Komiks

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang komiks ay “maliit na seryeng aklat ng mga kuwentong nakadrowing.”[1] Ito ay isang popular na babasahin na higit na lumaganap sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano. Maging si Jose Rizal ay lumikha ng pabula sa anyong komiks.

Naging pangunahing hanapbuhay para sa maraming alagad ng sining ang paglilimbag ng komiks tulad ni Tony Velasquez na lumikha ng Ang mga Kabalbalan ni Kenkoy  noong 1929. Ang nakatatawang buhay ni Kenkoy ay unang itinampok sa magasing Liwayway  bilang comic strip. Higit namang sumigla ang industriya ng komiks sa bansa nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

‘Pambansang Libangan’

Ang pagbabasa ng komiks ay isa sa mga naging pangunahing libangan ng mga Pilipino. Ngunit sa pagpasok ng dekada nobenta ay humina ang bentahan sa merkado ng mga komiks. Maraming palimbagan ang inihinto ang paglilimbag nito tulad ng Atlas Publishing Co., Inc. na nagpasikat sa Pilipino Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks, at Espesyal Komiks. Isa sa mga pangunahing dahilan ng paghina ng komiks ay ang pagdating ng mga makabagong teknolohiyang nagbigay ng makabagong libangan sa mga Pilipino.

Sa Makabagong Panahon

Kung iisipin, sa pagpasok ng ika-21 dantaon ay muling lumalago ang industriya ng komiks sa bansa. May impluwensiya man ng mga banyaga ang bagong sibol na komiks, natatangi pa rin ang mga likha ng mga Pilipino.

Bakit hindi tuluyang nawala ang komiks sa paglipas ng panahon? Narito ang lima sa mga maaaring dahilan batay na rin sa pananaliksik ng may-akda.

  1. Maraming makabagong alagad ng sining ang nagsusulong pa rin ng komiks tulad ni Manix Abrera.
  2. May mga pahayagan pa rin ang patuloy na naglalathala ng mga comic strip.
  3. Pinag-uusapan pa rin sa kulturang popular ang mga haligi ng komiks sa Pilipinas tulad nina Tony Velasquez, Larry Alcala, at Pol Medina.
  4. Likas ang kakayahan ng komiks upang makasunod sa pagbabagong hatid ng teknolohiya. Maging sa mundo ng Internet ay makababasa ng mga comic strip.
  5. Ginagamit pa rin ang komiks bilang kagamitan sa pagkatuto at pagkamulat sa mga Pilipino ukol sa mga isyung panlipunan.

Mga Sanggunian

  • Jayson D. Petras. “Komiks.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Galileo S. Zafra, “Kenkoy.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.