Komisyon sa Halalan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Komisyon sa Halalan (Commission on Elections o COMELEC sa English) ay natatanging tanggapan ng pamahalaan ng Pilipinas na nagpapatupad ng mga batas panghalalan at nangangasiwa sa malinis, maayos, tahimik, at malayang halalan. Ang punong tanggapan nito ay matatagpuan sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila. [1]

Ang COMELEC ay nabuo noong 1940 nang magkaroon ng mga pagbabago sa Konstitusyon ng 1935. Pinalawak ang mga kasapi nito at pinalawig ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga Konstitusyon ng 1973 at 1987. Ito ay may kapangyarihang administratibo, pambatasan, at hudisyal.

Logo ng COMELEC

Ang Komisyon ay binubuo ng isang Tagapangulo at anim na mga Komisyonado. Ang mga kuwalipikasyon ay ang mga sumusunod:

  1. Katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas;
  2. Tatlumpu’t limang taong gulang sa panahon ng pagkakahirang sa kanila;
  3. Naghahawak ng titulo sa kolehiyo; at
  4. Hindi kailanman naging kandidato sa anumang katungkulang halal sa halalang kagyat na sinundan

Ang mayorya, kasama na ang Tagapangulo, ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado nang hindi bababa sa loob ng sampung taon.

Ang Tagapangulo at mga Komisyonado ay dapat hinihirang ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghihirang sa isang pitong taong taning ng panunungkulan na hindi muling mahihirang. Sa mga naunang nahirang, tatlong (3) kagawad ang manunungkulan sa loob ng pitong taon, dalawang kagawad sa limang taon at mga nalalabing kagawad sa tatlong taon na hindi na muling mahihirang. Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang na sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Hindi dapat hirangin o italaga ang sinumang kagawad sa katayuang pansamantala.

Mandato

Ang COMELEC ay kailangang tuparin ang sumusunod na mandato:

  1. Magpatupad at mamahala sa pagpapatupad ng lahat ng batas at regulasyon sa padaraos ng halalan, plebisito, inisyatibo, referendum at pagkansela;
  2. Gampanan ang eksklusibong orihinal na hurisdiksiyon sa lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga kinalabasan, at katangian ng lahat ng halal na mga pinunong pangrehiyon, panlalawigan, at panglungsod;
  3. Magpasiya, maliban sa mga may kinalaman sa karapatan sa pagboto, sa lahat ng mga suliranin tungkol sa mga halalan, kasama ang pagpapasiya sa bilang at kinalabasan ng mga botohan, paghirang ng mga pinuno at mga inspektor ng halalan, at pagrerehisto ng mga botante;
  4. Magsugo,sa pagsang-ayon ng Pangulo, sa mga sangay at kasangkapang tagapagpatupad ng batas ng pamahalaan, kasama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ukol sa tanging layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan;
  5. Irehistro, pagkaraan ng sapat na paglalathala, ang mga partido, mga organisasyon, o mga koalisyong pampolitika na bukod sa iba pang mga katangian ay kinakailangang magharap ng kanilang plataporma o programa ng pamahalaan at kilalanin ang mga lingkod-bayan ng Komisyon sa Halalan;
  6. Batay sa beripikadong sumbong o sa pagkukusa nito, magharap ng mga petisyon sa hukuman ukol sa pagdarakip o pagwawaksi ng mga botante sa rehistro ng mga kwalipikadong botante, sisiyasatin at usigin ang paglabag sa mga batas sa halalan;
  7. Itagubilin sa Kongreso ang mga mabisang hakabangin upang mapaliit ang gastos sa halalan, ang pagtatakda ng lugar na paglalagyan ng mga kagamitan sa propaganda, mapigil at maparusahan ang lahat ng uri ng pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan;
  8. Itagubilin sa Pangulo ang pag-aalis sa sinumang pinuno o kawani na isinugo nito o pagpapataw ng anumang iba pang aksiyong disiplinaryo, dahil sa paglabag o pagwawalang-bahala, o pagsuway sa mga tagubilin, utos, o pasiya nito, at;
  9. Iharap sa Pangulo at sa Kongreso ang komprehensibong ulat tungkol sa pamalakad ng bawat halalan, plebesito, inisyatibo, reperendum, o pagkansela.

Ang COMELEC ay may kapangyarihang magpasya en banc o sa dalawang dibisyon. Dapat ding maglagda ng mga alituntunin ng pamamaraan nito upang mapadali ang pagpapasiya sa mga kaso na may kaugnayan sa halalan kabilang ang mga hidwan bago iproklama ang nanalo.

Ang alinmang patawad, amnestiya, o suspensiyon ng kaparusahan sa paglabag sa mga batas, tuntunin, at mga alituntunin ng halalan ay hindi dapat ipagkaloob ng pangulo nang walang pagsang-ayon ng Komisyon.

Mga Kagawaran ng Komisyon

Ang punong tanggapan ng Komisyon sa Intramuros, Maynila ay binubuo ng siyam na kagawaran:

  1. Kagawaran ng Batas (Law Department)
  2. Eleksiyon at Gawaing Pambarangay
  3. Protestang Elektoral at Adhudikasyon
  4. Kagawaran ng Edukasyon at Kabatiran (Eduacation and Information Department)
  5. Talaan ng Eleksiyon at Estadistika
  6. Gawaing Administratibo
  7. Gawaing Pananalapi
  8. Pantauhan (Personnel)
  9. Pagpaplano (Planning Department)

Kasaysayan

Ang Komisyon sa Halalan noong 1978 ay binubuo nina [mula sa kaliwa]:Komisyonado Flores A. Bayot, Komisyonado Venancio S. Duque, Tagapangulo Leonardo B. Perez, Komisyonado Domingo C. Pabalete, at Komisyonado Vicente Santiago, Jr.

Bago naitatag ang Komisyon, ang mga halalan sa Pilipinas ay pinamamahalaanan ng mga Kalihim ng Interyor na may malawak na kapangyarihan at karapatang pigilin o alisin sa tungkulin, sa pahintulot ng Pangulo ng Pilipinas, ang sinomang inaakalang hindi kanais-nais na opisyal sa pamahalaan. Ang Hukuman ang dumidinig sa mga suliraning kaugnay sa karapatan sa pagboto at protesta ng mga kandidatong talunan. Ang Komisyong Elektoral na binubuo ng tatlong (3) Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman at anim (6) na kasapi ng Pambansang Asembleya (National Assembly) ang siyang dumirinig at humahatol sa mga protesta ng mga kaanib nito.[2]

Gayunman, sumapit ang sandaling nagkaroon ng hinalang ang halalan ay ginagamit na kasangkapan ng mga Kalihim Panloob upang pagbigyan ang partido pampolitika ng pangulo na kanila ring kinaaaniban. Ang malapit na ugnayang namamagitan sa Pangulo at Kalihim Panloob ang hinihinalang sanhi ng kalimita'y hindi malinis na halalang nagaganap. Upang maiwasan ang ganitong pangyayari, ang Pambansang Asembleya ay nagpasyang susugan ang Saligang Batas (ng 1935) at bumubuo ng isang Komisyon sa Halalan na papalit sa gawain ng Kalihim Panloob. Pinagtibay ng Pambansang Asembleya sa bisa ng resolusyon Bilang 73 noong 11 Abril 1940 ang tatlong susog sa probisyon ng Saligang Batas (ng 1935) na:

  1. Payagan ang re-eleksiyon ng Pangulo;
  2. Magtatag ng sistemang bikameral na lehislatura na bubuhay sa Senado; at
  3. Lumikha ng nagsasariling Komisyon sa Halalan.

Ang mga susog na ito sa Saligang Batas ay niratipikahan ng mamamayan ng magdaos ng plebisito noong 17 Hunyo 1940 na isinumite sa Pangulong Franklin Delano Roosevelt upang pagpasyahan. Sa dahilang hindi pa nagkakabisa ang mga pagbabagong nabanggit, ipinasa ng Pambansang Asembleya ang Batas Komonwelt Bilang 607 nagtatag ng isang Komisyon sa Halalan na mamamahala sa halalang idadaos sa 10 Disyembre 1940. Samantala, ang mga susog sa Saligang Batas ay ganap na nagkabisa noong 2 Disyembre 1940 matapos itong sang-ayunan ng Pangulo ng Estados Unidos.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng reorganisasyon ang Komisyon noong 22 Hunyo 1941 at sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 657, mula sa pagiging batas ay naging ganap na katauhang Konstitusyonal ang Komiyon. Itinakda ng 1935 Saligang Batas, na sinusugan, na manunungkulan ang Tagapangulo nito ay manunungkulan ng siyam (9) na taon, ang unang kagawad ay anim (6) na taon at ang pangalawang kagawad ay tatlong (3)taon. Sila ay maari lamang maalis sa kanilang tungkulin sa pamamagitan ng impeachment. Sila ay tatanggap ng sahod ma hindi maaring dagdagan o bawasan sa panahon ng panunungkulan, mamamahala at magpapatupad ng mga batas panghalalan at may kapangyarihang humatol sa mga suliraning may kinalaman sa halalan maliban sa karapatan sa pagboto na tanging mga hukuman lamang ang may kapangyarihang humatol.

Mga Opisyal

Ang kasalukuyang tagapangulo ng COMELEC ay si Sheriff M. Abas. Ang mga komisyoner naman ay sina Ma. Rowena Amelia V. Guanzon, Socorro B. Inting, Marlon S. Casquejo, Antonio T. Kho Jr., at Aimee P. Ferolino.[3]

Narito naman ang talaan ng mga nakalipas na opisyal:[4]

Pangalan Posisyon Panahon ng Panunungkulan
Pedro Concepcion Tagapangulo 1 Setyembre 1940–11 Mayo 1941
Jose C. Abreu Komisyonado 1 Setyembre 1940–11 Oktubre 1944
Rufino Luna Komisyonado 1 Setyembre 1940–12 Hulyo 1945
Jose L. Vito Tagapangulo 13 Mayo 1941–7 Mayo 1947
Francisco Enage Komisyonado 12 Hulyo 1945–9 Nobyembre 1949
Vicente de Vera Komsiyonado 12 Hulyo 1945–8 Abril 1951
Leopoldo Rovira Komisyonado 22 Mayo 1947–10 Setyembre 1954
Rodriguez Perez Jr. Komisyonado 8 Disyembre 1949–21 Hunyo 1956
Domingo Imperial Tagapangulo 14 Agosto 1951–31 Marso 1958
Jose P. Carag Tagapangulo 19 Mayo1958–20 Hunyo 1959
Gaudencio Garcia Komisyonado 18 Mayo 1955–6 Hunyo 1962
Genaro Visarra Komisyonado 12 Mayo 1960–10 Nobyembre 1962
Juan V. Borra Tagapangulo 2 Agosto 1962–20 Hunyo 1968
Manuel Arranz Komisyonado 27 Agosto 1967–2 Hunyo 1969
Cesar Miraflor Komisyonado 11 Nobyembre 1962–20 Hunyo 1971
Jose M. Mendoza Komisyonado 6 Setyembre 1971–17 Mayo 1973
Jaime N. Ferrer Komisyonado 23 Mayo 1969–28 Mayo 1973
Lino M. Patajo Komisyonado 16 Hunyo 1969–31 Mayo 1973
Liningding Pangandaman Komisyonado 29 Mayo 1973–15 Nobyembre 1973
Hashim R. Abubakar Komisyonado 25 Hulyo 1974–17 Mayo 1976
Leonardo B. Perez Tagapangulo 29 Mayo 1973–17 Mayo 1980
Venancio R. Yaneza Komisyonado 30 Mayo 1973–17 Mayo 1980
Fernando R. Veloso Komisyonado 30 Mayo 1973–17 Mayo 1980
Casimiro R. Madarang Jr. Komisyonado 30 Mayo 1973–17 Mayo 1980
Flores A. Bayot Komisyonado 30 Mayo 1973–17 Mayo 1980
Venancio S. Duque Komisyonado 1 Hunyo 1973–17 Mayo 1980
Ide C. Tillah Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1983
Luis L. Lardizabal Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1983
Romeo N. Firme Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1983
Vicente M. Santiago Jr. Komisyonado 17 Mayo 1978–17 Mayo 1985
Domingo C. Pabalate Komisyonado 17 Mayo 1978–17 Mayo 1985
Noli M. Sagadraca Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1985
Mangontawar B. Guro Komisyonado 30 Hulyo 1985–11 Abril 1986
Ruben Agpalo Komisyonado 2 Enero 1986–23 Hulyo 1986
Jaime J. Layosa Komisyonado 29 Enero 1986–23 Hulyo 1986
Mario D. Ortiz Komisyonado 30 Hulyo 1985–23 Hulyo 1986
Quirino A. Marquinez Komisyonado 1 Agosto 1985–23 Hulyo 1986
Victorino A. Savellano Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1987
Jaime C. Opinion Komisyonado 17 Mayo 1980–17 Mayo 1987
Tomas V. dela Cruz Komisyonado 11 Disyembre 1986–3 Setyembre 1987
Anacleto D. Badoy Jr. Komisyonado 16 Hulyo 1986–3 Pebrero 1988
Hilario G. Davide Jr. Tagapangulo 15 Pebrero 1988–12 Enero 1990
Ramon H. Felipe Jr. Komisyonado 21 Marso 1984–17 Mayo 1990
Froilan M. Bacungan Komisyonado 21 Marso 1984–17 Mayo 1990
Leopoldo L. Africa Komisyonado 14 Hunyo 1986–15 Pebrero 1991
Andres R. Flores Komisyonado 17 Hulyo 1986–15 Pebrero 1991
Alfredo E. Abueg Jr. Komisyonado 16 Disyembre 1987–20 Enero 1992
Haydee B. Yorac Komisyonada 15 Hulyo 1986–11 Pebrero 1993
Dario C. Rama Komisyonado 16 Hulyo 1986–15 Pebrero 1994
Vicente B. de Lima Komisyonado 7 Pebrero 1992–4 Nobyembre 1994
Magdara B. Dimaampao Komisyonado 15 Pebrero 1988–15 Pebrero 1995
Christian S. Monsod Tagapangulo 6 Hunyo 1991–15 Pebrero 1995
Graduacion R. Claravall Komisyonado 12 Abril 1993–14 Hunyo 1996
Remedios S. Fernando Komisyonada 14 Pebrero 1992–14 Pebrero 1998
Regalado E. Maambong Komisyonado 6 Hunyo 1991–15 Pebrero 1998
Evalyn I. Fetalino Komisyonada 16 Pebrero 1998–30 Hunyo 1998
Armado M. Calderon Komisyonado 16 Pebrero 1998–30 Hunyo 1998
Bernardo P. Pardo Tagapangulo 17 Pebrero 1995–7 Oktubre 1998
Abdul Gani Marohombsar Komisyonado 7 Setyembre 1998–3 Hunyo 1999
Manolo B. Gorospe Komisyonado 14 Abril 1993–14 Pebrero 2000
Japal M. Guiani Komisyonado 29 Marso 1996–15 Pebrero 2000
Julio F. Desamito Komisyonado 3 Enero 1995–15 Pebrero 2001
Teresita D. Flores Komisyonada 17 Pebrero 1995–15 Pebrero 2001
Harriet O. Demetriou Tagapangulo 11 Enero 1999–15 Pebrero 2001
Alfredo L. Benipayo Tagapangulo 15 Pebrero 2001–5 Hunyo 2002
Luzviminda G. Tancangco Komisyonada 5 Agosto 1998–2 Pebrero 2004
Ralph C. Lantion Komisyonado 6 Enero 2000–12 Pebrero 2004
Virgilio O. Garcillano Komisyonado 12 Pebrero 2004–10 Hunyo 2005
Manuel A. Barcellona Jr. Komisyonado 12 Pebrero 2004–10 Hunyo 2005
Rufino S. Javier Komisyonado 4 Abril 2000–2 Pebrero 2006
Mehol K. Sadain Komisyonado 17 Hulyo 2000–2 Pebrero 2006
Benjamin S. Abalos Tagapangulo 17 Hunyo 2002–2 Pebrero 2007
Resurreccion Z. Borra Komisyonado 15 Pebrero 2001–2 Pebrero 2008
Florentino A. Tuason Jr. Komisyonado 20 Pebrero 2001–2 Pebrero 2008
Romeo A. Brawner Komisyonado 19 Setyembre 2005–29 Mayo 2008
Moslemen T. Macarambon Komisyonado 5 Nobyembre 2007–10 Oktubre 2008
Jose Armando R. Melo Tagapangulo 25 Marso 2008–15 Enero 2011
Nicodemo T. Ferrer Komisyonado 15 Hunyo 2006–2 Pebrero 2011
Gregorio Y. Larrazabal Komisyonado 15 Oktubre 2009–2 Pebrero 2011
Leonardo L. Leonida Komisyonado 2 Hulyo 2008–11 Pebrero 2011
Augusto C. Lagman Komisyonado 3 Hunyo 2011–16 Abril 2012
Rene V. Sarmiento Komisyonado 7 Abril 2006–2 Pebrero 2013
Armando C. Velasco Komisyonado 8 Nobyembre 2008–2 Pebrero 2013
Maria Gracia Cielo M. Padaca Komisyonada 8 Oktubre 2012–11 Hunyo 2014
Lucenito N. Tagle Komisyonado 3 Hulyo 2008–2 Pebrero 2015
Elias R. Yusoph Komisyonado 24 Hulyo 2009–2 Pebrero 2015
Sixto S. Brillantes Jr. Tagapangulo 17 Enero 2011–2 Pebrero 2015
J. Andres D. Bautista Tagapangulo 28 Abril 2015–23 Oktubre 2017
Christian Robert S. Lim Komisyonado 7 Abril 2011–2 Pebrero 2018
Arthur D. Lim Komisyonado 25 Hulyo 2014–2 Pebrero 2018
Al A. Parreño Komisyonado 15 Abril 2013–2 Pebrero 2020
Luie Tito F. Guia Komisyonado 15 Abril 2013–2 Pebrero 2020

Mga Sanggunian

  1. “About COMELEC.” https://comelec.gov.ph/?r=AboutCOMELEC. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  2. “Historical Background.” https://comelec.gov.ph/?r=AboutCOMELEC/HistoricalBackground. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  3. “Present Members of the Commission.” https://comelec.gov.ph/?r=AboutCOMELEC/CommissionMembers. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  4. “Past Members of COMELEC.” https://comelec.gov.ph/?r=AboutCOMELEC/CommissionMembers/PastMembersofCOMELEC&pmcdt=. Accessed 22 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.