o mga grupo ng pamilya na pinamumunuan ng mga “datu” o ang salitang Hindu na “rajah.”[5]

Ang mga sinaunang pamayanan sa Pilipinas ay may kani-kaniyang wika, paniniwala, at kaugalian. Isa sa kanilang mga pangunahing relihiyon o paniniwala ay ang animismo o politeismo. Walang itinuturing na pook-dasalan ang mga katutubo sa panahong ito. Pinaniniwalaan nila na ang mga espiritu ng mga diyos ay naninirahan sa mga hayop, halaman, at iba pang bahagi ng kalikasan. Pinahahalagahan din nila ang ilang mga hayop at ibon, tulad ng buwaya, malaking uwak, at maalamat na asul o dilaw na ibon na tinatawag din nilang Bathala. Ginagamit din nilang mga imahen ng kanilang mga ninuno ang mga bato, kahoy, butó, ngipin ng buwaya, at ginto. Tinatawag din itong anito.[6]

Bukod pa rito, bago pa man dumating ang mga taga-Europa sa mga isla ng Pilipinas, unti-unti nang lumalaganap ang Islam buhat sa lahi ng mga Malay at mga mangangalakal na Arabo. Umiiral din ang iba pang mga relihiyon tulad ng Hinduismo.[7]

Ang Unang Misa

Kilala si Magellan at ang kronista na si Antonio Pigafetta bilang mga deboto. Nakita rin nilang pagkakataon ang kanilang paglalakbay upang maipalaganap ang Kristiyanismo.[8] Sa huling araw ng Marso, Araw ng Pagkabuhay, ay naganap ang Unang Misa sa Pilipinas na pinangunahan ni Padre Pedro de Valderrama sa baybayin ng Mazaua, o Limasawa sa kasalukuyan, sa timog na bahagi ng Leyte. Kasama rito ang dalawang pinuno, ang rajah ng Mazaua at ng Butuan. Napagpasyahan din ni Magellan na itayo ang isang malaking krus sa tuktok ng burol na natatanaw ang karagatan.[9][10]

Matapos ang seremonya, tinanong ni Magellan kung saang lugar sila maaaring dumaong at makakuha ng pagkain. Itinuro naman ng mga pinuno ang Ceylon, Zubu, at Calaghan; ngunit ang Zubu ang pinakamalaki at karaniwang puntahan. Inalok naman ng mga rajah na samahan sila ng mga taong magtuturo sa kanila ng direksiyon. Kinabukasan ay lumayag na ang hukbo ni Magellan kasama ang isang rajah na kusang-loob na naglingkod bilang piloto.[11]

Narating naman nina Magellan ang daungan ng Zubu, o ang kasalukuyang Cebu. Dito nakilala ni Magellan si Rajah Humabon, ang pinuno ng Isla ng Cebu. Naging magkaibigan ang dalawa nang mapagaling ni Magellan (o ng isa niyang tauhan) ang maysakit na apo ni Humabon. Doon din nabinyagan si Rajah Humabon, ang kaniyang asawa at ganap na naging Kristiyano sa pangalang Carlos at Juana. Bininyagan din ang 800 na katao. Hinandugan din sila ni Magellan ng imahen ng Santo Niño o ang Batang si Hesus.[12]

Noong 26  Abril 1521, ipinadala ni Zula, isa sa mga pinuno sa Isla ng Mactan, ang isa sa kaniyang mga anak upang maghandog ng dalawang kambing kay Magellan. Ipinangako nito ang kaniyang paglilingkod sa Hari ng Espanya, ngunit tinutulan ito ng isa pang pinuno sa Mactan na si Lapulapu. Nang naglaon, nagkasagupa  na si Magellan at Lapulapu, at sumiklab ang Labanán sa Mactan. Dito na rin nasawi si Magellan, at nagpabalik sa hukbo niya sa Espanya.[13]

Hindi natuldukan ng pagkamatay ni Magellan ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Noong 13 Pebrero 1565, dumating ang isa pang manlalayag na si Miguel Lopez de Legazpi at ang kaniyang hukbo sa katimugan ng Samar. Noong kalagitnaan ng Marso, narating niya ang parte ng Bohol, at nakilala ang datu ng Bohol na si Sikatuna. Dito naganap ang Sandugo o blood compact, na sumasagisag sa pagkakaibigan ng mga Pilipino at ng mga Espanyol. Ito rin ang hudyat ng pagtatagumpay ng Espanya na tuluyang sakupin ang Pilipinas at unti-unting ipalaganap ang Kristiyanismo sa kapuluan na isa sa mga layunin ng ekspedisyong ito, ayon sa kautusan ni Haring Felipe II.[14]

Mahahalagang Kristiyano sa Kasaysayan

Ang Pilipinas ay tahanan ng maraming Kristiyano. Narito ang ilan sa mga pinakamahalagang Kristiyano sa kasaysayan:

Mga Tradisyon at Kaugalian

May malaking gampanin ang relihiyon sa buhay ng bawat Kristiyanong Pilipino. Maraming selebrasyon sa Pilipinas ang nakakabit sa pananampalataya ng mga Katoliko. Ilan sa mga ito ay ang Pasko, Mahal na Araw, Araw ng Patay, at ang mga pista sa mga rehiyon upang ipagdiwang ang mga santo at ang Birheng Maria. Ito rin ang mga pagkakataon kung saan nagbubuklod-buklod ang mga pamilya. Marami rin sa mga bata at sanggol ang binibinyagan upang pagtibayin ang kanilang pananampalataya kay Kristo.[15]

Pasko

Ang Pilipinas ay kilala sa pagdiriwang ng pinakamahabang panahon ng Kapaskuhan. Ang Pasko ay ang petsa ng kapanganakan ni Hesus, na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre. Nakaugalian na ng mga Pilipino na magsabit ng mga pailaw at makukulay na parol, at ang pagtatayo ng Belen. Sa panahong ito rin nagbabahay-bahay ang mga tao upang kumanta ng mga awiting Pamasko o tinatawag din na “karoling.” Marami rin ang dumadalo sa Misa de Gallo o Simbang Gabi, kung saan inihahain din ang mga kakanin tulad ng bibingka at puto-bumbóng.[16] [17]

Sinasalubong ng mga Pilipinong Kristyano ang Pasko sa pamamagitan ng isang salusalo na tinatawag na Noche Buena o sa Filipino ay “magandang gabi.” Marami rin sa mga kabataan ang nagpupunta sa kanilang mga ninong at ninang, o sa mga nakatatanda, upang magmano at magbigay-galang, at humingi ng agináldo.[18]

Mahal na Araw

Ang Mahal na Araw o Semana Santa ang pangalawa sa pinakamahahalagang pagdiriwang ng mga Pilipinong Kristiyano na ipinagdiriwang isang linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ito ang sentro ng pagdiriwang ng panahon ng Kuwaresma, 40 na araw ng pag-aayuno mula Miyerkules ng Abo hanggang Sabado de Gloria, kung saan pinagninilayan ang pasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Kristo.

Nag-uumpisa ang Mahal na Araw sa Linggo ng Palaspas. Nagdadala ng palaspas ang mga Katoliko sa misa at pinababasbasan ito. Ipinagdiriwang din ang Huwebes Santo sa pagsisimba at panonood ng Senakulo. Kinaugalian na rin ang Visita Iglesia, kung saan pinupuntahan ng mga Katoliko ang iba’t ibang simbahan. Kilala rin ang ilang mga lugar sa bansa tulad ng San Fernando sa Pampanga, Maynila, Antipolo, at Marinduque sa pagsasadula ng pagpapahirap kay Hesus at ang kaniyang kamatayan. Marami pa rin ang gumagawa ng “pabasa” kung saan inaawit ang “Pasyong Mahal” o pagsasalaysay sa  buhay, pasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. Isa naman sa mga tradisyon na ginaganap sa Linggo ng Pagkabuhay ang Salubong, kung saan pinagtatagpo ang mga imahen ni Hesus at ang nahahapis na si Maria na nakabalot sa itim na kasuotan.[19][20] Ang ilan naman ay pumupunta sa Marinduque upang masaksihan ang Moriones, kung saan buong linggo na makikitang suot ng mga kalahok ang damit na tila mga sundalong Romano.[21]

Iba Pang Pista at Pagdiriwang

Kilala ang mga Pilipino sa pagiging masiyahin at magiliw sa mga panauhin. Ang maraming pista at pagdiriwang sa Pilipinas ay ang pagbubuklod ng kultura at relihiyon, dahil marami sa mga ito ay nakaugat sa pananampalataya. Ilan sa mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Katoliko ay ang Sinulog sa Cebu, Ati-Atihan sa Aklan, Dinagyang sa Iloilo, at Flores de Mayo o Santacruzan na ipinagdiriwang tuwing Mayo.[22]

Popular din sa maraming Pilipino ang Sayaw sa Obando na ginaganap tuwing ika-17 hanggang ika-19 ng Mayo. Nagpupunta ang mga mag-asawa sa simbahan ng San Pascual Baylon sa Obando, Bulacan, upang sumayaw at manalangin na mabiyayaan sila ng supling.[23]

Sanggunian

  1. “Global Christianity – A Report on the Size and Distribution of the World’s Christian Population,” Pew Research Center, 19 Disyembre 2011, https://www.pewforum.org/2011/12/19/global-christianity-exec/. Hinango 05 Enero 2021.
  2. Ray Cavanaugh. “Timor-Leste: A young nation with strong faith and heavy burdens,” The Catholic World Report, 24 Abril 2020, https://www.catholicworldreport.com/2019/04/24/timor-leste-a-young-nation-with-strong-faith-and-heavy-burdens/. Hinango 05 Enero 2021.
  3. “Philippines,” Minority Rights Group International, https://minorityrights.org/country/philippines/. Hinango noong 05 Enero 2021.
  4. “Fernão de Magalhães, d. 1521 (Ferdinand Magellan),” Princeton University Library, https://library.princeton.edu/visual_materials/maps/websites/pacific/magellan/magellan.html. Hinango noong 05 Enero 2021.
  5. Barrows, David P. “A History of the Philippines,” American Book Company: 1905. Hinano mula sa Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/files/38269/38269-h/38269-h.htm. Hinango noong 06 Enero 2021.
  6. Ibid.
  7. Ibid.
  8. Butterworth, Hezekiah. “The Story of Magellan and The Discovery of the Philippines,” Hinango mula sa Project Gutenberg, 21 Oktubre 2011. p. 122, https://www.gutenberg.org/files/37814/37814-h/37814-h.htm#chap17. Hinango noong 06 Enero 2021.
  9. Agoncillo, Teodoro A. “Introduction to Filipino History,” Radiant Star Pub.: 1974. p. 35, https://books.google.com.ph/books/about/Introduction_to_Filipino_History.html?id=kcRwAAAAMAAJ&redir_esc=y.  Hinango noong 06 Enero 2021.
  10. Bernad, Miguel A. “Butuan or Limasawa: The Site of the First Mass in the Philippines: A Reexaminationof the Evidence,” Budhi, Tomo 5, No. 3 6.1 (2002), https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/budhi/article/view/582/579.  Hinango noong 06 Enero 2021.
  11. Butterworth, p. 126.
  12. Russell, Susan. “Christianity in the Philippines,” Northern Illinois University, http://www.seasite.niu.edu/crossroads/russell/christianity.htm.  Hinango noong 06 Enero 2021.
  13. Butterworth, p. 139-143.
  14. Barrows, pp. 81-83.
  15. “Philippines,” Catholic and Cultures. https://www.catholicsandcultures.org/philippines. Hinango noong Enero 7, 2021.
  16. McCarthy, Julie. “Love The Holidays? The Philippines Celebrates 4 Months Of Christmas Mania,” NPR, 24 Disyembre 2018. https://www.npr.org/2018/12/24/678616528/love-the-holidays-the-philippines-celebrates-4-months-of-christmas-mania. Hinango noong 07 Enero 2021.
  17. Alivio, Cristina E. “Misa de Gallo delicacies” Sunstar, 16 Disyembre 2019, https://www.sunstar.com.ph/article/1836605/Davao/Feature/Misa-de-Gallo-delicacies. Hinango noong 07 Enero 2021.
  18. “Agináldo.” CulturEd Philippines. https://philippineculturaleducation.com.ph/aginaldo/. Hinango noong 07 Enero 2021.
  19. Billedo, Bernard. “Lent and Moriones,” Northern Illinois University. http://www.seasite.niu.edu/tagalog/cynthia/festivals/lent.htm.  Hinango noong 08 Enero 2021.
  20. Villain, Tyne. “Here are the most common Holy Week traditions in the Philippines,” Inquirer.net, 18 Abril 2019. https://pop.inquirer.net/73222/here-are-the-most-common-holy-week-traditions-in-the-philippines. Hinango noong 08 Enero 2021.
  21. “The Moriones,” California State University Northridge. http://www.csun.edu/~lan56728/marinduque4moriones.htm#:~:text=The%20Moriones%20is%20a%20costume,called%20the%20%22Moriones%20festival.%22. Hinango noong 08 Enero 2021.
  22. Paul A. Rodell. “Culture and Customs of the Philippines,” Westport: Greenwood Press, 2002, pp. 139-144.
  23. “Obando Feast of the Three Saints and Fertility Dance,” Catholics and Cultures. https://www.catholicsandcultures.org/feasts-holy-days/obando-feast-three-saints-philippines. Hinango noong 08 Enero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.