Kilusang Propaganda

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kilusang Propaganda ay isang kilusan sa Pilipinas noong 1872 hanggang 1892 Sinimulan ito dahil sa pagbitay sa tatlong paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (Gomburza). Layunin ng kilusan ang kilalanin ng mga Kastila ang Pilipinas bilang bahagi at lalawigan ng bansang Espanya, pantay sa pagtingin sa bawat Pilipino at Espanyol sa harapan ng batas, pakakaroon ng Pilipinas ng kinatawan sa Cortes Generales, pagkakaroon ng sekularisasyon sa mga parokya ng Pilipinas, kalayaan sa pagpupulong nang matiwasay, pagpapalathala at pagsasabi ng mga pang-aabuso at ano mang anomalya sa pamahalaan.

Itinatag ito ng mga Pilipinong ilustrado sa Madrid para sa layuning pampanitikan at kultural sa halip na politikal na layunin. Sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce at ang magkapatid na Luna--Juan at Antonio--ang ilan sa mga kasapi ng samahan.

Ang La Solidaridad ang pahayagan ng mga propagandista na binuo noong Disyembre 13, 1888. Sa pahayagang ito nailathala ang mga katiwalian sa kolonya ng Pilipinas. Natapos ang paglilimbag noong 1895. May mga sipi na palihim na iniluwas sa Pilipinas at lihim namang binabasa sa mga nakapinid na mga pintuan.

Hindi nagtagumpay ang mga propangandista dahil nakaranas sila ng gutom sa Espanya. Hindi rin sila pinakinggan ng mga prayle at nagkaroon rin ng hindi pagkakaunawaan sa mga kasapi at pinuno. Gayundin, mas pinansin ng Espanya ang kanilang panloob na usapin na dapat nilang tugunan.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.