Kartilya ng Katipunan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Noong panahon ng mga Espanyol, tinatawag na kartilya (nagmula sa salitang cartilla) ang maliliit na aklat na ginagamit sa mga paaralang pang-elementarya. Naglalaman ito ng mga aralin ukol sa pagbasa at ng mga dasal.

Mga Panuntunan

Ang kartilya ay nangangahulugan din bilang batayan ng mga panuntunan na dapat sundin sa isang samahan o lipunan. Ito ang dahilan kung bakit ang “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan” (1896) na isinulat ni Emilio Jacinto ay kilala rin sa tawag na “Kartilya ng Katipunan.” Ang Kartilya ay naglalaman ng 14 na kaisipan na nagsasaad ng pangkalahatang tuntunin o prinsipyo ng mga Katipunero sa panahon ng pagtataguyod Katipunan.

Aral at Talinghaga

Matalinghaga ang mga ginamit na pahayag ni Jacinto sa pagbuo ng Kartilya. Una na rito ang talinghaga sa paraan ng pamumuhay ng tao na inihambing niya sa kahoy na walang lilim at sa damong makamandag kung hindi ginugol sa isang kapaki-pakinabang na gawain. Binigyang-diin din niya kung ano ang tunay na kabanalan at kabaitan, ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay, ang pagkakaroon ng kababaang-loob, at ang paninindigan sa salita.

Pinangaralan din niya ang mga Katipunero na pahalagahan ang bawat sandali sa kanilang buhay at hindi ang kayamanang nauubos. Ang matutong ipagtanggol ang mga inaapi at kalabanin ang mga umaapi ay mahalaga ring kaisipan na ikinintal niya sa mga Katipunero. Ngunit ipinaalala na magingat sa bawat sasabihin at ilihim kung ano ang dapat ilihim.

May mga paalala rin sa kalalakihan kung paano dapat tratuhin ang kanilang asawa at mga anak, kung paano igalang ang kababaihan, at kung paano makisama sa kapuwa. Higit sa lahat, nabigyang-diin na hindi dapat ikahiya ang pinagmulang lahi at ang pagkakaroon ng mataas na pagkilala sa bayang sinilangan.

Ang Kartilya ay nakalathala sa Tagalog kaya malaki ang naitulong nito upang marami ang mahikayat na makiisa sa ipinaglalaban ng mga Katipunero.

Narito ang 14 aral mula sa Kartilya na pinanatili ang orihinal na pagbaybay ng mga salita:

  1. “Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.
  2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
  3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang gawa, ang pag-ibig sa kapua at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuiran.
  4. Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda…; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
  5. Ang may mataas na kalooban inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.
  6. Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.
  7. Huag mong sasayangin ang panahun; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; nguni’t panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.
  8. Ipagtanggol mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.
  9. Ang taong matalino’y ang may pagiingat sa bawat sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
  10. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
  11. Ang babai ay huag mong tignang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo ng buong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nagiwi sa iyong kasangulan.
  12. Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.
  13. Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kun di ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
  14. Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkalupuan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligaya ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang natumbasan.

Kung lahat ng ito’y mataruk na ng nag-iibig pumasuk at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasa sa kasunod nito.”

Mga Sanggunian

  • Aurora E. Batnag, ed. Virgilio S. Almario. “Kartilya.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Kriscell L. Labor. “Kartilya ng Katipunan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Jim Richardson. “Emilio Jacinto, ‘Katipunan nang manga A. N. B. - Sa may nasang makisanib sa katipunang ito’ (The ‘Kartilya’).” Kasaysayan-KKK, 15 Hulyo 2013. http://www.kasaysayan-kkk.info/membership-documents/emilio-jacinto-katipunan-nang-manga-a-n-b---sa-may-nasang-makisanib-sa-katipunang-ito-the-kartilya. Accessed 26 Pebrero 2021.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.