Kilalanin ang mga nominado sa 2011 WikiPinoy of the Year: Mikey Bustos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Epic ang pagiging Pinoy.

Marami na ring lumabas na mga lathalain hinggil sa pagiging “epic” ng mga Pinoy, o kung paano naging katangi-tangi ang kultura at kaugaliang Pilipino. Kadalasan, tampok sa mga lathalaing ito ang mga small details sa kaugalian ng Pinoy, kagaya ng mga kaugalian sa pagkain, sa pag-aayos ng bahay, sa pagmamaneho, sa pakikipagkapwa, at ang mga pamahiin at mga bagay na inaakalang agimat.

Ang pagtakas sa matinding kahirapan sa Pilipinas ang siyang kalimitang dahilan kung bakit nangingibang bansa ang mga Pinoy. Ngunit sa kabila ng pag-iwas sa nakapanlulumong katotohanang ito, hindi pa rin makalimutan ng mga kababayan natin ang kulturang kanilang kinagisnan--kahit na nasanay na sila sa kulturang banyaga, mahal na mahal pa rin ang sariling bayan.

Ang ganitong anyo ng pagiging makabayan ang artikulasyon ng YouTube sensation at pop singer na si Mikey Bustos. Gamit ang YouTube, ang pinakasikat na video sharing site sa Internet, bilang lunsaran ng pagyakap ng mga migrant Pinoys sa kulturang kinagisnan, sumikat ang kaniyang seryeng pinamagatang Filipino Tutorials.

Sa pananalitang “Pinglish” (Ingles na binigkas sa puntong Filipino) at pagpapatawa, naipalaganap ni Bustos ang kultura at kaugaliang Pilipino, maging ang wikang Filipino, sa malawak na lawas ng Internet. Ang kaniyang tutorial, na layuning ituro sa kanluraning audience ang kakaibang kultura ng Pilipinas ay pumatok sa kanlurang bahagi ng daigdig maging dito mismo sa Pilipinas. Sa katunayan, ang kaniyang kauna-unahang “tutorial” video, ang Filipino accent tutorial, kung saan tinuro niya kung paano magsalita nang Ingles sa puntong Filipino, ay may mahigit nang isang milyong views mula nang inilagak ito sa YouTube noong 25 Pebrero 2011. Ang iba pa niyang “tutorial” videos ay tumatalakay sa iba't ibang aspekto ng pagiging Pilipino, gaya ng maka-Pilipinong pamamaraan ng paglobo ng mamisong plastic balloon, maka-Pilipinong paggamit ng palikuran, maka-Pilipinong pamamaraan ng pagkain ng alimasag, mga halimaw at nakakatakot na nilalang sa mitolohiyang Pilipino, at iba pa.

Mas magaan man ang dating ng pamamahagi ni Bustos ng impormasyon hinggil sa Pilipinas, masasabing nakaka-empower ang kaniyang pamamaraan. Una, sa panahon ng paglawak ng kanluraning kultura sa Pilipinas dala ng mga popular na palabas gaya ng American Idol at mga dayuhan mang-aawit gaya nina Justin Bieber at Lady Gaga, ginagawang in at hip ni Bustos, na dating kalahok sa Canadian Idol, ang kulturang sariling atin at maipagmamalaking atin. At pangalawa, kahit lumaki sa Canada, nanatiling matatas at maalam si Bustos sa kulturang Pilipino kaya't di na niya kailangang manalo pa Canadian Idol o matampok sa Ellen DeGeneres Show at bumirit nang pagkalakas-lakas para sumikat. Simple lang ang kaniyang paraan para maipagmalaki ang kaniyang pagiging Pinoy—sense of humor (na ang tawag ngayon ay “matabang utak”) at malalim na kaalaman at paghanga sa kulturang Pilipino.

Epic, 'di ba?

Karapat-dapat bang maigawad kay Mikey Bustos ang 2011 WikiPinoy of the Year? Kung oo, iboto siya rito (huwag kalimutang i-add ang WikiPilipinas Org sa Facebook).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Wiki-Balita