Kilusang Agraryo ng 1745

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kilusang Agraryo ng 1745 (tinatawag ding Pag-aalsa ng mga Tagalog ng 1745) ay panghihimagsik ng mga katutubong magsasaka na naganap sa mga lalawigan na kasalukuyang bahagi ng CALABARZON (partikular ang bahagi ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at umabot hanggang sa Bulacan.[1]

Ang mga katutubong Pilipino, na tunay na nagmamay-ari ng mga lupaing sakahan sa mga nasabing lalawigan, ay nag-alsá at gumawa ng mga kaguluhan laban sa mga paring Espanyol upang maibalik sa kanila ang mga kinamkam na lupain. Nang makarating ang balitang ito kay Haring Fernando VI, ipinag-utos niya na ibalik sa mga katutubo ang kanilang mga lupain. Gayunman, umapela ang mga prayle na kalaunan ay nanalo sa kasong ito. Nangangahulugan ito na wala ni kapirasong lupain ang naibalik sa mga katutubong tunay na nagmamay-ari nito. [2]

Encomienda sa Pilipinas

Ang encomienda sa Pilipinas ay ipinatupad ng mga Espanyol sa panahon ng kanilang pananakop sa bansa. Nang maitatag ang sentralisadong pamahaalaan sa Maynila noong 1571, nagsimula rin ang sistema ng encomienda sa Pilipinas. Sa sistemang ito, ginamit na gantimpala ng Hari ng Espanya ang mga lupain sa kolonya nito na pangasiwaan ng enkomendero (conquistador o sinomang pinunong Espanyol o sundalo na matapat na naglingkod sa hari). Ibig sabihin, ang mga lupain at ang mga mamamayan sa mga kolonyang bansa, tulad ng Pilipinas, ay pamamahalaan ng mga nararapat na Espanyol. [3]

Maraming pang-aabuso ang naranasan ng mga Pilipino sa pamamahala ng mga enkomendero. Lubhang napakataas ng buwis na sinisingil sa mga Pilipino na hindi nila kayang bayaran kahit mula sa ani ng sinasakang lupa. Ang buwis na dapat sana nilang binabayaran ay puwersahan nilang naipambabayad sa inupahang lupain, na pinangangasiwaan ng mga makapangyarihang Espanyol. Sa mga hindi makapagbayad ng buwis, sapilitang kinukuha sa kanila ang mga personal na ari-arian. Higit sa lahat, ang lupain ng mga katutubo ay sapilitang kinuha ng mga mananakop.[3]

Noong 1583, naitatag sa Pilipinas ang Real Audencia, unang kataas-taasang hukuman sa bansa. Kabilang sa mga nililitis dito ay may kaugnayan sa pagkamkam ng mga abusadong Espanyol sa mga lupain ng mga katutubo.[3]

Ugat ng Panghihimagsik

Sa mga datos na matutunghayan sa “The Tagalog Revolts of 1745 According to Spanish Primary Sources” ni Fernando Palanco Aguado, mauugat ang mga suliraning agraryo ng Katagalugan. Naganap ang mga pag-aaklás ng mga Tagalog sa pagitan ng Pebrero at Oktubre 1745.[2]

Malalim ang pinag-ugatan ng mga pag-aalsá—ang kontrobersiya sa pagitan ng Colegio de Santo Tomas at ng mga mamamayan ng Silang tungkol sa estado (nangangahulugang saklaw na teritoryo) ng Biñan na naganap dantaon na ang nakararaan noon. Ayon sa tala, noong 1704, pumayag ang mga katutubo na ang kanilang mga alagang baka na nasa estado ay maaaring ipastol sa sitio ng Bual. Ngunit sa paglipas ng panahon, ninais din nilang bawiin ang gayong permiso, na tinutulan ng mga prayle dahil ayaw nilang mapabayaan ang lupain na pinapastulan.[2]

Noong 1717, sinalakay ng mga katutubo ang isang pastol at pinatay ang ilang baka. Ang mga nangungupahan sa estado ay sinunog ang ilang kabahayan sa Silang. Iniwan ng mga Dominikano ang lupain sa ilalim ng litigasyon ngunit muli nilang inokupa ito noong 1741. Ang mga mamamayan sa Silang ay nagreklamo sa korte (Real Audiencia) at ang unang desisyon ay pabor sa kanila. Gayunman, nang umapela na ang Colegio de Santo Tomas, pumanig na sa kanila ang Real Audiencia. Lumabas ang pinal na desisyon noong 1 Setyembre 1744. [2]

Ayon pa sa tala, ipinagdiwang ang desisyong ito ng estado sa pamamagitan ng pagtatanghal ng komedya, pagpapaputok ng rebentador (firecraker), at pagpapatunog ng kampana. Lalo itong ikinagalit umano ng mga mamamayan ng Silang. Dagdag pa sa ulat na ito, may ibang relihiyosong orden na ginamit ang oportunidad ng tagumpay ng Colegio de Santo Tomas upang lalong palawakin ang kanilang sakop na lupain. [2]

Pakikipaglaban para sa Karapatan

Noong Pebrero 1745, nagsimula ang pagsusukat ng mga hanggahan (boundary) ng estado ng Biñan sa pangunguna ng komisyoner na si Juan Bautista de Uriarte. Noong 28 Abril 1745, tatlong prinsipalya ang nagpunta sa bahay ng administrador ng estado na si Fray Jose de San Vicente upang dalhin ang isang liham na pirmado ng ilang kalalakihan bilang kinatawan ng mga katutubo. Iginiit nila sa liham ang kanilang mga karapatan at reklamo: wala na silang mabungkal na lupain dahil mas pinili ng mga prayle na ipaupa ang mga iyon sa mga mestiso at Intsik. Ipinahayag din sa liham ang kanilang planong gibain ang mga bahay na itinatayo noon sa Munting Ilog, kasama ang mga dam na sakop ng lupaing sakahan. Nang matanggap ang liham, ipinag-utos ng administrador ng estado ang pag-aresto sa tatlong prinsipalya. Nang sumunod na araw, lumiham ang administrador sa rektor ng Colegio de Santo Tomas na si Padre Juan de Arechederra upang sabihan ito tungkol sa panawagan ng mga katutubo. Kinaumagahan ng 30 Abril 1745, nabalita na 500 armadong Indio ang sumira ng bodega at dalawang dam, kasama ang pagsamsam sa mga kagamitan ng mga Intsik. [2]

Noong 1 Mayo 1745, ipinag-utos ng prosekyutor ng Audencia na ikulong ang tatlong lalaki mula sa Silang at ang inisasyon ng legal na hakbang laban sa mga taong nasa likod ng ipinadalang liham. Kasunod naman nito ang paglabas ng isang mahabang kasulatan para sa gobernador, na nilagdaan ng 90 kalalakihan. Nilalaman ng kasulatan ang pagpapahayag ng kanilang katapatan sa Diyos at sa hari. Pinabulaanan din nila ang ginawa ng mga inakusahan ng kaguluhan. Ipinahayag nila ang kanilang kahirapan at iginiit ang patas sanang pagtrato sa kanilang kahilingan ukol sa kanilang mga lupain. Inakusahan din nila ang administrador ng estado sa pang-aabuso nito sa kapangyarihan at hindi paggalang sa kanilang paring sekular. Inihayag din nila ang pasakit na dulot ng mabagal at magastos na proseso sa pagkamit ng hustisya. Samantala, may mga tao na nagtipon sa tapat ng bahay ng administrador na nananawagan upang palayain ang tatlong prinsipalya. Ayon pa sa ulat, may nagpaputok ng baril mula sa loob ng bahay na iyon kaya lalong umigting ang sitwasyon. Sa kabutihang-palad, pinahupa ng isang paring sekular ang damdaming mapanghimagsik ng mga katutubo. [2]

Noong 4 Mayo 1745, dumating sa Biñan ang tinalagang hukom ng Audencia Real na si Juan Bautista Uriarte at napag-alaman niya na 200 armadong kalalakihan ang nagtipon sa isang sityo at kumontrol sa mga pangunahing daanan sa lugar. Habang nasa bahay ng administrador, kumuha si Uriarte ng mga impormasyon mula sa administrador at sa mga nangungupahan sa estado ukol sa mga naganap na kaguluhan. Samantala, 80 kalalakihan naman mula sa Indang ang lumagda ng petisyon para sa gobernador tungkol sa kanilang pagsuporta sa mga taga-Silang. [2]

Ilan lamang ang mga ito sa mga talâ kung paano ipinaglaban ng mga Tagalog ang kanilang mga lupain. Tinangkang payapain ng mga Espanyol ang mga Tagalog sa pamamagitan ng pagpapakausap sa kanila sa mga Heswita, maging ng mga paring sekular. Gayunman, hindi nagpatinag ang mga Dominiko. Ipinaglaban din nila kung ano ang nararapat para sa kanila. [2]

Reporma sa Lupa

Malaki ang naging epekto ng encomienda. Ang malalaking lupain sa Pilipinas ay pagmamay-ari ng mayayamang pamilya, maging ng mga prayle. Dahil dito, maraming magsasakang Pilipino ang nawalan ng lupain na hanggang sa kasalukuyan ay ipinaglalaban pa rin ng mga maralitang magsasaka.[4]

Sa panahon ng mga Amerikano, ipinatupad ang pagtatakda ng ilang kondisyon sa pamamahagi ng mga publikong lupain. Mayroon ding batas hinggil sa pagpapaupa. Gayunman, maraming magsasaka ang wala pa ring titulo ng lupa. [4][5]

May mga batas pang naisulong kaugnay sa reporma ng lupa halimbawa ang Agricultural Land Reform Code noong 1963, na layuning mabigyan ng sari-sariling lupa ang mga magsasaka ngunit hindi ito naipatupad. Noong Batas Militar, nagkaroon ng Tenant’s Emanicipation Act noong 1972 kung saan nagkaroon ng malawakang paglilipat ng mga pribadong lupang sa mga magsasakang nangungupahan dito.[4] [6] [5]

Naisulong naman sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform (CARP) na layuning maipamahagi ang ilang milyong ektaryang lupain. Gayunman, hindi pa nakokompleto ang programang ito dahil sa malalaking suliranin tulad ng pagsalungat ng mayayamang nagmamay-ari ng lupa at kakulangan ng suporta mula sa mga lehistrador. [4] [7]

Mga Sanggunian

  1. FilipiKnow. “8 Extremely Interesting Lesser-Known Battles in Philippine.” filipiknow.net, 13 Abril 2019, https://filipiknow.net/lesser-known-battles-in-philippine-history/#7_Agrarian_Revolts_1745_1746. Accessed 20 Pebrero 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 Fernando Palanco Aguado. “The Tagalog Revolts of 1745 According to Spanish Primary Sources.” Philippine Studies vol. 58 nos. 1 & 2 (2010): 45–77. Quezon City: Ateneo de Manila University. https://www.semanticscholar.org/paper/The-Tagalog-Revolts-of-1745-According-to-Spanish-Palanco/44a8cbee5a6a348033f8ff069a2b038c27b888a7. Accessed 20 Pebrero 2021. (PDF)
  3. 3.0 3.1 3.2 Dr. Eric A. Anderson. “The Encomienda in Early Philippine Colonial History” Asian Studies Journal (1976), https://www.asj.upd.edu.ph/mediabox/archive/ASJ-14-2-1976/anderson-encomienda-philippine-history.pdf. Accessed 12 Enero 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 Eilene G. Narvaez, ed. Virgilio S. Almario. “Reporma sa Lupa.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  5. 5.0 5.1 Department of Agrarian Reform. “Agrarian Reform History.” dar.gov.ph, https://www.dar.gov.ph/about-us/agrarian-reform-history. Accessed 20 Pebrero 2021.  
  6. “Presidential Decree No. 27, s. 1972.” Official Gazzettte, https://www.officialgazette.gov.ph/1972/10/21/presidential-decree-no-27. Accessed 20 Pebrero 2021.  
  7. E.A. Guardian. “Impact of access to land on food security and poverty: the case of Philippine agrarian reform.” Fao.org. http://www.fao.org/3/j0415t/j0415t08.htm. Accessed 20 Pebrero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.