Kalesa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang kalesa ay isang tradisyonal na uri ng transportasyon sa Pilipinas. Impluwensiya ito ng mga Espanyol na ipinakilala nila sa mga Pilipino noong ika-18 siglo. Mula sa Spanish na salitang calesa, ang kalesa ay popular na sasakyan para sa mga mayayaman at may katungkulan sa pamahalaan. Mayroon itong dalawang gulong at hinihila ng kabayo. Ang karaniwang kalesa ay maaaring magsakay ng dalawa hanggang apat na pasahero at ipinaaandar ng isang kutsero.[1]

Sa kasalukuyan, nakikipagsabayan pa rin ang kalesa sa mga makabagong uri ng transportasyon sa bansa. Laganap pa rin ang mga kalesa sa Maynila, higit sa Intramuros at Binondo na dating sentro ng pamahalaan at kalakalan. Malimit ding ginagamit ang mga kalesa sa mga pook panturismo. Sa Vigan Heritage Village, ang mga kalesa ang nagsisilbing tour guide ng mga turista sa paglibot sa lugar.[1]

‘Kalesayahan’

Isang pagdiriwang naman ang kalesa para sa mga mamamayan ng Gasan, Marinduque. Tuwing Agosto, ipinagdiriwang nila ang Kalesayahan Festival o ang parada ng mga kalesa. Ang salitang kalesayahan ay pinagsamang salita na “kalesa” at “kasiyahan.”[2]

Ang pagdiriwang ay sinusuportahan ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang katutubong kultura at patuloy na tangkilikin ng mga mamamayan ang pagsakay sa mga kalesa. Ang mga kalahok na kalesa ay nilalagyan ng makukulay na disenyo at may nakasakay na binata at dalaga na nakasuot ng mga pambansang kasuotan.[2]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Kalesa.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. 2.0 2.1 Romeo A. Mataac Jr. “Kalesayahan Festival ng Gasan saan na ngani baga ang tungo?” Marinduque News, 23 Enero 2018.  https://marinduquenews.com/2018/01/23/kalesayahan-festival-ng-gasan-saan-na-ngani-baga-ang-tungo/. Accessed 24 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.