Korido

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang korido ay isang tulang pasalaysay na may sukat na wawaluhin at kalimitang may iisang tugmaan. Isa ito sa mga popular na babasahin sa Pilipinas noong ika-19 dantaon. Ang salitang korido  ay nagmula sa Spanish na occurido  na ang kahulugan ay “pangyayari.”

Deskripsiyon

Ayon sa paglalarawan ni Dr. Damiana L. Eugenio sa kaniyang aklat na Awit and Corrido: Philippine Metrical Romances (AC:PMR, 1987), ang korido ay mahabang salaysay na nasa berso na itinatanghal ang katangian (karangalan, katapangan, pagkamaginoo, kabayanihan, at iba pa) ng kabalyero noong Edad Medya, relihiyon, mga kuwentong-bayan. Ang korido ay ang pinakapopular na porma ng panitikan noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipiinas. Ito ay matinding nainpluwensyahan ng banyagang panitikan. May iisang disenyo ito ng taludtod, monoriming at assonant quatrain; at nag-iba-iba ang haba, simula sa ilang daan hanggang sa ilang libong linya.

Ayon sa mas detalyadong paglalarawan ni Trinidad H. Pardo de Tavera, isang natatanging Pilipinong iskolar, ang korido ay kuwentong nasa berso ukol sa makasaysayang pangyayari, minali (falsified) at maguni-guni (fanciful); trahedyang pag-ibig, puno ng kahanga-hangang pangyayari, sinamahan ng banal at kagila-gilalas na pangyayari at mala-demonyong madyik–lahat mahaba, malabis, puerile, at hindi makatwiran sa sukdulan. Walang isa man sa tauhan ay katutubo. Lahat ay Turko, Arabo, kabalyero, embahador, duke, mandirigma, na may madyik na braso at balsamo katulad ng tanyag na si Fierablas, mabubuting Espanyol at masamang estranghero. Lahat ng tauhan ay iba sa pamumuhay ng mga Pilipino dahil hawig lang sila ng totoong tao ng hindi alam na mga pook at kagila-gilalas na mga lipi (AC:PMR, 1987).

Pagkakapareho at Pagkakaiba

“Corrido” ang tawag sa metriko romanse na Ilongo, Cebuano, at Bicolano. Ito ay “kuriru” sa Pampango; “biag” (buhay) o “pinagbiag” sa Ilokano; at “impanbilay” sa Pangasinan] (D. L. Eugenio, "Metrical Romances," Encyclopaedia of the Philippines: Literature [EP:L], vol. IX, p. 204). Sa panitikang Tagalog ang korido ay tinatawag na “buhay” at “historia,” hawig sa “biag” o “pinagbiag.” Hawig din ito sa kahulugan ng salitang “bida” o “vida” ng Bisaya (Resil Mojares, Origins and Rise of the Filipino Novel, p. 61).

Sa panitikang Tagalog ang awit ay naiiba sa korido sa bilang ng pantig sa bawat taludtod. Ang korido ay waluhang pantig (octosyllabic) na berso, na ang tawag ay “hakira.” Ang awit naman ay labindalawahang pantig (dodecasyllabic) na berso, na ang tawag ay “plosa.” (Eugenio, "Metrical Romances,[ EP:L, vol. IX, p. 204).

Maliban sa haba ng berso, na sinusunod lamang sa metriko romanse na Tagalog, walang nakitang ibang balidong pagkakaiba sa pagitan ng awit at korido (Eugenio, Awit and Corrido: Philippine Metrical Romances.) Ito ang maaaring dahilan kung bakit isinaalang-alang niya ang salitang korido bilang pangkalahatang pangalan ng metriko romanse sa Filipino. Si Resil Mojares sa kaniyang aklat na Origin and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel until 1940 ay ginamit din ang salitang “corrido” bilang genre dahil, ayon sa kaniya, ang mga kaibahang nakasaad ukol dito ay pawang haka-haka.

Ngunit mukhang magkaiba nga ang awit at korido. Si Rizal, kahit na hindi ibinigay ang pagkakaiba nito, ay malinaw na nagsabi sa kaniyang madamdaming sulat kay Vicente Barrantes na ang awit at korido ay magkaiba. Ang bahagi ng sulat na ito ay nagsasaad na: “Everything Your Excellency says about the ‘corridos’ might be correct, but the fact is, Your Excellency does not know what the Tagalogs call ‘corridos.’ The Tagalog differentiate them from the ‘awits,’ another thing that Your Excellency does not have to know. The purpose is to insult the race and to insult it, knowledge is not necessary.” (La Solidaridad, Quincerio democratico, vol. 1, 1889, translated by Guadalupe Fores-Ganzon, Fundacion Santiago, 1995, p. 225.):

Manunula

Ang “Masterlist of Philippine Metrical Romances” (Eugenio, Awit and Corrido: Philippine Metrical Romances) ay may tala ng 344 na pamagat ng mga awit at korido. Karamihan, lalo na ang mga nauna, ay walang pangalan ng may akda. Sa limampung pinag-aralan ni Dr. Eugenio, 15 lamang ang may pangalan ng may akda o may inisyal. Karamihan sa may-akda ay gumagamit ng alyas, tulad ni Gedeere ng Julieta at Romeo. Ang mga historyador ng panitikan ay nakatuklas lamang ng tatlong mahalagang manunula na Tagalog: si Jose de la Cruz, ang tinaguriang may-akda ng lima o anim na rmetrinko romanse, tulad ng Bernardo Carpio; si Francisco Balagtas, na sumulat ng Florante at Laura at marami pang iba na natupok sa sunog; at si Ananias Zorilla, ang pinaniniwalaan na may-akda ng Dama Ines at Principe Florinio.

Sa kasalukuyan, bahagi ng pag-aaral ng kabataang Pilipino sa ika-pitong baitang ay ang koridong Ibong Adarna, na may orihinal na pamagat na Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania. Ang koridong ito ay binubuo ng 1,034 saknong. May elektronikong sipi nito na matatagpuan sa Internet na inilimbag ng Aklatan ni Juliana Martinez sa Maynila ngunit walang nakasaad na petsa kung kailan ito orihinal na nailimbag. Gayunman, may paniniwala na si Jose de la Cruz, kilala rin sa tawag na Huseng Sisiw, ang nagsulat ng korido. Higit na naging popular sa mga Pilipino ang Ibong Adarna nang ito ay nagkaroon ng mga bersiyon sa iba’t ibang katutubong wika, tulad ng Ilokano at Hiligaynon.

Karaniwan ibinebenta noon ang mga sipi ng korido sa mga perya sa mga bayang nagdiriwang ng pista. Kalaunan ay itinanghal na rin ito sa mga entablado ng komedya at moro-moro. Nagkaroon din ng mga adaptasyon nito sa mga dulang panteatro, panradyo, at pampelikula.

Introduksiyon at Katanyagan

Ang korido ay maaaring nakapasok sa Pilipinas noong 1600 sa pamamagitan ng pangkat ni Miguel López de Legazpi. Naging napakatanyag nito noong ika-19 siglo hanggang ika-20 siglo. Sa pagpasok ng modernong babasahin, humina ang katanyagan nito. Naobserbahan ang pagtanyag muli ng awit at korido sa huling bahagi ng siglo, na maaaring bilang isang gawaing iskolar o maaaring bilang bahagi ng pagsusumikap ng mga mamamayan na matuklasan ang kanilang sarili bilang bansa.

Listahan

Ang sumusunod ay ang limampung awit at korido na pinag-aralan ni Dr. Damiana L. Eugenio ukol sa ugnayan sa kaniyang banyagang batis na nagpapakita na karamihan ay isinakatutubo.

Charlemagne Cycle

  1. Clodoveo and Clotilde - Ignacio, Cleto R. Casaysayan ng Catotohanang Buhay ng Haring Clodoveo at Reyna Clotilde sa Reinong Francia.
  2. Doce Pares -[T.L.C.G.] Salita at Buhay ng Doce Pares sa Francia na kampon ng Emperador Carlo Magno hangga nang Ipagkanulo ni Galalon na Nagapatay sa Roncesvalles. Maynila: P. Sayo., 1947.
  3. Baldovino - Corrido at Pinagdaanang Buhay nang Principe Baldovino sa Kaharian ng Dacia at nang Princesang si Sevilla sa Reino nang Sansueña. Maynila: P. Sayo. n.d.
  4. Irlos - Corrido ang Bierang Delanan ning Conde Irlos ila nang Condesang Asauana ang Cayariang Francia. Manila: Aklatang Lunas, n.d. (Pampango)

Arthurian Cycle

  1. Tablante de Ricamonte - Dinaanang Buhay ni Tablante de Ricamonte sampo ng Mag-asauang si Jofre at ni Bruniesen sa Caharian nang Camalor na Nasasacupan nang Haring si Artos at Reina Ginebra.

Spanish-Portuguese history & legend

  1. Bernardo Carpio - Ang Walang Pagkupas na Kasaysayan ni Bernardo Carpio. Maynila: Philippine Book Co., 1949
  2. Siete Infantes de Lara - Salita at Buhay na Kahabag-habag na Pinagdaanan ng Pitong Infantes de Lara at nang Kaaba-abang Kanilang Ama sa Reinong España. Maynila: P. Sayo, 1919.
  3. Almanzor - Buhay ng Duque Almanzor at ni Mariang Matalinong Bait sa Kaharian ng Toledo nang Panahong nasa Capangyarihan ng mga Moro. Maynila: P. Sayo. n.d.
  4. Rodrigo de Villas - Salita at Buhay na Pinagdaanan ni Don Rodrigo de Villas at ni Doña Jimena sa Kaharian ng Espanya. Maynila: P. Sayo, 1926
  5. Dama Ines - Ang Kahabag-habag na Buhay nang Dama Ines sa Kahariang Portugal, Alila nang Isang Princesa sa Bayang España Mulang Pagkabata. No imprint.
  6. Gonzalo de Cordoba - Buhay ni Gonzalo de Cordoba, na Pinalayaw na Gran Capitan, at nang Princesa Zulema. Maynila: J. Martinez, n.d.

Spanish books of chivalry

  1. Oliveros and Artos /(Oliveros and Armenia) - (E. J. de T.) Salita at Buhay nang Principe Oliveros at nang Princesa sa Caharian nang Inglaterra at sampo nang Principe Artos at ng Princesa Blanca na Ama at Ina ni Don Juan Tiñoso sa Reinong Valencia. Maynila: J. Martinez, 1915.
  2. Adriana and Pantinople - Ang Pinagdaanang Buhay nang Princesa Adriana sa Kahariang Antioquia at nang Principe Pantinople sa Imperiong Francia. No imprint.
  3. The Wooden Horse - Kabayong Tabla: Buhay ng Principe Don Juan at Princesa Donya Maria sa Kaharian ng Balensia at Asturias. Manila: Aklatang Lunas, 1950.
  4. Roberto el Diablo - Salita at Buhay ni Roberto el Diablo Anak nang Duque de Normandia; at sa Huli Tinauag na Tauo nang Dios. Binondoc (Manila): Libreria Tagala, n.d.

Oriental didactic tales

  1. Alejandre and Luis - Salita at Buhay nang Dalawang Magkapuwa Bata na si D. Alejandre at D. Luis sa Kaharian ng Aragon at Mosobia. Quezon City: Samar Publishing Co., 1957.
  2. Floristo and Blanca Flor - Salita at Buhay ng Isang Pastora na si Blanca Flor sa Isla Florista at ng Principe Floristo sa Siudad ng Gran Cayro. Maynila: P. Sayo, n.d.
  3. Erastro - Salita at Buhay na Pinagdaanan nang Principe Erastro na Anac nang Haring Deocleciano sa Reyno ng Roma. Maynila: n.p., 1912
  4. Doncella Teodora - Buhay na Pinagdaanan ni Doncella Teodora, na ito’y Binili at Naging Parang Anac ng isang Mercader na si Crispulo Asawa ni Leoncia sa Cahariang Darmacia. Icalimang pagcalimbag. Maynila: J. Martinez, 1937.

Italian novella

  1. Cricelda - Salita at Buhay na Pinagdaanan nang Dalawang Mag-ama sa isang Aldeang Sakop nang Reinong España. Maynila: P. Sayo, n.d.
  2. Julieta and Romeo - Gedeere (pseudonym) Julieta at Romeo: O Sintahang Dalisay. Icalauang pagkalimbag. Maynila: J. Martinez, n.d.

The Constance Saga

  1. Florentina - Buhay ng Kawawa at Mapalad na Princesa Florentina sa Kahariang Alemanya. Maynila: Aklatang Lunas, 1950.
  2. Maria who became a Crab - L., H. Salita at Buhay ni Maria na Anak ni Juan de la Costa at ni Dalida na naging Alimango sa Reinong Ungria. Maynila: P. Sayo, 1953.
  3. Proceso - Buhay ng isang Mercader na si Proceso at nang Caniyang Anac na si Maria sa Caharian ng Ungria. Maynila: J. Martinez, 1909.

Classical romance

  1. Destruction of Troy - Ignacio, Cleto R. Ang Cahambal-hambal na Pagcaguho ng Troya: Catotohanang Buhay nang Principe Paris Anac ng Haring Priamo at nang Reyna Esilva sa Cahariang Troya. Maynila: P. Sayo, 1916.

Miscellaneous tale types

  1. The Adarna Bird - Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magkakapatid na Anak ng Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Kahariang Berbania. Maynila: P. Sayo, n.d.
  2. Asuero - Salita at Buhay na Pinagdaanan nang Haring Asuero, ni Doña Maria, at ni Juan Pobre sa Bayang Herusalem. Maynila: J. Martinez, 1924
  3. The Dead King - Salita at Buhay na Pinagdaanan nang Haring Patay na si Don Juan sampu nang Kanyang Kapatid na si Don Pedro sa Kahariang Ungria at ang Princesang Anak nang Haring Gonzalo sa Reynong Alejandria. Maynila: Aklatang Lunas, 1956.
  4. Eliseo and Feliza - (M., J.) Ang Catua-tuang Buhay na Pinagdaanan nang Mag-asauang Eliseo at ni Feliza sampu nang canilang Cumpareng Caritativo sa Ciudad ng Cordova. Maynila: J. Martinez, 1937.
  5. Felizardo and Rogeria - (Y., E.) Salita at Buhay na Pinagdaanan nang Magcasintahan na si Don Felizardo at si Doña Rogeria sa Caharian ng Barcelona. Maynila: J. Martinez, 1915.
  6. Florante and Laura - Baltazar, Francisco. Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kaharian ng Albanya. Maynila: P. Sayo, 1923.
  7. Gunlas - Castillo y Marquez, Esteban. Pinagdaanang Buhay ni Gunlas na Anac ng isang Privado sa Cahariang España. Maynila: J. Martinez, 1915.
  8. Igmidio and Cloriana - Salita at Buhay ni Principe Igmidio na Anak ng Haring Gonzalo sa Reynong Aragon at Princesa Cloriana na Anak ng Haring Grimaldo sa Reynong Gran Cairo. Maynila: P. Sayo, 1956.
  9. Jaime del Prado - (R., L.) Buhay na Pinagdaanan ni D. Jaime del Prado na Anak nang Haring Enrico at Reina Isabela sa Reino ng Ungria. Maynila: J. Martinez, 1921.
  10. Juan and Maria, Brother and Sister - (M., J.) Corrido at Buhay na Pinagdaanan ng dalauang Magcapatid na si Juan at si Maria sa Reinong España. Maynila: P. Sayo, n. d.
  11. Juan Bachiller - Ang Cahapis-hapis na Buhay nang Dalauang Mag-ama na Pinangyarihan sa Reinong España na si Juan Anac, Ipinagbili ang Catauan niya sa isang Mercader Ipalibing lamang ang Amang Namatay. Maynila: n.p. , 1894.
  12. Juan del Mundo - Buhay na Pinagdaanan ni Don Juan Hari sa Mundo nang Austria at ni Doña Maria sa Kaharian nang Murcia. Maynila: P. Sayo, 1919.
  13. Juan Tiñoso - Ang Kalugod-lugod na Buhay ni Don Juan Tiñoso at ng Princesa Flocerpida. Maynila: Aklatang Lunas,1949.
  14. Leopoldo and Arintina - Pinagdaanang Buhay ni Leopoldo at ni Arintina, Princesang Anak nang Haring Aronte sa Kaharian ng Pransia at ang Kahabag-habag na Nasapit ni Leogarda sampu ng Dalawa niyang Anak na Tubo sa Villa. Maynila: P. Sayo, n.d.
  15. Magcarayap: Cay Calabasa - Buhay ng Dalauang Magcasintahan sa Cahariang Borgoña na Pinamagatang Magcarayap at nang isang Pastorang Tubo sa Villa na naging Asaua nang Hari sa isang Calabasa. Maynila: P. Sayo, 1953.
  16. Doña Maria (Heavenly Princess) - Ang Maogmang Vida ni Doña Maria na Princesa sa Calangitan na Napag-agom ni Don Juan na taga España. Naga City, n.d. (Bikol)
  17. Octavio - Corrido qng Bie nang Delanan ning Aring Don Octavio ampon ning Reina Teodora at Don Fernando, a Anac da qng Cayarian España. (Pampango)
  18. Orontis and Talestris - Buhay na Pinagdaanan nang Principe Orontis at nang Reina Talestris sa Caharian nang Temesita. Maynila: P. Sayo, n.d.
  19. Palmerin - Corrido qng Bienang Delanan ning suguing Aring Palmarin ila ning Asaua nang Capanusig a Reina Isberta qng Cayarian Marsella. Maynila: J. Martinez, n.d. (Pampango)
  20. Reyna Mora - Salita at Buhay na Pinagdaanan ni Haring D. Luis sa Tatlong Anak at sa Reyna Mora. Maynila: J. Martinez, 1921.
  21. Sigesmundo (and Policena) - (Julian, Eulogio). Salita at Buhay na Pinagdaanan ni Sigesmundo at nang Duquesa Policena at nang Principe Adonais at nang Princesa Cloriana at Principe Tangcredo at ni Laveña sa Cahariang Albania. Maynila: J. Martinez, 1914.
  22. Susana - Ang Kahapis-hapis na Buhay ng Binibining si Susana. Maynila: P. Sayo, 1926
  23. Villarba - (T.V.) Salita ng Cahabag-habag na Buhay ng Haring si Villarba at ng Reynang si Doña Maria sampo ng Canilang Anac na Tumubo sa Reyno ng Truel. Maynila: Imprenta Ilagan y Sanga, 1923.

Saints' lives

  1. Isabela - Salita at Buhay na Pinagdaanan ni Isabel sa Kahariang Portugal. Maynila: P. Sayo, n.d.
  2. Margarita de Cortona - Ignacio, Cleto R. Cahanga-hangang Buhay ni Santa Margarita Cortona na taga Toscana sa Nayon ng Diocesis at Limang Virgenes at Apat na Puong Soldados na pawang mga Martires at ibang Nadamay. Maynila: P. Sayo, 1916.

Sanggunian

  • Encyclopaedia Britannica, Micropaedia, vol. III, 1964.
  • Eugenio. Damiana L. Awit and Corrido: Philippine Metrical Romances. Quezon City, Philippines: University of the Philippine Press, 1987.
  • La Solidaridad, Quincerio democratico, vol. 1,1889, translated by Guadalupe Fores-Ganzon, Fundacion Santiago, 1995.
  • Mojares, Resil B. Origin and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press, 1983.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.