Kakulangan sa suplay ng HIV drugs, “life and death situation” umano ayon sa isang grupo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Naghihintay ng paliwanag at aksyon ang mga Pilipinong biktima ng human immunodeficiency virus (HIV) matapos lumabas ang balitang ang karagdagang suplay ng gamot para mapabagal ang paglala ng nasabing sakit ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC).

Nagpadala ng liham ang The Project Red Ribbon Care Management Foundation, Inc. kay Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona noong ika-2 ng Setyembre 2014. Ayon sa sulat, ang mga pasyenteng may HIV ay hindi magkakaroon ng pagkakataong magkamit ng antiretroviral drugs (ARVs) kung ang kargamentong naglalaman ng halos 1,000 kahon ng ARV drugs ay ilalabas lamang sa ika-5 ng Setyembre 2014.

Ayon pa sa grupo, ang pagka-antala sa nasabing kargamento ay nagdulot sa AIDS Research Group ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM-ARG) na bigyan lamang ang kanilang mga kliyente ng kalahating dami ng isang bote ng ARV cocktail kada dalawang linggo, sa halip ng normal na tatlong bote nito kada quarter. Dagdag nila, kinailangan pang magpahiram ng ARV stocks ng RITM-ARG sa HIV treatment centers sa Metro Manila at ilang lugar sa probinsiya sa nakalipas na dalawang linggo bago pa magkaroon ng kakulangan sa suplay.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), ang nasabing kargamento ay walang pormal na import entry at ang tax at duties nito ay hindi pa bayad kaya't ang mga antiretroviral medicines ay nakatago sa Paircargo warehouse sa Parañaque City mula pa noong Agosto. Ayon sa panayam kay Charo Logarta-Lagamon, spokesperson ng BOC, nag-sumite ng file para sa nasabing kargamento noon lamang ika-3 ng Setyembre. Hinihintay din ng ahensiya ang pagbabayad ng DOH ng buwis para sa importasyon ng ARVs. Ang nasabing mga gamot, na mula sa opisina ng United Nations Children's Fund (UNICEF) sa Denmark, ay ipinadala sa dalawang magkahiwalay na batches noong ika-2 at ika-14 ng Agosto. Ang buwis para sa pag-import nito ay nagkakahalaga ng limang milyong piso.

Dagdag pa ni Logarta, oras na maipasa ng DOH ang mga kailangang dokumento at mabayaran ang duties at taxes na kaakibat nito, mailalabas na ang mga gamot sa loob lamang ng ilang oras. Wala umanong iksemsyon sa pagbabayad ng tax mula sa pag-iimport ng mga produkto kahit pa ang nasabing transaksyon ay sa pagitan ng dalawang ahensiya ng gobyerno.

Ayon sa pahayag ni Ona noong ika-3 ng Setyembre, ang mga nasabing gamot ay ilalabas kada batch. Ang mga ito ay magiging available sa mga pasyenteng may HIV sa ilalim ng DOH HIV treatment program. Dagdag pa niya, ang suplay ng gamot para sa kanila ay sapat habang hinihintay ng DOH ang release ng mga gamot mula sa BOC.

Layunin umano ng DOH na siguruhin ang kaligtasan at ikabubuti ng mga taong may HIV (PLHIV), sa tulong ng iba pang HIV advocates at supporters. Ang nasabing gawain ay bahagi ng mga gagawin ng ahensiya upang maabot ang Millennium Development Goals (MDG) sa Kalusugan Pangkalahatan.

Ayon sa datos ng DOH, 585 bagong kaso ng mga Pilipinong may HIV ang naitala noong Hulyo. Sa kabuuan, 3,399 bagong kaso ng may HIV ang naitala sa bansa ngayong taon.



Ulat mula kay John Michael Cancio ng Philippine Online Chronicles.(Hinango noong 9 Setyembre 2014).



Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.