Komisyon ng Pagsusuri

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Komisyon sa Pagsusuri o Komisyon sa Audit (English: Commission on Audit o COA) ay isang makapangyarihang institusyon ng pagtutuos sa Pilipinas. Ipinahahayag ng 1987 Konstitusyon ang kapangyarihan nito sa pagsusuri kung tama ang ulat at pagdodokumento ng revenue at mga resibo ukol sa kita at ginasta ng mga tanggapan o ahensiya ng pamahalaan. [1]

Commission on Audit.svg

Bisyon nitong patuloy na maging mapagkakatiwalaan, respetado, at nakapag-iisang institusyong taga-audit na epektibong kapanalig ng pamahalaan sa pagtitiyak na magkakaroon ng mabuting pamumuhay ang bawat Pilipino. Misyon naman nito na matiyak ang pananagutan sa mga pampublikong yaman, itaguyod ang transparency, at tulungang mapabuti ang operasyon ng pamahalaan, sa pakikipagtulungan sa mga stakeholder, para sa kabutihan ng sambayanang Pilipino. [1]

Mga Pangunahing Tungkulin

Ang Komisyon sa Pagsusuri ay ang nangangalaga sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng pagtiyak na ginagamit ito ng mga opisyal ng pamahalaan at mga kawani sa tunay at kapaki-pakinabang na layunin. Narito ang mga pangunahing tungkulin nito ayon sa Artikulo IX-D ng 1987 Konstitusyon: [2]

  • Suriin, i-audit, at isaayos ang lahat ng katuusan hinggil sa revenue (kita ng pamahalaan pagkaraang mabayaran lahat ang mga pinagkagastahan) at mga resibo, matapos ang paggamit ng mga pondo o ari-ariang pag-aari o ipinagkatiwala sa pamahalaan.
  • Palaganapin ang mga patakaran at regulasyon sa pagkompyut at pag-audit, kasama na ang pagpigil at pagkakait ng mga iregular, hindi mahalaga, sobra-sobra, bulagsak, at walang pakundangang paggasta o paggamit ng pondo ng pamahalaan at ng mga ari-arian nito;
  • Taunang pagpapasa ng mga ulat sa Pangulo ng Pilipinas at sa Kongreso ukol sa operasyon at kondisyong pinansiyal ng pamahalaan;
  • Magpanukala ng mga tiyak na kantidad upang lalo pang mapataas ang kahusayan at bisa ng mga operasyon ng pamahalaan;
  • Itago ang mga listahan ng mga pinagkagastusan ng pamahalaan at ingatan ang mga voucher at mga dokumentong kaugnay nito;
  • Magpasiya hinggil sa anumang kasong idinulog dito sa loob ng 60 araw; at
  • Magsagawa ng iba pang karagdagang tungkulin at gawain sang-ayon sa batas.

Kasaysayan

Ang pagtutuós (pagsasaayos, pagkukuwenta, at pagkakalkula ng mga gastusin sa pamamagitan ng pagtatala ng mga ito) sa Pilipinas ay nagaganap na noong sinaunang panahon. Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, umiral ang recidencia, ang opisyal na pagsisiyasat sa isang gobernador-heneral na pababa sa puwesto kasama ang ilang opisyales nito. Ang pagsisiyasat ay isinasagawa ng Real Audiencia (ang mataas na hukuman sa panahong iyon) upang matiyak na walang katiwalian at maayos na ginamit ang pondo o pananalapi ng mga opisyal.

Ang himagsikan naman laban sa mga Espanyol ay napunta sa pagkakatatag ng Kongresong Malolos. Bukod sa paggawa at pagpapatupad ng mga batas, nagsusuri at nagpapatibay rin ito sa mga gastusin at kinikita ng rebolusyonaryong pamahalaan.

Nang dumating ang mga Amerikano, naitatag ang Tanggapan ng Tagatuos sa Pilipinas. Nagkaroon ng panlalawigan dibisyon ng pag-audit. Nagkaroon ng “double-entry bookkeeping” upang higit na masuri ang kawastuhan ng mga dokumento.

Noong 1935, nagkaroon ng Tanggapan ng Pangkalahatang Pagtutuos (General Auditing Office o GAO) na pinamunuan ng Pangkalahatang Tagatuos. Sa unang pagkakataon, pinamunuan ito ng isang Pilipinong awditor o tagasuri na si Jaime Hernandez, na may tungkulin sa pagsusuri, pag-audit, at pagsasaayos ng lahat ng mga katuusan, gayundin sa pagtutuos ng lahat ng mga pondong pagkakagastusan at mga ari-arian ng pamahalaan.

Sa panahon ng Batas Militar, sumailalim din ang Tanggapan ng Pangkalahatang Pagtutuos sa maraming pagbabago. Pinalitan ang pangalan nito at naging Komisyon sa Pagsusuri o Komisyon sa Audit (English: Commission on Audit o COA) sa ilalim ng Saligang Batas noong 1973. Lalo namang lumawak ang saklaw ng tanggapan sa ilalim ng Saligang Batas 1987.

Sa kasalukyan, ang tanggapan ay nananatiling matatag at lantad sa publiko bilang tunay na kasangga sa pamamahala ng bansa tungo sa maunlad na antas na pamumuhay ng sambayanang Pilipino.

Mga Opisyal

Mula noong Marso 2015, ang tumatayong chairperson ng Komisyon sa Pagsusuri ay si Michael G. Aguinaldo. Siya rin ang kasalukuyang external auditor ng World Health Organization, ng Food and Agriculture Organization, at ng International Labour Organization of the United Nations. Siya ay isa ring abogado na may malawak na kaalaman at karanasan sa legal, pamamahala, at administrasyon na natamasa niya sa 25 taong pagtatrabaho bilang pribadong abogado, opisyal ng gobyerno, at propesor. [3]

Tumatayong komisyoner ng komisyon si Roland Café Pondoc na hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 6 Pebrero 2018 at kinumpirma ng Commission on Appointment noong 14 Marso 2018. Siya ay manunungkulan ng pitong taon o hanggang 2 Pebrero 2025. Siya ay isang certified public accountant at abogado.[3]

Ilang Katiwalian sa 2020 Annual Audit Report

Ang Komisyon sa Pagsusuri ay taunang (fiscal year) nagsasagawa, karaniwang nagsisimula ng Hunyo at inilalabas ang ulat sa sumunod na taon, ng kanilang audit. Nitong Agosto 2021 ay naisapubliko ang ilang kuwestiyonableng paggamit ng pondo at katiwalian sa pamahalaan sa panahon ng COVID-19 pandemic. Nanguna sa listahan ang Department of Health (DOH) na inulan ng mga batikos matapos maisapubliko ang depisyente o nawawalang 67.3 bilyong pisong halaga ng kanilang COVID-19 pandemic fund. May mga nagamit na pondo na wala ring kaukulang dokumento. [4]

Naging emosyonal naman ang kalihim ng DOH na si Francisco Duque III sa isinagawang virtual hearing ng Kongreso noong 17 Agosto 2021. Naglabas ng hinaing si Duque dahil hindi raw sila (siya at mga opisyal ng DOH) makatulog nang maayos dahil sa kahihiyang dulot ng isyu. Nagtrending rin ang pahayag niyang: [5]

Kalihim Francisco Duque III ng Department of Health

“Winarak na ninyo kami eh. Winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko dito." - Francisco Duque III

Samantala, ipinagtanggol naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque at nanindigan din na ang nakitang depisyente ng komisyon ay bunsod lamang sa hindi kompletong papeles. Binigyang-diin niya na may mga proyekto ang pamahalaan na hindi pa talaga kompleto ang dokumentasyon at hindi agad nangangahulugang may korupsiyon na naganap.[6]

Inulan din ng batikos ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nang maisiwalat sa publiko ang mataas o hindi tugmang halaga ng binili nitong mga hygiene kit, sanitary napkin, at thermal scanner na nagkakahalaga ng halos isang milyong piso. Nakadagdag pa sa kontrobersiya ang lugar kung saan ito binili kung saan nakapangalan ang isang negosyong pangkonstruksiyon. Gayunman, wala umanong nakitang hardware shop o anumang tindahan sa binanggit na lokasyon. [4] [7]

May nakita rin ang komisyon hinggil sa depisyente sa paggamit ng 7.2 bilyong pisong pandemic fund ng Department of Education (DepEd) para sa Basic Education Learning Continuity Plan. Sa paliwanag naman ni DepEd Undersecretary for Finance and Spokesperson Annalyn Sevilla na ang nakitang depisyente ng komisyon ay resulta umano ng maraming prosesong naantala dahil sa restriktong mobilidad dulot ng mga lockdown.[8]

Samantala, nananatili pa rin ang malinis na rekord ng Tanggapan ng Ikalawang Pangulo Leni Robredo sa Komisyon sa Pagsusuri. Sa ikatlong pagkakataon, mula noong 2018, ang tanggapan ni Robredo ang nakakuha ng pinakamataas na audit rating mula sa komisyon.[4]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 “COA at a Glance.” https://www.coa.gov.ph/coa_at_a_glance/index.html. Accessed 20 Agosto 2021.
  2. “The Principal Duties of the Commission.” https://www.coa.gov.ph/index.php/2013-06-19-13-06-03/principal-duties. Accessed 20 Agosto 2021.
  3. 3.0 3.1 “Chairperson.” https://www.coa.gov.ph/index.php/2013-06-19-13-06-03/key-officials. 20 Agosto 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 Lian Buan. “Often-ignored COA fuels pandemic outrage vs Duterte gov't.” Rappler, 20 Agosto 2021.https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/often-ignored-commission-audit-fuels-pandemic-outrage-against-duterte-government. Accessed 20 Agosto 2021.
  5. Bonz Magsambol. “[WATCH] Emotional Duque confronts COA: ‘Winarak ’nyo kami.’” Rappler 17 Agosto 2021. https://www.rappler.com/nation/duque-hits-commission-audit-house-hearing-august-17-2021. Accessed 20 Agosto 2021.
  6. David Tristan, et al. “Duterte hits COA on DOH audit report, defends health agency on ‘deficiencies’ over COVID-19 funds.” CNN Philippines, 17 Agosto 2021. https://cnnphilippines.com/news/2021/8/17/Duterte-hits-COA-on-DOH-report-defends-Duque.html. Accessed 20 Agosto 2021/
  7. Raheema Velasco. “Another COA red flag: OWWA pins non-existent address, names official.” Interaksyon, 18 Agosto 2021.https://interaksyon.philstar.com/politics-issues/2021/08/18/198407/coa-red-flag-owwa-non-existent-hardware-shop-address/. Accessed 20 Agosto 2021.
  8. Merlina Hernando-Malipot. “DepEd on COA report: Deficiencies due to restricted mobility not corruption, negligence.” Manila Bulletin, 17 Agosto 2021. https://mb.com.ph/2021/08/17/deped-on-coa-report-deficiencies-due-to-restricted-mobility-not-corruption-negligence/. Accessed 20 Agosto 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.