Kenkoy

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Bago pa man sumikat ang pagpapatawa sa mga pelikula at telebisyon, nauna nang nagbigay-aliw sa mga Pilipino ang komiks. Isa sa mga karakter sa komiks na sumikat ay si Francisco Harabas, higit na kilala bilang si Kenkoy.

Pagsilang ng Isang Komedyante

Isinilang si Kenkoy sa mundo ng komiks na unang nailathala sa magasing Liwayway, noong 11 Enero 1929, sa lingguhang comic strip na pinamagatang “Mga Kababalaghan ni Kenkoy.” Ito ay iginuhit ni Tony Velasquez at nilapatan ng iskrip ni Romualdo Ramos. Si Kenkoy ay higit na sumikat sa buong Pilipinas nang isalin sa iba’t ibang katutubong wika ang mga pinagbibidahan niyang komiks. Komedya ang tema ng kuwento ng buhay ni Kenkoy. Dahil nalikha sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang iskrip nito ay pinaghalong Tagalog at English. Ito ang nagpasimula ng “barok na English.”

Si Kenkoy ay itinuturing na unang “pop icon” sa larangan ng komiks. Markado ang kaniyang pisikal na anyo, tulad ng kaniyang buhok na laging plantsado at damit at sapatos na impluwensiya ng mga Amerikano.

Kuwentong Pampamilya

Napaunlad ang kuwento ni Kenkoy hanggang dekada 1990. Naging paksa ang buhay pag-ibig ni Kenkoy at ng kaniyang iniirog na si Rosing, larawan ng dalagang Pilipina. Sinundan ang kanilang kuwento hanggang sila ay magkaanak. Larawan din sila ng masayang pamilya.

Adaptasyon sa Ibang Sining

Gumawa rin ng pelikulang Kenkoy (1951) na si Tony Velasquez ang nagsulat ng iskrip at sa direksiyon ni Ramon Estrella. Sinundan ito ng pelikulang Kenkoy en Rosing (1975) sa direksiyon ni F. H. Constantino. Isang comedy musical play na Kenkoy Loves Rosing na pinagbibidahan nina Janno Gibbs, bilang Kenkoy, at Regine Velasquez, bilang Rosing, ang ipinalabas noong 1991. Nakalikha rin ng mga awitin na hango kay Kenkoy, tulad ng “Hay Naku Kenkoy” na titik ni Romualdo Ramos at nilapatan ng musika ni Nicanor Abelardo; at ng “Mr. Kenkoy” ni Mike Hanopol.

Mga Sanggunian

  • Galileo S. Safra. “Kenkoy.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • De Vera, Ruel S. “The Kenkoy experience.” Inquirer.net, 17 Setyembre 2011. https://lifestyle.inquirer.net/14433/the-kenkoy-experience/. Accessed 10 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.