Kalakalang Galeon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kalakalang Galeon (tinatawag ding Kalakalang Maynila–Acapulco) ay taunang paglalayag ng mga barkong Espanyol sa Karagatang Pasipiko upang makipagkalakalan sa mga pántalán ng Maynila at Acapulco, kasalukuyang lungsod sa baybayin ng katimugang Mexico. Ang kalakalan, na naganap noong 1565–1815, ay tanging daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng Espanya at Pilipinas. Tinatayang 6,000 milya ang nilalakbay ng mga barko na umaabot ng anim hanggang siyam na buwan ang paglalayag mula Maynila patungong Acapulco. Ilan sa mga pangunahing ikinakalakal dito ay ang mga espesya (spices) at porselana. [1]

Panahon ng mga Espanyol

Bago pa man sakupin ng mga Espanyol ang Pilipinas, ang mga sinaunang Pilipino ay nakikipagkalakalan na sa China, Japan, Siam, India, Cambodia, Borneo, at Moluccas. Sa pagbubukas ng kalakalang Maynila–Acapulco, ipinasara ng mga Espanyol ang mga pántalán ng Maynila sa ibang bansa maliban sa Mexico.

Malalaking barko ang ginagamit sa Kalakalang Galeon na karaniwang umaabot sa 2,000 tonelada ang bigat.[2] Ang mga galeon ay ipinagagawa ng mga Espanyol sa Cavite at iba pang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng polo y servicio o sapilitang paggawa sa mga katutubong Pilipino.[3]

Malaki ang pakinabang ng mga Espanyol sa Kalakalang Galeon dahil malaki ang dinadalang kíta nito sa mga kolonyang bansa ng Espanya. Napakikinabangan nila ang heograpikong lokasyon ng Maynila at ang malaking suplay ng pilak sa Amerika. [2]

Ugat ng Kalakalan

Maaaring ugatin ang pagsisimula ng Kalakalang Galeon noong 1492 nang matuklasan ni Christopher Columbus ang Amerika habang ang Hari ng Espanya ay naghahanap ng maaaring madaanan papuntang China at India. Noong 1513, nadaanan ni Nuñez de Balboa, isang manlalayag na Espanyol, ang Isthmus ng Panama at natuklasan ang Karagatang Pasipiko. Inatasan naman ni Haring Charles (Emperador Charles V) si Ferdinand Magellan, isang manlalayag na Portuges, sa isang ekspedisyon papunta sa Asya at sa Spice Islands nang hindi dumadaan sa silangang ruta dahil iyon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Ottoman. Naglayag nga si Magellan pakanluran noong 1519 at natuklasan ang isang kipot na nagdurugtong sa Karagatang Atlantiko at Karagatang Pasipiko. Kalaunan, ang kipot ay ipinangalan sa kaniya. Nakarating si Magellan sa Pilipinas noong 1521 at namatay sa Labanan sa Mactan. Ipinagpatuloy naman ng nabegador na si Juan Sebastian Elcano ang paglalayag na hindi natapos ni Magellan, at nakabalik muli sa Sanlucar de Barrameda noong 1522. Nasundan pa ang mga paglalayag na ito ng mga Espanyol kabilang ang ekspedisyon na pinangunahan nina García Jofre de Loaysa noong 1525, Álvaro de Saavedra noong 1542, at Miguel López de Legazpi na kasama ang piloto at cosmographer na si Andres de Urdaneta noong 1564. [4] [5] [6]

Nakatuklas ng daan at gumawa ng bagong ruta si Urdaneta sa Karagatang Pasipiko na tinawag na Ruta ni Urdaneta. Noong Nobyembre 1564, naglayag sina Legazpi at Urdaneta mula sa kanlurang baybayin ng Mexico at nakarating sa Pilipinas noong Pebrero 1565. Noong Hunyo 1565, ang galeon na pinangunahan ni Urdaneta ay naglayag upang hanapin ang Kuroshio Current na may pabor na hihip ng hangin. Ito ang nagdala sa kanila papunta sa baybayin ng California, at pagkatapos ay nakarating sila sa pántalán ng Acapulco, Mexico noong Oktubre 1565.[7]

Ugnayang Asya, Amerika, at Europa

Sa Maynila, ang mga galeon ay pinupunô ng mga produktong Asyano: mga espesye mula sa Celyon, Moluccas, at Java; sutla, gáring (ivory), mga kagamitang yari sa porselana, láker (lacquer), at perlas mula sa Xiamen at Japan; at karpet, tapíseríya, at mga kasuotang gawa sa bulak mula sa India. Sa kanlurang baybayin ng Mexico ibinababa ang mga kalakal at dinadala sa pántalán ng Veracruz sa silangang baybayin. Muli naman itong isinasakay sa mga barko papunta sa Seville at Cadiz sa Espanya. Mula naman sa Espanya, bukod sa mga produkto ay kasama rin sa paglalayag ang mga opisyal, sundalo, misyonero patungo sa Acapulco. Sakay naman pabalik sa Maynila ang mga produkto mula sa Europa at Amerika. Kalaunan, ang rutang ito ay opisyal na tinawag bilang Maynila–Acapulco noong 1565. Ang kalakalang ito ang nag-uugnay sa Asya, Amerika, at Europa.[7][1] [8]

Ang Maynila ay naging isa sa mahahalagang pántalán sa mundo sa panahon ng Kalakalang Galeon dahil naging sentro ito ng kalakalan sa pagitan ng China at Europa. Ang mga kargo na ibinababa sa Acapulco galing Maynila ay karaniwang tumutubo ng 100 hanggang 300 porsiyento. At sa pagbabalik nito sa Espanya, karga na ng mga galeon ang mga pilak at mga misyonerong makikipag-ugnayan sa kanilang bansa.[7][1]

Ang mga sutla mula sa China ang pinakamahalagang kargamento na isinasakay sa galeon. Nagdadala rin ang mga mangangalakal na Tsino ng mga tela, batong pang-alahas, gintong alahas, at porselana. Ang iba pang produkto ay mula sa India (bulak at tela), Japan (láker at tábing); Indonesia (mababangong sangkap, paminta, sibuyas, nutmeg, at mace); Indochina (batong pang-alahas at matitigas na kahoy); at Pilipinas (mga produktong gawa sa niyog, kanela, tela, at beeswax).[1]

Kalakasan at Impluwensiya

Dahil sa Kalakalang Galeon, naging multi-kultural na bansa ang Mexico. Napabilang ito sa mayayamang siyudad sa buong mundo kung saan nanguna ito sa kultural at intelektuwal na aspekto. Bukod sa pagpapakilala nito sa paggawa ng tsokolate at iba pang pananim, nanguna rin ito sa paglilimbag na nagsimula noong 1535. Dito rin unang nakapagpatayo ng mga unibersidad sa kontinente ng Amerika. Kilala rin ito bilang siyudad ng mga aklat, mga manunulat, at mga mag-aaral na naiimpluwensiyahan ng kulturang Asyano. Dagdag pa rito, mayaman ang Mexico dahil sa pagmimina at palitan ng pilak. Nailathala rin sa Mexico noong 1609 ang aklat ni Antonio de Morga na Sucesos de las Islas Filipinas na naglalaman ng kaniyang mga tala tungkol sa simula ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas.

Ang Maynila, na pumangalawa sa Mexico sa larangan ng urnabisasyon at sopistikasyon, ay naging mahalagang pook ng pakikipagkalakalan sa Timog-silangang Asya. Maraming produkto mula sa China ang dinadala ng mga Tsino sa Maynila na kayang makipagkompetensiya sa iba pang produkto sa buong mundo. Dahil sa kasipagan ng mga Tsino sila ay yumaman. Dahil dito, nangamba ang mga Espanyol sa pagdami ng mga mandarayuhang Tsino sa Maynila. Kalaunan ay sinisingil na rin nila ng tributo ang mga mangangalakal na Tsino at pinatira sa Parian, isang pook sa labas ng Intramuros. Ang pagpapatirang ito sa Parian ay estratehiya ng mga Espanyol sapagkat may nakahanda nang kanyon na nakatutok sa direksiyong iyon bilang paghahanda kung sakali mang mag-alsa ang mga Tsino laban sa kanila. [9]

Mga Kahinaan at Pagwawakas

Ang pasilangang ruta ang pinakamahirap na paglalakbay dahil kailangang malusutan ang mga kapuluan ng Pilipinas bago makapaglayag sa Karagatang Pasipiko. Kailangan ding makaalis ang galeon sa bansa bago dumating ang bagyo o bago matapos ang Hunyo. Sa kasamaang-palad, hindi naiwasan ang mga kalamidad. Maraming barko ang nawasak ng malalakas na bagyo. Ang matagumpay na paglalayag mula Maynila patungong Acapulco ay nagtatagal sa loob ng anim hanggang siyam na buwan kaya nagkakaproblema sa pagkain at kalusugan.[10]

Dahil mas maraming produkto mula sa Asya ang kinakalakal sa Acapulco kaysa mga produkto ng mga Espanyol, nagpetisyon ang mga mangangalakal na Espanyol na protektahan sila kaya ang mahigit tatlong barko sanang naglalayag kada taon sa pagitan ng Maynila at Acapulco ay naging dalawa na lamang nang ibaba ang kautusan noong 1593.[3]

Dahil din sa mga ilegal na gawain at kalakalan, nanamlay ang Kalakalang Galyon. Marami ring bansa ang direkta nang nakikipagkalakalan sa China. Tuluyang nagtapos ang Maynila–Acapulco noong 1815. [3]

Sa loob ng 250 taon, tinatayang 110 galeon ang naglayag sa Kalakalang Galyon.[3]

Ang Mexico ay ganap na lumaya sa pananakop ng Espanya noong 1821 at ang Pilipinas noong 1898.

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 The Editors of Encyclopaedia Britannica. “Manila Galleon: Spanish Sailing Vessel.” Britannica.com. https://www.britannica.com/technology/Manila-galleon. Accessed 11 Pebrero 2021.
  2. 2.0 2.1 Jeffrey Hays. “Spanish Galleon Trade Between the Philippines and Mexico.” Facts and Details, 2008. http://factsanddetails.com/southeast-asia/Philippines/sub5_6a/entry-3835.html. Accessed 11 Pebrero 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Adelfa M. Pascual, ed. Virgilio S. Almario. “Kalakalang Galeon.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  4. History.com Editors. “Christopher Columbus.” A&E Television, 9 Nobyembre 2009. https://www.history.com/topics/exploration/christopher-columbus. Accessed 11 Pebrero 2021.
  5. History.com Editors. “Ferdinand Magellan.” A&E Television Networks, 29 Oktubre 2009. https://www.history.com/this-day-in-history/magellan-killed-in-the-philippines. Accessed 19 Enero 2021.
  6. “Spanish Expeditions to the Philippines.” Philippine-History.org, 11 Enero 2020. https://www.philippine-history.org/spanish-expeditions.htm. Accessed 11 Pebrero 2021.  
  7. 7.0 7.1 7.2 “The Manila Galleon – The Spanish Trade Route that Linked Three Continents.” andresurdaneta.org. http://www.andresurdaneta.org/urdaneta500/de/the-manila-galleon-the-spanish-trade-route-that-linked-three-continents.asp?cod=2352&nombre=2352&nodo=&sesion=1347. Accessed 11 Pebrero 2021.
  8. “The Manila Galleon – The Spanish Trade Route that Linked Three Continents.” andresurdaneta.org. http://www.andresurdaneta.org/urdaneta500/de/the-manila-galleon-the-spanish-trade-route-that-linked-three-continents.asp?cod=2352&nombre=2352&nodo=&sesion=1347. Accessed 11 Pebrero 2021.
  9. Marco B. Lagman, ed. Galileo S. Zafra. “Parian.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  10. W. E. Cheong. “The Decline of Manila as the Spanish Entrepôt in the Far East, 1785-1826: Its Impact on the Pattern of Southeast Asian Trade.” Journal of Southeast Asian Studies, Tomo. 2, Blg. 2 (Setyembre 1971), mp. 142-158.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.