Kagawaran ng Tanggulang Pambansa
Ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa o Department of National Defense (DND)sa Ingles ay ang kagawarang tagapagpaganap ng pamahalaan ng Pilipinas na may kinalaman sa pambansang seguridad. Ang ipagtanggol ang estado laban sa panlabas at panloob na banta at panatilihin ang batas at kaayusan ang pangunahing tungkulin nito.
Kasaysayan
Bago pa ang opisyal na pagbuo nito noong 1939, mababakas ang kasaysayan ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa mula pa sa panahon ng pananakop ng Kastila o bago pa man sila dumating sa Pilipinas. Makikita ito sa mga larawan ng mga malalaking katawan ng mga kalalakihan ng mga baryo na nagbabantay para sa ipagtanggol ang kanilang komunidad laban sa mga kaaway.
Itinuturing na ang Katipunan ang unang pamahalaang militar na nagbigay-buhay sa sandatahang lakas ng Pilipinas. Itinalaga ni Andres Bonifacio, tagapagtaguyod ng lihim na samahan]], si Teodoro Plata bilang Kalihim ng Digmaan, at maglaon, pinalitan ni Emilio Riego de Dios bilang Direktor ng Digmaan nang umupo si Emilio Aguinaldo bilang pangulo ng samahan noong 22 Marso 1897 sa Tejeros Convention.
Nagpakita ng kakayahan ang pamahalaang rebolusyonaryo ni Aguinaldo na bumuo ng isang sandatahang lalaban sa mga mananakop hanggang sa pagdating ng pwersang Amerikano.
Pinagtibay ng Komisyon ng Pilipinas ang Batas Bilang 175 noong 4 Hulyo 1901 na nagbubuo sa insular na pulisyang lakas na nakatalagang panatilihin ang kapayapaan at katahimikan. Nabuo ang Philippine Constabulary matapos ang isang buwan. Tungkulin naman nitong gapiin ang mga pinunong gerilya at iba pang natitirang sundalo ng sandatahang rebolusyonaryo.
Sa kanyang panunugkulan, iprinisinta ni Manuel L. Quezon ang National Defense Act na binuo ni Heneral Douglas MacArthur sa Kapulungan ng bagong Pamahalaang Komonwelt. Mayroon lamang 350 opisyal at 5,000 sundalo ang bumubuo sa tanggulang panlupa noong panahong iyon. Noong 11 Enero 1936, itinalaga ni Pangulong Quezon si Brig. Hen. Jose delos Reyes bilang Punong Kawani ng sandatahang lakas ng Pilipinas sa bisa ng Executive Order No. 11. Nagbigay-daan din ito para sa isama ang Philippine Constabulary sa sandatahang lakas ng Pilipinas para lamang alisin uli noong 1938.
Pormal na itinatag ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa noong 1 Nobyembre 1939 na nagbawas sa kapangyarihan ni Heneral MacArthur para bumili ng bala, pagrekrut ng mga sundalo at pagpasok sa mga kontrata para sa konstruksyon ng mga pasilidad pangmilitar nang walang pahintulot ni Pangulong Quezon at ng Kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na si Teofilo Sison.
Enero ng taong 1941 nang irekomenda ng intelligence officer (G-2) ng Kagawaran ng Pilipinas sa kanyang nakatataas sa Washington D.C. na bumuo ng Far Eastern Command na may pamunuan sa Kagawaran ng Pilipinas. Hindi ito seryosong isinaalang-alang hanggang sa sinabi ni Hen. MacArthur sa Punong Kawani ng Sandatahan na siya ang tatayo bilang Komandante sa Malayong Silangan.
Binuo ang United States Armed Forces in the Far East (USAFFE), isang pamunuang pangmilitar na binuo ng Estados Unidos sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang labanan ang pwersa ng Sandatahang Lakas ng Imperyong Hapon. Tumayo bilang komandante nito si Major General MacArthur. Itinatag ang himpilan nito noong 26 Hulyo 1941, kasabay ng pagpapalabas ng pangulo ng Estados Unidos na si Franklin D. Roosevelt ng Presidential Order (6 Fed. Reg. 3825) na isinasama ang Sandatahang Lakas ng Komonwelt ng Pilipinas sa Sandatahang Lakas ng Estados Unidos.
Noong Ikalawang Digmaan, maraming sundalong Pilipino at Amerikano ang napasama sa Marta ng Kamatayn sa Bataan. Noong 5 Hulyo 1945, bumalik sa Pilipinas si Hen. MacArthur at pinalaya ang bansa mula sa Imperyong Hapon at idineklara ang pagwawakas ng digmaan sa Pilipinas.
Ibinalik ni Hen. MacArthur ang kapangyarihan at tungkulin ng gobyerno kay Pangulong Sergio Osmeña matapos ang digmaan. Pinasimulan ni Osmeña ang mga imbestigasyon sa mga kasong pakikipagsabwatan sa tulong ni Tomas Confessor, isang gobernador-sibil ng Iloilo at pinuno ng mga gerilya sa Panay noong panahon ng digmaan, na naging pansamantalang Kalihim ng Tanggulan nang maglaon. Binigyan ng amnestiya ang lahat ng naakusahan.
Noong 31 Agosto 1950, itinalaga ni Pangulong Elpidio Quirino si Ramon Magsaysay bilang bagong kalihim ng kagawaran. Sumikat siya sa kanyang paraan para mapasuko ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP ) na nagpaluklok sa kanya bilang pangulo sa pampanguluhang eleksyon noong 1953.
Isinasaad ng Konstitusyon ng 1987 ang kapangyarihan ng bayan para hawakan ang militar at nagtatalaga sa Pangulo bilang Commander in Chief ng sandatahang lakas. Pinamumunuan din ng Pangulo ang Konseho ng Pambansang Seguridad (National Security Council), ang gumagawa ng mga kautusan at ulat patungkol sa mga bagay na may kinalaman sa tanggulang pambansa.
Isingit ang hindi nakapormat na teksto dito==Mga Tungkulin at Gawain==
Pangunahing tungkulin ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ang ipagtanggol ang estado laban sa panloob at panlabas na banta at panatilihin ang pagpapairal ng batas at kaayusan. Nakatalaga sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines o AFP), ang pangunahing kawanihan nito, ang panatilihin ang kapangyarihan, suportahan ang Konstitusyon at ipagtanggol ang nasasakupan ng Republika ng Pilipinas laban sa mga kalaban, dayuhan man o tagarito; ipalaganap at iangat ang mga pambansang layunin, interes at polisiya; at iplano, isaayos, panatilihin, palaguin at dagdagan ang mamamayang reserbang pwersa para sa pambansang seguridad.
Tungkulin din ng Kagawaran ang pagbibigay ng kinakailangang proteksyon ng Estado laban sa panlabas at panloob na mga banta; pagpapamahala at pagpaplano sa Programang Pangtanggulang Pambansa; pagpapairal ng batas at kaayusan sa buong bansa; at gawin ang iba pang tungkuling maaaring sabihin ng batas.
Mga Tanggapan
- Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines o AFP)
- Arsenal ng Pamahalaan (Government Arsenal o GA)
- Tanggapan ng Tanggulang Sibil (Office of Civil Defense o OCD)
- Tanggapan para sa Kapakanan ng mga Beterano sa Pilipinas (Philippine Veterans Affairs Office o PVAO)
- Kolehiyo ng Pambansang Tanggulan ng Pilipinas (National Defense College of the Philippines o NDCP)
Mga Reporma
Noong 1999, sinumulan ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ang pagbuo ng Programa para sa Reporma sa Tanggulan ng Pilipinas (Philippine Defense Reform Program o PDR) na inirekomenda ng Joint Defense Assessment (JDA). Noong Disyembre 2008, isang baong PDR Management and Execution System ang binuo. Inaprubahan ang layong pagganap at panahong gugugulin ng labing isang programa (na naging labindalawa nang isama ang integrasyon ng Defense System of Management) pati ang tatlong prayoridad na proyekto.
Pinamunuan ng Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Voltaire T. Gazmin ang PDR para ipatupad ang mga sistematikong reporma sa kagawaran. Isa sa mga pangunahing reporma ng kalihim ang pagbubuo ng mas pinalawak at pangmatagalang sistema ng pagpaplano ng tanggulan na tinatawag na Defense System of Management (DSOM), na inaasahan niyang magpapalit sa kabuuang tanggulan para maging isang propesyunal, may sapat na kakayahan at nakatutugong institusyon ng pamahalaan na maaaring ipagmalaki ng mga Pilipino.
Mga Kalihim/Komisyuner/Ministro ng Tanggulang Pambansa
Sanggunian
- Department of National Defense. dnd.gov.ph. (Nasilip noong 11 Oktubre 2012)
- Philippine Department of National Defense. globalization. (Nasilip noong 11 Oktubre 2012)
- Department of National Defense. lawphil.net. (Nasilip noong 11 Oktubre 2012)
- The Philippine Defense Reform Program. dnd.gov.ph. (Nasilip noong 11 Oktubre 2012)
- Brief History of the Department of National Defense. dnd.gov.ph. (Nasilip noong 11 Oktubre 2012)