Kapre

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kapre (na kilala rin sa tawag na Agta, sa mga Bisaya) ay isang masamang espiritu o halimaw na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Ang mga kapre ay pinaniniwalaang kawangis ng isang lalaki na may kakaibang tangkad dahil na rin sa mahahaba nitong mga binti, mahabang buhok at karaniwang napagkikitang nakaupo sa mga sanga ng malalaking puno habang naninigarilyo. Madalas na nakikita ang kapre na naghihintay ng mga taong daraan upang takutin ang mga ito. Mahilig ang kapre sa paninigarilyo, pag-inom at pagsusugal. Ihinahalintulad rin ito sa “bigfoot” na kilala sa Hilagang Amerika, ngunit mayroon itong katangian na mas malapit sa tao.

Kapre

Ang salitang kapre ay hinango sa Espanyol na salitang “kapfre”, na dating ginamit bilang katawagan sa mga hindi muslim. Hinango rin ito sa salitang “kaffir” na ginagamit bilang tawag sa taong hindi naniniwala sa Islam. Unang ginamit ng mga Arabo ang katagang kaffir bilang pagtawag sa mga taong hindi naniniwala as Islam at di maglaon ay nadala ang salita as Pilipinas noong dumating ang mga Espanyol na nakasalamuha ang mga nasabing Arabo.

Tirahan

Sinasabing nakatira ang mga kapre sa malalaking puno tulad ng balete, acacia, o mangga. Pinaniniwalaang nakikita lamang ang mga ito tuwing gabi, habang nakaupo sa sanga ng puno at hinihithit ang sigarilyong hindi nauubos. Minsan ay maaari rin silang makitang nakaupo sa ilalim ng puno. Marami ang nagsasabing katha lamang ang kapre ng malawak na imahinasyon ng tao, ngunit mayroon na rin na nagsasabi, lalo na sa mga liblib na parte ng mga probinsya na totoo ang mga ito.

Anyo

Ang kapre ay kadalasang inilalarawan na may taas na aabot sa pito hanggang siyam na talampakan, maitim at maraming buhok sa mukha at katawan at nakasuot ng bahag. Mayroon itong malaking mata, matatalas na ngipin, mahahabang kuko at mga binti na kasing-laki ng katawan ng puno.

Uri

Tama – Ang uri na ito ng kapre ay kilala sa mga kwento ng mga Manobo. Isa itong higante na umaakit sa mga nais nitong biktimahin. Sinasabing ang mga ito ay nakatira sa puno ng Balete. Apila at Mandayangan – Ang mga uri na ito ng kapre ay pinaniniwalaang mga higante na nilalabanan ang isa't isa ngunit hindi mapanganib sa mga tao. Mangaluk – Isa itong higanteng halimaw sa kagubatan na karaniwang inilalarawan bilang isang nilalang na kawangis ng isang tao, maitim at may mga pakpak at mahahabang kuko.

Mga paniniwala

Maraming paniniwala ang mga tao tungkol sa kapre, lalo na ang mga naninirahan sa mga liblib na pook ng mga probinsya. Kabilang na dito ang kaisipang kapag mayroong maliwanag na bagay sa gitna ng kagubatan ay naroon ang kapre. Pinaniniwalaan din naman na mababait ang mga kapre at hindi nananakit ng mga tao kung hindi sila gagambalain o gagawan ng masama. Dapat rin humingi ng pahintulot sa pagdaan sa tabi ng malalaking puno at magsabi ng “tabi tabi po” upang hindi magambala ang kapre.

Ugali

Maraming kwento na ang nagpasalin-salin sa iba't ibang lugar at panahon tungkol sa ginagawa ng mga kapre sa mga tao. Pinaniniwalaang may kakayahan ang kapre na ilipat ang kama ng isang tao habang natutulog ito papunta sa isang sanga ng puno. Mayroon din silang kakayahan na iligaw ang mga tao sa bundok o kagubatan. Ilang mga saksi na rin ang nagsabi na nakakita na sila ng pagyanig ng puno at pagbagsak ng mga dahon kahit walang malakas na hangin. Sinasabi ring mayroong nakakarinig ng pagtawa ng kapre sa mga lugar na malapit sa pinaniniwalaang tinitirahan nito.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.